Sa gitna ng mahigit 50 mga parol at mga mensaheng ipinahihiwatig ng mga ito, nagkaisa ang mga kasapi ng komunidad ng UP Diliman (UPD) sa panawagan nila ngayong UPD Paligsahan at Parada ng mga Parol 2025 (Lantern Parade 2025): panagutin lahat ng mga kurakot.
Batay sa tema ng 2025 Year-end Program na Abé-abé/Kaisa, nagsama-sama ang mga kasapi ng UPD nitong Disyembre 17 upang ipahayag ang pagtutol nila sa malawakang korapsiyon at ang pagpaparusa sa lahat ng mga sangkot sa mga katiwalian, partikular ang tungkol sa mga flood control project.
“Ang tema ngayong taon ay hango sa salitang Kapampangan na abé-abé na kung isasalin sa Filipino ay nangangahulugang pagsasama-sama. Kung titingnan naman ito sa perspektiba ng pangmundong pananaw (global perspective) ng mga Kapampangan, ito ay nagpapahiwatig ng pakikipag-isa,” ayon sa impormasyong ibinahagi ng tagapamahala ng 2025 Year-end Program.
Ang mga nanalong parol sa hanay ng mga akademikong yunit ay ang Abé-abé sa Kalsada ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (unang gantimpala), Kaisa Ka ng Linangan ng Turismo sa Asya (ikalawang gantimpala), Sulong, Silong ng Kolehiyo ng Arkitektura (ikatlong gantimpala), at Maitum ng Paaralan ng Arkeolohiya at Tahanan ng Kolehiyo ng Ekonomiyang Pantahanan (mga kapuri-puring banggit).





Sa hanay naman ng mga parol ng Kolehiyo ng Sining Biswal (College of Fine Arts / CFA) ang mga nagwagi ay ang Manananggal ng FA-14 VC-W (unang gantimpala), Tikbalang ng VC 24 VC-Z (ikalawang gantimpala), Bacobaco at Aswang ng UID-1 at UID-2 (ikatlong gantimpala), at Tiktik ng SFA 24-Z (kapuri-puring banggit).




Pareho ang halaga ng mga salaping gantimpala para sa mga itinanghal na pinakamagandang parol sa hanay ng mga akademikong yunit at mga mula sa CFA: PHP50,000 para sa unang gantimpala, PHP30,000 (ikalawang gantimpala), PHP20,000 (ikatlong gantimpala), at PHP10,000 (kapuri-puring banggit).
Ang mga batayan para sa pagpili ng pinakamagagandang parol ay ang pagsunod sa tema (20%), malikhaing pagsanib ng kultura at kapaligiran (20%), biswal na epekto at katuturan (30%), kapakinabangan ng pagiging eco-friendly (15%), at paggamit ng alternatibong enerhiya (15%).

Ang mga kasapi ng Lupon ng mga Hurado ay sina Senior Director for Arts and Culture Jorell M. Legaspi ng Ayala Foundation, Inc.; independent filmmaker, TV director, screen writer, film editor, at cinematographer Zig M. Dulay; Tagapamahalang Opisyal ng GMA Network’s Entertainment Group at Pangalawang Pangulo ng GMA Network’s Drama Group Cheryl L. Ching-Sy; Chief Operating Officer ng Philippine Daily Inquirer Rudyard S. Arbolado; at UP System Assistant Vice President for Public Service Mark Lester del Mundo Chico, na siya ring direktor ng UP Los Baños Media and Communication Office.
Sa kanyang mensahe, ipinaalala ni UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II na “hindi hadlang ang ating pagkakaiba, bagkus ay nagiging tulay ito para sa pagtutulungan at pagkakaisa. Sa pagtatapos ng taon, nagpapasalamat din ako sa paninindigan nating manatiling matibay sa kabila ng mga pagsubok.”

“Ngayon ay nasaksihan natin ang makukulay at naglalakihang parol. At kahit papaano ay napawi ng mga ito ang kalungkutang ating nadarama sa pagkatalo ng UP Men’s Basketball Team sa finals ng men’s basketball tournament ng Season 88 ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP),” ani Vistan.
Kaugnay nito ay kinilala ang mga koponang nagkamit ng unang tatlong puwesto sa kani-kanilang paligsahan sa unang semestre ng Season 88 ng UAAP, at nagkaroon ng bonfire para sa mga pagpupunyagi ng mga mag-aaral na atleta.
Nagkamit ng ikatlong puwesto ang UP Men’s Track and Field Team at ang UP Women’s Badminton Team. Nanalo ng ikalawang puwesto ang UP Men’s Badminton Team at ang UP Men’s Basketball Team. Itinanghal namang kampeon ang UP Women’s Swimming Team.
“Dama sa mga parol ang galit sa mga katiwalian sa ating bayan pero dama rin naman ang pagbubunyi. Gaano man kadilim ang ating dinaraanan, we can serve as the light of this country,” pahayag ni Pangulo Angelo A. Jimenez ng UP sa kanyang mensahe.
Ibinalita rin niya ang mga matatanggap na insentibong pinansiyal ng mga kwalipikadong guro at kawani ng UPS, na lubos na ikinagalak ng mga guro at kawaning sumama at nanood sa parada.
Nakiisa rin sa Lantern Parade 2025 ang UP Manila (UPM) sa pagpaparada ng nanalong parol sa Lantern Parade 2025 ng UPM, ang Sierra Madre ng UPM Kolehiyo ng Medisina. Lumahok din sa parada ang UP Bonifacio Global City.