Campus

Kaloob sa UP: IBG-KAL Theater

“Ako ang dapat magpasalamat sa UP. Nang mag-aral ako sa UP, I fell in love with UP. This theater is my way of giving back to UP,” paliwanag ni Ignacio B. Gimenez nang pasinayaan ang Ignacio B. Gimenez–Kolehiyo ng Arte at Literatura Theater (IBG-KAL Theater) ng UP Diliman (UPD).

Gimenez. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Si Gimenez ang nagbigay ng donasyong pinansiyal para maipatayo ang IBG-KAL Theater, na matatagpuan sa panulukan ng Magsaysay Avenue at Roces Avenue sa isang loteng may higit 11,000 metro kuwadrado ang sukat. Katabi nito ang Gimenez Gallery kung saan maaaring magdaos ng mga eksibit.

Sa pasinaya ng teatro noong Pebrero 6, naikwento ni Gimenez kung bakit malapit sa kaniya ang buhay tanghalan. Noong dekada 1960, siya ay naging aktibong kasapi ng UP Dramatics Club at UP Mobile Theater sa pangunguna ni Pambansang Alagad ng Sining sa Teatro Wilfrido Ma. Guerrero.

“Dahil sa UP Mobile Theater ay nakarating ako sa maraming lugar sa buong Pilipinas, mula Luzon hanggang Visayas at Mindanao,” ani Gimenez. “Whatever I achieved in life, UP is probably 60 percent of it. This theater is donated with love—love for UP and love for the arts,” dagdag niya.

Samantala, ayon kay UPD Tsanselor Fidel R. Nemenzo, “Mahigit 10 taon na ang nakalipas mula nang una kong marinig ang pangarap ng KAL na magkaroon ng sarili nilang teatro.”

Ibinahagi niyang matagal na ring pinananabikan ng mga taga-KAL ang pagtindig ng gusali, at ang pagbubukas ng teatro ay hudyat ng kahalagahan ng sining sa UPD.

“Ang pagbubukas po ng KAL Theater ay senyales na mahalaga ang sining sa buhay ng ating komunidad, sa mga layunin ng ating pamantasan, at patuloy po ang ating pamantasang mangunguna sa pag-aaral at pagtataguyod ng sining sa ating bansa,” sabi ni Nemenzo.

Inalala naman ni Pangulo ng Unibersidad Danilo L. Concepcion ang pinagmulan ng KAL.

“This year marks the 40th anniversary of the separation of the college, the College of Arts and Sciences, into three colleges, namely the College of Science, the College of Social Sciences and Philosophy, and the College of Arts and Letters,” ani Concepcion. “It is only right that the College of Arts and Letters celebrates this milestone year, with all it has accomplished, in a new venue to showcase its best and brightest,” dagdag niya.

Nilalayon ng IBG-KAL Theater na maging karagdagang lugar ng KAL.

Harapan ng IBG-KAL Theater at Gimenez Gallery. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO
Entablado at loob ng teatro. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

“The KAL Theater is envisioned to augment the physical complements of the College of Arts and Letters. It features the primary formats, exhibit, and educational and instructional spaces, [where] cultural events and activities can be hosted, benefitting new generations of UP students,” ani Concepcion.

Ibinahagi rin niya ang malaking tulong ni Gimenez upang matapos ang pagpapagawa ng awditoryum ng UP Baguio, at kung paanong ang kolektibong pagkilos ay nagdudulot ng malalaking ambag para sa Pamantasan at sa bansa.

Lubos naman ang pasasalamat ni Dekano Jimmuel C. Naval ng KAL.

“Hindi ko alam kung saan ako huhugot ng pinakamalalim na pasasalamat,” aniya. “Ten years pagkatapos planuhin ay mayroon ng bagong teatro ang KAL. Hindi lang naman ito para sa KAL kundi para sa buong Unibersidad, sa UPD, at sa lahat ng nagmamahal sa sining at katotohanan,” dagdag ni Naval.

Sinang-ayunan naman ni Angelo A. Jimenez, ang papások na pangulo ng Unibersidad, ang motibasyon sa pagpapagawa ng bagong teatro.

“It is very clear to me, hearing everyone today, that the building before us is a product of love. We learn to love the University and decide to give back,” sabi ni Jimenez.

Inalala rin niya ang sawikaing “People are moved not by ideas but by emotions like love, devotion, search for justice, [and] search to end injustice.”

Ikinagalak ng mga dumalo sa pasinaya ang pangako si Jimenez kay Gimenez na bunga ng nakitang pag-ibig sa Pamantasan, “I have a promise to you, Sir, in six years, I will do everything I can to build UPD as a center of art in the north of the capital city.”

Si Gimenez ang tagapangulo ng Euro Towers International, Inc. at ng iba pang mga kumpanyang pangpinansiyal at hotel.

Pamilya Gimenez at mga opisyal ng UP sa harap ng pananda ng teatro (mula kaliwa): Naval, Nemenzo, Concepcion, Gimenez, Fe Gimenez, Atty. Ma. Gabriela Roldan-Concepcion, UP Faculty Regent Carl Marc L. Ramota, UPD Bise Tsanselor para sa Pagpaplano at Pagpapaunlad Raquel B. Florendo, UP Pangalawang Pangulo sa Pagpapaunlad Elvira A. Zamora, Jimenez, Manguiat, at Ignacio Gimenez III. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Kasamang dumalo ni Gimenez sa pasinaya ang kabiyak niyang si Fe Roa Gimenez at anak na si Ignacio Salvador R. Gimenez III.

Dumalo rin sa pasinaya ang mga opisyal ng UP System at UPD.

Naghandog naman ng dalawang awit ang UP Singing Ambassadors (UPSA), sa pagkumpas ni Edgardo L. Manguiat. Ang UPSA ay isa sa mga opisyal na grupong pangtanghal ng Unibersidad at nakabase sa KAL.

  • Share: