Campus

Indak para sa rebolusyon, laban sa opresyon!

Ni Kevin Brandon Saure, mga  kuha ni Jefferson Villacruz

Sabay-sabay na umindak ang mga lumahok sa OBR UP Diliman para sa rebolusyon.
Sabay-sabay na umindak ang mga lumahok sa OBR UP Diliman para sa rebolusyon.

(PEB. 15) Bilang pakikiisa sa taunang One Billion Rising (OBR), isang pandaigdigang pagkilos na naglalayong wakasan ang karahasan laban sa kababaihan, muling nagtipun-tipon ang mga miyembro ng komunidad ng UP Diliman (UPD) noong Pebrero 13 upang magmartsa at sumayaw sa ilalim ng temang Revolution.

Sa ikatlong taon ng OBR sa UPD, ang panawagan ay hindi na lamang nakatuon sa pagpapalaya ng kababaihan mula sa iba’t ibang porma ng pagmamalupit, kundi tumutumbok na rin sa mas malalaking suliranin ng lipunan na siyang ugat ng iba’t ibang uri ng opresyon. Sa ilalim ng temang rebolusyon, hangad ng komunidad ang tuwirang pagbabago sa sistemang pulitikal, ekonomiko at kultural.

Nanguna sa nasabing martsa at flash mob mula Benton Hall patungong Quezon Hall ang UP Diliman Gender Office (UPDGO) sa pamumuno ni Prop. Bernadette Neri. Ang UPDGO rin ang convenor ng OBR sa nakaraang dalawang taon. Pagdating sa Quezon Hall, nagkaroon ng maikling palatuntunan kung saan nagbahagi ng kani-kanilang mensahe ng pakikiisa at pagtatanghal ang iba’t ibang sektor.

onebillionNilahukan ang OBR ng humigit-kumulang 400 tao mula sa iba’t ibang kolehiyo, opisina, organisasyon, at konseho mula sa loob ng UPD – Archaeological Studies Program, Alliance of Contractual Employees in UP, All UP Academic Employees Union, All UP Workers Union, Asian Institute of Tourism, College of Arts and Letters, College of Home Economics, College of Mass Communication, College of Music, College of Social Work and Community Development, Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy, Gabriela Youth – UPD, National College of Public Administration and Governance, National Network of Agrarian Reform Advocates Youth, Office of Anti-Sexual Harassment, Office of Community Relations, School of Labor and Industrial Relations, Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP, UP Center for Women’s Studies, UP Shopping Center at V-Men – UPD.

Kasama rin sa pagtitipon ang mga estudyante at guro mula sa Krus na Ligas High School, Balara High School, at mga residente ng Krus na Ligas, Balara, Daang Tubo at Arboretum.

Ilan sa mga inihaing isyu ng nasabing pagtitipon ay ang kontraktuwalisasyon, pagpapa-upa ng mga lupa ng unibersidad, diskriminasyon at karahasan, at mataas na matrikula sa UPD. Sa mga pambansa at pandaigidigang isyu naman ay ipinanawagan ang pagwakas sa kahirapan at korapsyon.

  • Share:
Tags: