Extension

GA 7 at 7.5 nagtanghal ng pangwakas na konsiyerto

Makalipas ang mahigit walong buwang pag-aaral, itinanghal ng mga lumahok sa programang pang-ekstensiyon na Gitara at Awit (GA) 7 at 7.5 ang kanilang mga talento sa pagtatapos ng kanilang klase.

Halos 40 kawani ng UP Baguio, UP Diliman (UPD), at UP Mindanao ang tumugtog at umawit sa Gitara at Awit: Pangwakas na Aktibidad. Itinanghal nila ang lokal at banyagang awit, mga awiting bayan, at mga awiting Pamasko.

Mga nagtapos sa GA 7 at 7.5 kasama ang kanilang mga guro. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UP Diliman Information Office

Ang GA ay inilunsad noong 2019 sa pamumuno ng Department of Strings and Chamber Music (DSCM) ng UPD Kolehiyo ng Musika (College of Music / CMu), sa pakikipagtulungan ng UP Guitar Society at All UP Workers Union Diliman Chapter (AUPWU-Diliman).

Recorded video ng pagtatanghal ng mga nagtapos mula sa UP Mindanao. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UP Diliman Information Office

Nilalayon ng GA ang magbigay sa mga kawani ng UP ng de-kalidad at libreng leksiyon sa paggigitara, habang umaawit. Ito ay nagsisilbing pahinga sa mga kalahok at gayon di ay napapaunlad ang kanilang kakayahan sa pagtugtog ng gitara at pag-awit.

Ayon kay Dekana Ma. Patricia B. Silvestre ng CMu, nagsimula ang GA sa UPD at kalaunan ay napasama na rin ang UP Baguio, UP Manila, UP Tacloban, at UP Mindanao. Sa ngayon, ang mga bagong katambal ng DSCM ay ang UPD Office of the University Registrar, UP Office of Admissions, at UPD National Institute for Science and Mathematics Education Development para sa mga lugar ng pag-aaral.

Mga nagtapos at mga guro ng GA 7 at 7.5 kasama mga opisyal ng CMu, AUPWU Diliman, at UPD Office of the University Registrar. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UP Diliman Information Office

Nagpasalamat naman si Pangulong Concepcion T. Marquina ng AUPWU-Diliman sa mga tao sa likod ng GA.

“Salamat po sa mga ganitong gawain na nakakatulong sa well-being ng mga kawani, lalo na sa kanilang mental health. Sana ay magpatuloy pa ito sa maraming panahon,” aniya.

Naganap ang konsiyerto noong Disyembre 3 sa CMu Mini Hall.

  • Share: