Campus

UPD 2022 Year-End Program: Bagong Tahak, Bagong Galak

(UP Diliman Information Office) — Iba’t ibang aktibidad ang inihanda ng UP Diliman (UPD) ngayong Disyembre upang ipagdiwang ang 2022 Year-End Program na may temang Bagong Tahak, Bagong Galak.

Itinatampok ng tema ngayong taong ito ang matagumpay na pagpapalawig ng Unibersidad sa diwa at kahulugan ng edukasyon, pananaliksik, at paglilingkod na hinulma ng determinasyong malampasan ang iba’t ibang uri ng pagsubok lalo na noong kasagsagan ng pandemyang COVID-19.

Sa pagsisimula ng bagong kabanata, hinihimok ng Unibersidad ang lahat na tahakin ito kaakibat ang mga bagong plano, programa, at alituntunin. At sa pagharap sa mga panibagong hamon, hinihikayat din ang buong komunidad na baunin ang galak na nag-uugat sa pagpupursiging mapagtagumpayan ang takot at alinlangan. Ang kagalakan ding ito ang magsisilbing kislap sa kamalayan sa pagharap sa mga landas na sasalubungin at tatahakin.

Pag-iilaw. Sinimulan ang year-end program sa Pag-iilaw Para sa Pasko 2022 na ginanap noong Disyembre 9 sa Oblation Plaza. Ito rin ang naging hudyat ng pagsisimula ng pagdiriwang ng Kapaskuhan sa UPD.

Sa kauna-unahang pagkakataon mula noong kasagsagan ng pandemyang COVID-19, pisikal na nasaksihan ng komunidad ng UPD ang seremonya ng pag-iilaw ng buong kampus na isa sa mga tradisyon sa Unibersidad tuwing Kapaskuhan.

Ang Pag-iilaw ay birtuwal ding napanood sa opisyal na website (https://upd.edu.ph/pag-iilaw-2022/) at YouTube channel (https://youtu.be/1xmPaZvZq8Y) ng UPD.

Isa rin sa mga naging tampok na bahagi ng seremonya ay ang paglulunsad ng sining instalasyong KAThAKATAKA na dinisenyo ni Toym Imao, isang visual artist at katuwang na propesor sa UPD College of Fine Arts.


UPD Busker Festival 2022. Sinundan ang Pag-iilaw ng UPD Busker Festival 2022: A Fundraiser for Taguyod UPD na inorganisa ng UPD Office of the Vice Chancellor for Student Affairs. Ito ay ginanap noong Linggo, Disyembre 11, 3 n.h.-8 n.g., sa UP Town Center Acacia Pavilion.


Jazz Christmas. Isang konsiyerto naman na pinamagatang Jazz Christmas ang ihahandog ng UPD College of Music (CMu). Ito ay gaganapin sa Disyembre 16, Biyernes, 6:30 n.g., sa University Theater Driveway.  Tampok dito ang pagtatanghal ng UP Jazz Ensemble sa direksyon ni Rayben Maigue, isang propesor ng CMu; ang Iskollas, isang grupo na umaawit ng a cappella group na binubuo ng mga mag-aaral ng CMu; at ang CMu Staff Shakers.

Para sa mga karagdagang detalye, bisitahin lamang ang Facebook page ng CMu (https://www.facebook.com/UPCMuOfficial).


Paligsahan at Parada ng mga Parol. Ang pinakaaabangang aktibidad ngayong taon ay ang Paligsahan at Parada ng mga Parol na gaganapin sa Disyembre 21, Miyerkules, 4 n.h., sa Academic Oval.  Susundan ito ng palatuntunan sa University Amphitheater, mga musikal na pagtatanghal, paggawad ng premyo sa mga magwawagi sa paligsahan ng Parol, pamaskong awit mula sa komunidad, at fireworks display.

  • Share:
Tags: