Bibigyang-pugay at ipagbubunyi ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD) ang akademikong tagumpay ng mahigit 4,000 magsisipagtapos na mag-aaral sa Ika-112 Pangkalahatang Pagtatapos ng UP Diliman sa Hulyo 30, Linggo, ika-7 n.u., sa Ampiteatro ng Unibersidad.
Ang pangkalahatang pagtatapos na may temang Tayog ay mapapanood din nang live sa opisyal na website (https://upd.edu.ph/tayog-ika-112-pangkalahatang-pagtatapos-sa-up-diliman/) at YouTube channel (https://youtube.com/live/y88Wcc02kOI) ng UPD.
Ang tagapagsalita sa taong ito ay ang kasalukuyang pangulo ng UP na si Kgg. Angelo A. Jimenez.
Ang ika-22 pangulo ng UP, si Jimenez ang kauna-unahang rehente ng mga mag-aaral ng UP noong 1992. Muli siyang naging kasapi ng Lupon ng mga Rehente mula 2016 hanggang 2021.
Mula 1996 hanggang 2005, naglingkod siya sa Office of the Secretary of the Department of Labor and Employment at humawak ng mga kasong may kinalaman sa pambansang interes. Nagsilbi rin siya bilang gumaganap na pangalawang tagapangasiwa sa Overseas Workers Welfare Administration mula 2005 hanggang 2007. Siya rin ay naging labor attaché mula 1999 hanggang 2005.
Natapos niya ang kursong Batsilyer sa Arte (Sosyolohiya) noong 1987 at Batsilyer sa Batas noong 1994, na pareho niyang kinuha sa UPD. Nagtapos naman siya ng Master in Public Management sa National University of Singapore Lee Kuan Yew School of Public Policy noong 2013 at naging Lee Kuan Yew fellow sa Harvard Kennedy School of Government.
Samantala, si Jessie S. Malibiran Jr. naman ang naatasang magbigay ng mensahe bilang kinatawan ng mga magsisipagtapos. Siya ay magtatapos ng kursong Batsilyer sa Arte–Master sa Arte may Karangalan (Agham Pampolitika) mula sa Departamento ng Agham Pampolitika ng UPD Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya.
Para sa mga karagdagang impormasyon at mga pabatid, bisitahin lamang ang opisyal na website (www.upd.edu.ph) at mga social media page ng UPD.
The Chancellor’s Opening Remarks
Message of the Class Representative
Photos