Mahigit 8,000 mag-aaral at anim na samahang mag-aaral ng UP Diliman (UPD) ang binigyang-pugay sa Parangal sa Mag-aaral 2025 (PSM 2025).
Ang PSM 2025 ay inorganisa ng Opisina ng Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral (Office of the Vice Chancellor for Student Affairs / OVCSA) bilang bahagi ng pagdiriwang ng UPD Linggo ng Parangal 2025 (LnP 2025). Layunin ng taunang parangal na kilalanin ang mga tagumpay ng mga mag-aaral ng UPD sa larangang akademiko, sining, palakasan, at serbisyong publiko.

Gamit ang tema ng LnP 2025 na Mga Puwersa ng Pagbabago, hinamon ni Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II ang lahat ng pinarangalan na isabuhay ang esensiya ng pagiging Iskolar ng Bayan.
“Taglay ninyo ang kakayahang baguhin ang hugis ng lipunan. Ang hamon sa bawat henerasyon ay nasa harap ninyo ngayon—ang kumilos para sa ikabubuti at ikauunlad ng kinabukasan,” ani Vistan.
“Naniniwala kaming lahat dito sa administrasyon ng UP at ang inyong mga guro na matutugunan ninyo ang hamong ito at magagampanan ninyo nang mainam ang inyong papel sa ating bayan paglabas ninyo ng Unibersidad dahil ngayon pa nga lamang ay nagbabahagi na kayo ng dunong, tiyaga, at talento sa iba’t ibang larangan, at sa loob at labas ng bansa. Ipinagmamalaki ng ating Pamantasan ang inyong tagumpay,” dagdag niya.

Sa saliw ng mga awit ng UP Concert Chorus, unang binigyang-pugay ang 87 topnotcher sa board at bar examinations noong 2024 hanggang Enero 2025. Sinundan ito ng pagkilala sa mahigit 100 mag-aaral na nagwagi sa iba’t ibang patimpalak sa loob at labas ng bansa, pati ang mga pinarangalan ng mga pampubliko at pribadong organisasyon sa Pilipinas at iba’t ibang panig ng mundo.
Kasunod na kinilala ang mga iskolar sa ilalim ng mga programa ng Opisina ng Pagpapasimuno sa Kultura at mga Sining: 21 mag-aaral sa Performing Arts Scholarship Program; siyam na mag-aaral sa ilalim ng Creative/Critical Thesis Grant in the Arts, Culture, and Humanities; at 180 mag-aaral sa ilalim ng Visual Arts and Cultural Studies Scholarship Program.
Ipinakilala rin ang mahigit 100 mag-aaral na naging benepisyaryo ng Lipad-Aral Student Exchange Program ng Opisina ng Ugnayang Pang-internasyonal-Diliman noong ikalawang semestre ng Akademikong Taon (AT) 2023-2024.
Sumunod na binigyang-pugay ang 72 student-volunteers ng Diliman Learning Resource Center at UP Ugnayan ng Pahinungod (UP Pahinungod).
Ang sumunod na bahagi ay ang paggawad ng Ignacio B. Gimenez Award for UP Student Organizations’ Social Innovation Projects na pinangunahan nina Vistan, Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral Jose Carlo G. de Pano, at tagapangulo ng komite ng Parangal sa Samahang Mag-aaral Jay-Ar M. Igno, na siya ring tagapag-ugnay ng Opisina ng mga Proyekto at Gawain ng mga Mag-aaral. Kasama nila sa paggawad si Kynan Gimenez, kinatawan ng IB Gimenez Group of Companies. Dumalo rin sa programa sina Thea Gimenez at IR Gimenez.

Anim ang pinarangalang samahang mag-aaral mula sa 26 na mga nominadong samahan.
Iginawad ang Parangal sa Samahang Mag-aaral sa kategoryang Edukasyon at Literasi sa UP Children’s Rights Advocates League para sa kanilang proyektong Tinig ng Kabataan: Pakinggan, Pagtuunan!
Kinilala naman ang UP Resilience Institute YouthMappers para sa proyektong BATAlert: Capacitating Children’s DRRM Skills Through the Development of Community-based Educational Modules sa kategoryang Kalikasan at Pamamahala); UP Kalilayan para sa proyektong Neil Eria Educational Discussion Series 2024 sa kategoryang Kapayapaan at Pagtataguyod ng Panlipunang Pag-unlad; at UP Delta Lambda Sigma Sorority para sa proyektong Social Entrepreneurship Training for Inmates Towards Circular Economy and Holistic Development, o mas kilala bilang Project Stitch sa kategoryang Pagnenegosyo at Inobasyon.
Ang huling dalawang samahang pinarangalan ay ang UP Junior Music Educators’ Guild para sa proyektong Linangang Tinig: Pagpapaunlad ng Awitan sa Loob ng Silid-Aralan sa kategoryang Kalusugan, Sports, at Kagalingan, at ang Rise for Education Alliance–UP Diliman, o mas kilala bilang R4E-UPD, para sa proyektong Build UP 2024: Freshie Initiative sa kategoryang Sining at Kultura.
Sumunod na pinarangalan ay ang tampok sa programa, ang 7,943 university scholars (US) para sa ikalawang semestre ng AT 2023-2024 hanggang unang semestre ng AT 2024-2025. Ang US ay mga mag-aaral na may general weighted average na hindi bababa sa 1.25 (graduwadong lebel) o hindi bababa sa 1.45 (di-graduwadong lebel). Lahat ng kolehiyo ng UPD ay may US.
Ipinakita sa screen ang mga pangalan ng unang batch ng US saliw ng mga awit na hatid ng ConChords. Ang mga pangalan ng ikalawang batch ng US naman ay ipinakita sa screen kasabay ang pagtatanghal ng UP Filipiniana Dance Group (UPFDG).
Pinarangalan din sa PSM 2025 ang mga student-athlete na nagwagi sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) para sa ikalawang semestre ng AT 2023-2024 hanggang unang semestre ng AT 2024-2025, pati na ang mga nagwagi sa iba pang patimpalak sa loob at labas ng bansa. Ipinakilala rin ang mga samahang mag-aaral na nakatuon sa larangan ng sports.
Limang kinatawan ng mga natatanging mag-aaral ang nagbahagi ng kanilang mga kuwento ng sakripisyo at tagumpay: Nathan Saint Ashley Garcia ng UP Pahinungod (student-volunteers), Mike Aaron O. Capsuyen ng UPFDG (student-artists), Louna D. Ozar ng UP Women’s Basketball Team (student-athletes), Leandro Ceasar Cediño, unang summa cum laude ng BS Geology at top 1 ng 2024 Geologists Licensure Examination (topnotchers), at Glenmar S. Montaño ng Kolehiyo ng Edukasyon (international student awardees).





Pagkatapos nito, pinangunahan ni Montaño ang lahat ng mga natatanging mag-aaral sa kanilang panunumpa ng pagkilala at pangakong paglilingkod.
Sa kaniyang mensahe ng pasasalamat at pagpupugay, ibinahagi naman ni de Pano sa mga pinarangalang mag-aaral ang tatlong aral kasabay ng paalalang ang pagdiriwang ng tagumpay ay nagtatapos.
“Para sa akin, tatlong bagay ang maaari ninyong gawin na baka sakali ay makapagpanatili ng kabuluhan ng bawat nakamit na tagumpay,” ani de Pano.
“Una, huwag iwaglit sa inyong mga isip na sa bawat naabot, may kasama ka— nandiyan ang suporta at tulong ng komunidad. Ikalawa, ang inyong nakuhang karangalan ay hindi katapusan ng isang goal. Ito ay simula ng isang responsibilidad. Maging inspirasyon kang nagpapalakas ng loob ng mga kapuwa mo estudyanteng nais ding sumubok. Ikatlo at huli, panatilihin ninyong nag-aalab ang inyong kagustuhang maging bahagi ng mga puwersa ng pagbabago sa loob at labas ng Pamantasan. Anuman ang susunod ninyong gawin, sana magbigay ito ng karangalan sa pagiging Iskolar ng Bayan,” paliwanag ni de Pano.
Ang mga tagapagpadaloy ng PSM 2025 ay sina Marvin Ray D. Olaes, katuwang na propesor ng Departamento ng Komunikasyong Pasalita at Sining Panteatro, at Anna Lourdes R. Cruz, kawani ng OVCSA.
Ang PSM 2024 ay ginanap noong Mayo 6 sa Teatro ng Unibersidad. Ito ay ipinalabas din nang live sa mga Facebook page ng UPD at OVCSA.
