(DIS. 12)— Pumanaw na si Professor Emeritus Teresita G. Maceda ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) noong Dis. 11 sa edad na 70.
Ginawaran si Maceda ng titulong Professor Emeritus noong Ene. 10, 2014. Siya ay nagsimulang maglingkod sa UP bilang instruktor mula Hun. 1, 1972 hanggang May. 31, 1973 at lumipat sa Ateneo de Manila University (ADMU) upang magturo mula 1974 hanggang 1982.
Bumalik siya sa UP Diliman (UPD) noong Abril 1982 bilang mananaliksik sa noo’y Third World Studies Program ng College of Arts and Sciences. Muli siyang naglingkod bilang Katuwang na Propesor 2 ng KAL sa ilalim ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) noong 1983. Siya ay umakyat sa ranggong Professor 12 noong 2005.
Naglingkod si Maceda bilang kauna-unahang direktor ng Sentro ng Wikang Filipino (SWF) sa UP System mula Nobyembre 1989 hanggang Disyembre 1994. Siya rin ay naglingkod bilang isa sa mga unang komisyuner ng Komisyon sa Wikang Filipino ng Opisina ng Pangulo ng Pilipinas mula 1992 hanggang 1995.
Taong 1999 ay itinalaga siya bilang Assistant Vice President for Public Affairs at direktor ng UP System Information Office (na ngayon ay Media and Public Relations Office) at naglingkod hanggang 2001. Naging tagapangulo rin siya ng DFPP mula Hunyo hanggang Nobyembre 2012.
Siya ay nagtuturo ng Filipino, Panitikan ng Pilipinas, Philippine Studies at Komunikasyon.
Ilan sa mga natanggap na karangalan ni Maceda ay ang Gawad Chanselor para sa Pinakamahusay na Mananaliksik (1996) at ang Catholic Mass Media Awards (Best Drama Series, 2001; Special Citation, 2003; at Best Radio Drama Series, 2004).
Pinagkalooban din siya ng UPD Centennial Professorial Chair noong 2012 para sa akdang “Sebwano, Panag-ambit Sebwano, Panag-ambit: Bahaginan ng mga Pulong Salita” na nailathala sa “Ambagan” (2009), at ng UPD Centennial Faculty Grant noong 2011 para sa pananaliksik na “Himno Nacional: Ang Pagsakop ng Awit ng Independensya” na nailathala sa “Salin-Suri: Panimulang Pagmamapa ng mga Larangan ng Pag-aaral ng Pagsalin sa Filipinas” ng SWF (2009).
Kilala si Maceda bilang batikang manunulat at ilan sa kanyang mga nailimbag na aklat ay ang “Bride of War” (Anvil Publishing Inc., 2012), “Mga Tinig mula sa Ibaba: Kasaysayan ng Partido Komunista ng Pilipinas at Partido Sosialista ng Pilipinas sa Awit, 1930-1955” (UP Press, 1996) at “Marcel Navarra: Mga Piling Kuwentong Sebuano” (UP Press, 1986).
Ilan sa mga pananaliksik ni Maceda na nailathala sa mga international published journal ay ang “Problematizing the popular: the dynamics of Pinoy pop(ular) music and popular protest music” (Inter-Asia Cultural Studies, Vol. 8, Issue 3, England: Routledge, 2007) at ang “Résistance, culture télévisuelle et mondialisation aux Philippines” (Alternative Sud, Vol. VII, No. 3, France, Centre Tricontinental, 2000).
Si Maceda ay nagtapos ng kursong BA English Literature sa Maryknoll College (ngayon ay Miriam College) noong 1969 at ng MA in English and Philippine Literature sa ADMU noong 1975. Nagtapos naman siya ng PhD in Philippines Studies sa UPD noong 1990.
Ayon sa DFPP, dadalhin ang mga labî ni Maceda bukas, Dis. 13, sa UP Parish of the Holy Sacrifice. —Haidee C. Pineda, photo courtesy of DFPP