Campus

3 mula sa UPD wagi sa Dangal ng Panitikan 2020

(SET. 17)—Sina Prop. Reuel M. Aguila at Prop. Glecy Atienza, PhD, ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, at dating administratibong kawani ng UP Diliman (UPD) Raul Funilas, ay pararangalan bilang Dangal ng Panitikan 2020 sa Set. 21, 9 n.u. sa “KWF Araw ng Parangal (Biswal na Parangal).”

Mapapanood ang birtwal na seremonya ng kanilang pagkilala sa Facebook page ng KWF sa https://www.facebook.com/komfilgov.

Ang tatlo ay kabilang sa limang hinirang noong Set. 7 sa bisa ng Kapasiyahan Blg. 20-22 na pinagtibay ng Kalupunan ng Komisyoner ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF).

Ayon sa KWF website, ang Dangal ng Panitikan ay “iginagawad sa mga manunulat at alagad ng sining na nakalikhâ ng mga akdang nag-iiwan ng bakás o humahawi ng landas sa larangan ng pagsusulat.  Pangunahing konsiderasyon ang pagpapamalas ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana, bukod sa pambihirang pagkasangkapan sa Filipino at ibá pang wikang panrehiyon o panlalawigan. Isinasaalang-alang din ang nalathalang aklat at ibá pang akda na pawang kinikilála sa angkin nitóng husay, lawak, at lalim, alinsunod sa matalisik na pagtanaw ng mga kritiko at pangkalahatang publiko.”

Kapwa fakulti ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) sina Aguila at Atienza samantalang si Funilas ay nagsilbing administratibong kawani mula Enero 1969 hanggang Agosto 2016.

Si Aguila ay mandudula, makata, mananaysay, at scriptwriter para sa telebisyon, pelikula at radyo. Siya ay kasalukuyang professorial lecturer sa DFPP. Una siyang nagturo sa UP noong 1980 at umalis noong 1982. Bumalik siya sa Unibersidad noong 1985 at muling umalis makalipas ang isang taon. Taong 2000 ay muli siyang bumalik sa UPD upang magturo at naglingkod hanggang sa siya ay magretiro.  Si Aguila ay isa ring manunulat ng piksyon, tagapagsalin at litratista ng mga ibon. Kilala bilang premyadong manunulat ng iba’t ibang genre, siya ay nailuklok sa Hall of Fame sa Don Carlos Palanca Memorial Awards noong 2009. Pinarangalan siya ng KWF bilang “Mananalaysay ng Taon” noong 2007, at “Dangal ng Wikang Filipino” at “Makata ng Taon” noong 2008.

Si Atienza ay premyadong manunulat ng mga dula, malikhaing di-piksyon (creative non-fiction) at pananaliksik. Ilan sa kanyang mga nakamit na karangalan ay ang Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Cultural Center of the Philippines Writing Grant for Literature at 2014 Gawad Tsanselor para sa Natatanging Mananaliksik sa Filipino. Si Atienza ay isa ring mandudula at aktor ng teatro.  Kasama rin siyang gumanap sa mga pelikulang “Pisay” (2007) at “Filipinas” (2003).

Kilala bilang Tata Raul, si Funilas ay isang makata, eskultor at alagad ng sining mula Talim Island, Binangonan, Rizal.  Kasapi siya ng Art Association of the Philippines at Bigkis Sining Binangonan.  Naging katuwang din siya ng yumaong Pambansang Alagad ng Sining Napoleon Abueva sa maraming proyekto.  Dati rin siyang manunulat sa isang local na pahayagan ng Binangonan, ang Manila East Watch.  Nakapaglimbag at edit na siya ng limang aklat na tula kabilang ang “Halugaygay sa dalampasigan” na inilimbag ng UST Publishing noong 2006.

 

 

 

Photo Credits:

Prop. Reuel M. Aguila’s photo — https://www.facebook.com/reuel.aguila/

Prop. Glecy Atienza– https://wherethepeopleare2018.web.nctu.edu.tw/%e7%9b%b8%e7%89%87/glecy-cruz-atienza/

Raul G. Fulinas — https://www.facebook.com/Angono-Rizal-News-Online-221752811169154/photos/pcb.1950627268281691/1950621648282253/