Notices

Pahayag ng Opisina ng UPD Tsanselor ukol sa mga pinakahuling kaso ng COVID-19 sa UPD

Home COVID-19 Info  UPD Initiatives   Donate   Hotlines 
Bulletin Advisories   UP Memos   Learn Online   Post-ECQ 

Ngayong Hunyo 26, may dalawa pang frontliners ang nagpositibo sa COVID-19, para sa kabuuang 16 na kaso. Sila ay binubuo ng mga health, laboratory at security personnel na naka-assign sa Kanlungang Palma at UP Health Service (UPHS). Bilang pagsunod sa mga protokol, sila ngayon ay naka-isolate, at patuloy ang isinasagawang contact tracing.

Ito ay mahalagang usapin sa UP Diliman, at nais kong tiyakin sa komunidad na ipinatutupad ang mas mahigpit na mga hakbang upang pigilin ang pagkalat ng impeksyon at siguruhing ligtas ang mga pasilidad na ito. Kabilang sa mga isinasagawang hakbang sa kasalukuyan ay ang disinfection, pagrerebyu ng mga protokol pangkaligtasan, at pagsusuri sa mga kawani.

Nitong mga nakaraang buwan, ang kampus ay naglatag ng mga patnubay, mekanismo, at mga komite upang palawigin ang paghahanda natin sa pandemya. Isinara rin natin ang kampus sa publiko at tanging mahahalagang kawani (essential staff) lamang ang pinayagang magtrabaho sa mga opisina. Hanggang noong nakaraang linggo, inakala naming nauuna tayo ng ilang hakbang sa banta ng COVID-19. Ngunit, ilan sa ating mga sosyal at kultural na pag-uugali at pang-araw-araw na kagawian ay naging daan upang mapabayaan ang mga protokol pangpandemya, dahilan upang maging mahina tayo laban sa banta ng virus. Ang kasalukuyang pagkalat nito sa Diliman ay tanda na huwag nating ibaba ang ating depensa.

Kaugnay nito, ang mga tanggapan sa UP Diliman ay nananatiling ligtas. Ipagpapatuloy natin ang work from home (o pagtatrabaho mula sa tahanan) at papasok lamang sa trabaho kung kinakailangan. Ipagpatuloy natin ang pagsusuot ng face masks, gawin ang physical distancing (pisikal na pagdidistansya), at sundin ang wastong paghuhugas ng mga kamay. Sa puntong ito, binibigyang-diin ko na ang mga nasabing gawaing pampublikong kalusugan ay napatunayang epektibo sa pagprotekta sa atin.

Pinapaalalahanan ko rin ang lahat tungkol sa pagbabahagi ng anumang impormasyon mula sa mga hindi opisyal na social media platform na maaaring hindi totoo o maging sanhi ng takot sa loob ng komunidad. Hinihikayat ko ang komunidad na tingnan ang website ng unibersidad at iba pang mga opisyal na platform ng UP Diliman para sa anumang balita o pabatid. Ang mga impormasyon sa panahon ng mga krisis ay dapat transparent o batid ng lahat, ngunit kinakailangang isinasagawa nang may pananagutan. Asahan ninyong ibabalita namin sa komunidad ang anumang pangyayari sa kampus na may kaugnayan sa pandemya.

At panghuli, ginigiit kong huwag tayong maging kampante. Manatili tayong alerto at ligtas.

Fidel R. Nemenzo
Chancellor

 


English version