Ang mga katangi-tanging pamamaraan upang makipamuhay sa kapaligiran ang bumabalangkas sa kalinangan ng isang pamayanan; kaya naman malimit na iniuugnay ang dalumat ng paglinang sa kultura at kabihasnan. Matingkad ang hugpungang ito sa halimbawang ipinamamalas ng kasaysayan ng mga unang Pilipino. Matapos na mapagtagumpayan ng sinaunang tao ang mga alon ng dagat patungo sa kapuluang kinalaunan ay Pilipinas, ang kanilang pamamalagi ay nagbunga ng paglikha ng teknolohiyang gaya niyaong may kinalaman sa pangisdaan at agrikultura.
Malalim na ang pinag-ugatan ng pagsasaka sa kalinangan ng bayan, at masasalamin ito sa mga tayutay, metapora, at kawikaang ng iba’t ibang etnolinggwistikong grupo upang ilarawan ang kanilang danas, halagahin, at pananaw. Iwinawangis ang pagbubungkal ng lupa, pagtatanim, at pag-ani sa paglinang ng sarili at pagbabahagi nito sa lalong ikabubuti ng marami. Ang pagkalinga sa pananim at sa lupang nagbibigay-buhay ay nagagabayan ng at sumasagisag sa holistikong pagbibigay-halaga sa tao, kalikasan, at kalinangan.
Bilang pamantasan ng bayan, patuloy na itinatanim sa utak at puso ng mga kinakandili nito ang pagpapayabong ng kaalaman sa kapakinabangan ng sambayanan. Ang pinakamainam na bunga ay pinipili at itinatampok sa iba’t ibang paraan gaya ng Gawad Tsanselor – ang pinakamataas na pagkilala ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman sa mga natatanging guro, mananaliksik, REPS, kawani, mag-aaral, adbokasiya, organisasyon, at tanggapan. Gaya ng mga pagdiriwang na idinaraos tuwing panahon ng anihan, kinikilala ng pamayanan ng UP Diliman ang mga sanga nitong naging pinakamabunga, kasabay ng hamong patuloy na linangin ang sarili upang mag-ani ng dangal at husay.
Paglinang at Pagbunga: Linggo ng Parangal at Pag-uulat 2020
Pebrero 21, 2:30 n.h., University Theater
Program
Photo gallery
Chancellor’s International Reception
Pebrero 21, 6 n.g., Ang Bahay ng Alumni
Photo gallery
Parangal sa Mag-aaral
Pebrero 26, 1 n.h., University Theater
Photo gallery
Parangal sa mga Retirado at 2019 Gawad Paglilingkod
Pebrero 27, 2 n.h., UP Film Center
Program
Photo gallery
Gawad Tsanselor 2020
Pebrero 28, 2 n.h., University Theater Main Hall Stage
Program
Photo gallery