“Eh ano ngayon kung UP ka?
Tandang-tanda ko pa ang pambungad sa akin ng aking cameraman, noong bago pa lang akong reporter, 40 years ago to be exact.
Sabi pa niya, ‘Magbuhat ka nga ng gamit at tripod; matuto kang mag-ilaw at magsaksak ng mikropono.’
Work is an equalizer.
Sa trabaho, pantay-pantay ang lahat. Saan ka man nag-aral.

Eh ano nga ba kung UP kayo?
I throw that same question to our graduates now.
Ano ba ang ibig sabihin ng inyong UP education? Look no further. The answer is right here– in the community within and around the campus.
Hindi vacuum ang UP at mas lalong hindi ito Ivory Tower.
Hindi mahirap i-konek ang ating mga pinag-aralan sa mga realidad ng buhay. Dahil katabi lang ng ating academic buildings o tambayan, ang mga tahanan at munting negosyo ng mga naghahanapbuhay dito.
Iyung totoo.
Ngayong ga-graduate na kayo, bukod kay Mang Larry, kilala n’yo man lang ba kung sino si Manong Fishball o si Manang Banana Cue?
Baka lang ibalik niyo ang tanong sa akin. ‘Eh ikaw, Jessica, sinong naalala mo?’
Si Mang Efren, iyung nagtitinda ng prutas sa lumang SC o Shopping Center bago ito nasunog at naging mall.
At siyempre, walang nagdaan sa IMC o CMC o sa Institute o College of Mass Communications o Communication noong time namin, na hindi minahal si Aling Suming.
Napakahirap pong sumulat ng speech. Lalo na para sa university graduation ng UP Diliman.
Para akong gumawa ulit ng thesis. Kaya kinailangan ko rin po ng adviser– ang dati kong kasama sa GMA na si Jobart Bartolome ng UP Psychology Department at ng CMC o ang College of Media and Communication na ngayon.
Ayon sa readings o mga babasahin na ibinigay niya- tungkol sa mga konsepto ng ‘loob’ at ‘kapwa’- ni Dr Virgilio Enriquez at ng iba pang mga pag-aaral, tungkol sa Sikolohiyang Pilipino— ang ‘sense of self’ nating mga Pilipino, naiiba sa Kanluranin o Western concept.
Nakaugat ito sa ating wika o pananalita. Ang ‘loob’ ay kasama ng ‘kapwa’. Hindi hiwalay.
Katulad daw ng ;Kagandahan ng loob’.
Kapag sinabing maganda o mabuti ang iyong loob, ibig sabihin, ganun ka rin, sa iyong kapwa.
Hindi mo puwedeng sabihing maganda o mabuti ang iyong loob kung hindi mo naman pinagmamalasakitan ang iyong kapwa. Konektado o magkaugnay ang ‘loob’ at ‘kapwa’.
Parang UP- kadugtong ng komunidad o lipunan. Ramdam ang bawat kibot o sigalot nito.
Siguro medyo aligned dito iyung sinabi ng kaibigan kong doctor… na ang reseta o prescription for happiness is to stop thinking about yourself; to get out of yourself and help others.
Sa mga unang araw na sinubukan kong isulat itong aking speech ngayon, umulan ng mga missile at bomba sa ilang bahagi ng Middle East.
Kaya, napaisip ako. Sa takbo ng mga pangyayari ngayon sa mundo at kahit sa ating bansa, paano ko kaya kayo mabibigyan ng inspirasyon na puwede n’yong baunin sa simula ng inyong professional life?
Hanggang naalala ko na kasama kayo sa mga batch na sinubok ng pandemic. Zoom ang naging classroom, kahit noong meron nang hybrid classes.
Sabi ng COMELEC, marami sa inyo ang bumoto sa katatapos na eleksyon. Bagamat hindi pa masabi kung meron na bang matatawag na Youth Vote sa Pilipinas.Gayunman, you guys made the difference!
You were significant influencers. You are inspiring!
With your voice , beke nemen, mayroon nang pag-asa!
Sana, kayo ang matagal nang hinihintay na pagbabago!
Swerte rin pala ang inyong batch. Dahil sa pandemic, hindi na kayo ni-requie na mag-UPCAT.
Otherwise, the data is daunting: For 2025, only 13 percent or only 13 out of every 100 students who took the UPCAT passed!
It cannot be denied that a UP education is a privilege!
With the best teachers and learning resources. And may I add: At the expense of Filipino taxpayers, kahit iyung mga hirap sa buhay.
Oo, sinusumbatan ko kayo, kinokonsensya.
Gentle reminder lang naman. Imposibleng hindi n’yo sila mapapansin– the faces you see on the streets, struggling to get to work, to make both ends meet or just to make it home. Maaaring kayo rin iyun mismo, at ang inyong mga magulang– day in, day out…mga mandirigma sa kalsada at sa buhay.
Oo, mataas ang expectation sa bawat isa sa inyo. Hindi para kayo’y mag-feeling entitled o superior. But to be humble and thankful.
UP kayo. Huwag maging mayabang! Magpasalamat. Maging mapagkumbaba. Stay grounded. Hindi tayo naiba o naka-angat kundi kaisa ng komunidad at ng lipunan.
Trite but very apt sabihin: literally and figuratively, UP Diliman is a breath of fresh air.
From my own experience, there is always a thing or two that inspires, here.
Kung hindi ang mga sunflower that bloom, just in time for the graduation; it’s the husband and wife who feed stray dogs sa likod ng mga fruit stall sa may CP Garcia. Or some students near Project NOAH who feed stray cats naman. Or the families who picnic in the grass during weekends.
Pag may trabaho na kayo, dalawin n’yo pa rin sana ang campus!
Tinanong ko si Vice Chancellor for Community Affairs Jerwin Agpaoa kung bakit ako ang napili n’yong maging speaker sa inyong graduation.
Kung ang hanap niyo kasi ay inspirasyon, kaming mga journalist siguro ang pinaka-least inspiring.
Madalas nga, bad news o mga malungkot na kuwento ang hatid namin.
Kasi raw, interesado kayo sa aking mga balita’t kuwento, na sa akin namang palagay, puwede n’yo ring kapulutan ng aral.
Heto na ang ating storytelling.
Before March of 1989, chika o kuwento sa akin ng isang enlisted man o sundalo sa press office ng Camp Aguinaldo- meron palang lugar sa karagatan ng Palawan- na tinatawag na Spratly Islands. Kaunti pa lang ho ang nakakaalam nito, noon. At wala pang Google o ChatGPT.
Ayon kay Sarge, hindi ko na po siya papangalanan, itinapon siya sa Spratlys bilang parusa, noong siya’y nag-misbehave! Those were his own words. Iba na ho yata ang patakaran ngayon ng militar. Sumakay kami sa maliit na eroplano ng Philippine Air Force. Kasama ng mga taga-COMELEC na mangangasiwa ng pagboto roon ng mga sundalo.
Kaso hindi nakita ng aming mga piloto, iyung isla ng PAG-ASA. Pagbalik namin dapat sa Puerto Princesa City, na-drift, ‘yun po ang ginamit na term, daw kami. Sa madaling salita, nalihis ang daan sa ere o nawala.
Ang problema, wala pang modernong navigational device ang eroplano at halos naubusan na rin ito ng gasolina. Akala po namin, katapusan na namin.
Kaya nag-iyakan at nagdasal na kami. Pero ang bait po talaga ni Lord o masama kaming mga damo.
Dahil out of the blue, may nakita kaming isla with an airstrip. Nakaligtas kami! Pero dahil wala pa noong cell phones at satellite phones, medyo natagalan bago iyun nalaman sa Manila. Kaya ipinagdasal na raw kami at inihanda na rin ang aming obituaries. Ang headlines nga ng dyaryo nu’ng nakabalik na kami- ‘Jessica, back from the dead!’
We lived to tell the story.
Nakapunta na rin naman po ako ng ilang beses sa Spratlys. Na hanggang ngayon nga’y hot issue!
Moral of the story, bukod sa may value ang pakikipag-Marites ko sa isang sundalo… relationships are important!
Your lives will be richer if you include people who are not like you. reach out to more people. Get out of your own circles or silos and echo chambers.
Sa panahon ngayon na lahat tayo, meron nang boses, na puwede pang i-amplify o palakasin sa pamamagitan ng social media, kailangan din nating maikinig.
Listen well. Magugulat kayo sa mga puwede n’yong malaman.
Sa mga papasok sa negosyo o sa mga kumpanyang naglalako ng produkto o serbisyo– that’s your marketing research. Sa mga gustong sumikat diyan kaway-kaway mga content creator, those are your followers or fan base.
Sa amin sa media, it’s knowing our audience or demographics. Sa iba pang mga propesyon, it’s knowing your customers or clients and their wants and needs.
They are the people you will serve. Matuto tayong makibagay at makisalamuha, makipag-kapwa.
Again, loob at kapwa.
UP at ang komunidad o lipunan. We are the, equation! Kailangan magkasama.
Minsan may tumawag sa akin na ‘Calamity Jess’. Puro raw kasi kalamidad o gulo ang aking mga coverage. Maligalig rin po kasi masyado ang bansa noon. From coup attempts in the mid-80s to the 90s, the most tragic calamities and disasters.
Sa aking coverage ng giyera sa Afghanistan noong 2002 at sa pareho ring taon ng Israeli-Palestinian conflict, nakita ko na sa giyera, wala talagang panalo.
At ang laging talo- kung sino pa ang mahina na nga’t maliit.
I interviewed victims, with no one and nothing left after the strong earthquake in Baguio in 1990, the devastating floods in Ormoc City, Leyte in 1991, and super typhoon Yolanda in Tacloban City in 2013.
Maaga pa lang, nagpahiwatig na ang kalikasan.
Climate change is real and here, sooner than we thought.
Sa isang iglap, ganun-ganun lang, puwedeng mawala ang lahat-lahat!
Lalo na ang pinakamamahal sa buhay. Sabi ko noon, How could fate be so unkind. But people do move on.
In spite of everything. survival, after all, is an instinct. It is what we are wired to do. At kapag nasa bingit ka pala ng peligro o ng kamatayan, when your life is on the line, you need to draw strength from other people.
Huwag lang may isang panghinaan ng loob, at lahat kayo, bibigay.
I cannot claim sole credit for my body of work for the past 4 decades. That also belongs to every single person I have worked with. At sa mga nakasama kong nakaligtas sa pinakamahihirap at pinaka-delikadong assignment.
Kapag kayo’y nagtatrabaho na, pahalagahan n’yo rin sana ang inyong mga katrabaho– mula sa maliit hanggang sa mga bossing.
And never, ever take advantage of the weaker and smaller among us! Bad iyun!
I would not have stumbled on another important story- Kidneys for Sale– if an old acquaintance did not trust me enough to lead me and my team to one of the poorest neighborhoods in Tondo. Baseco compound, where poor men were selling their kidneys to be transplanted to patients who have the money, including foreigners. Because of our expose, government now regulates kidney donations.
Bawal na diumano ang kidneys for sale.
Update: marami pa rin po ang nagbebenta ng kanilang kidney.
And based on our latest story on the same issue— sa tulong ng mga sindikato, napapaikutan na ang batas.
40 years and counting, what have I learned? Paulit-ulit, parang na-re-recycle lang ang ating mga problema. Hindi nalulutas. Nadadagdagan pa nga. That’s why we should not stop asking questions. Huwag matakot o mahiyang magtanong.
In all of my 40 years as a journalist, walong (8) presidente na ang aking na-cover. With the exception of President Ferdinand Marcos senior who I covered one year before he was overthrown and also while in exile in Hawaii, lahat sila, na-interview ko.
Iyun lang, naranasan ko ring ma-walkout-an, mapahiya, mapagalitan, madabugan at ma-bash!
Please don’t get me wrong. I’m lucky to have been given access to power, and a chance to ask our leaders the hard questions na tinatanong din ng bayan. Kayo rin, huwag kayong titigil na magtanong!
Dumami raw ang mga bilyonaryo at milyonaryo sa Pilipinas. Pero bakit marami pa rin ang mga mahihirap? At malawak ang agwat sa pagitan nila, sa mga mayayaman.
Mahirap nga ba talaga ang Pilipinas gayong limpak-limpak ang nananakaw ng corruption?
20% of the national budget according to estimates. And that easily translates into billions or worse, trillions!
Isa pang tanong — ang mga magkaka-apelyido sa mga billboard o tarpaulin sa kampanya— bakit proud pa yata sila na ang mga puwesto sa gobyerno ay namamana? O para na nilang napa-tituluhan?
Heto pa, bakit kulang na kulang pa rin ang mga oportunidad sa ating bansa? Para sana, hindi na kailangang mag-abroad- ni tatay, ni nanay, ni ate o kuya, at sa malamang, pati ang ilan o marami sa inyo.
Shoutout lang po sa ating OFW parents and families diyan.
Saksi po ako sa kagandahan ng inyong loob. Saan mang bansa, kahit hindi magkakilala, basta mukhang Noypi, pag nagkasalubong magbabatian ng ‘Kabayan!’ At alam n’yo ho, tuwing meron kaming ifini-feature sa aming programa na mga nangangailangan, ang ating dakilang OFWs o Global Pinoys ang nangungunang nagbibigay ng tulong.
Kaya, i-KMJS na iyan!!!
Mabiyayaan man kayo -sana all– ng komportableng buhay balang araw, magtanong pa rin, para sa iba, lalo na, ang mga nangangailangan.
Hindi ba’t ‘Kung hindi ngayon, kailan? Kung hindi tayo, sino?’
Be disruptors for good! The status quo is not ok. The system is broken.
We need to keep asking the hard questions.
Kung libre namang mangarap, dapat malaya rin tayong makapagtanong!
Honor.
Excellence.
At ngayon, nadagdagan ng Service.
Special shoutout at thank you, President Jigil.
Para madaling tandaan:
H-E-S.
Honor, Excellence, Service.
Puwede rin namang SHE – for Service, Honor, Excellence.
Basta’t dapat mauna ang Honor before Excellence. Hindi puwedeng Excellence before Honor. Sabi ni Mareng Winnie o ni Professor Emeritus Winnie Monsod ng School of Economics, na naging teacher ko rin sa Econ 11, Honor and Integrity.
Sa paghahanap ng katotohanan o sa pagtupad sa trabaho o tungkulin, never ever compromise your integrity. Be honest in all that you do.
To our dear graduates, sorry sa pressure, but we put our hopes on you!
Be like the sunflowers blooming now…
Follow the sun!
Do not be afraid to start from scratch or nothing.
Nu’ng ako’y nagsisimula, para lang daw ako pinabili ng suka. No one becomes an expert on the job overnight! And to learn is to fail so keep trying. Don’t crumble or don’t get crumpled – katulad ng nangyari sa mga una kong isinulat na scripts o kuwento.
Daming hugot hehe
Sabi nila, fragile daw kayong mga Gen Z. Sabi ko naman, woke sila, connected 24/7. Sigurado ako, they know more than us.
You have the skills, the tools and the technology. Use those for good.
But yes, toughen up!
Persevere and endure.
GRIT. Maging Matatag. Walang madali sa buhay. Pero wala ring imposible! Like many of you, my journey to UP was also not easy.
Hindi bet ng tatay ko nu’ng una dahil ‘ay nagtangken ti ulo na!’
That’s Ilocano for napakatigas daw ng ulo ko.
For a big part of my life, I felt shortchanged. Having lost my mom to cancer when I was only 8 years old.
But my work has taught me that life is too fleeting and much too precious to dwell on what I don’t have. And when I look back at where I came from- a small town girl who didn’t have much- UP was a level playing field. I hope the university will continue giving students from the provinces and also public schools, chances to qualify.
Eh ano ngayon kung UP ka?
Kapag may nagsabi sa inyo nito, huwag ma-trigger!
Don’t take it as an insult or as a shade. But a gentle nudge, challenge or reminder na yes, UP tayo!
What a blessing! But it is also a responsibility! Maging karapat-dapat na Iskolar ng Bayan.
It is my honor and privilege to speak and be with you today.
Congratulations, graduates and parents!!!
Go rock the world!”