Students

Husay ng mga mag-aaral, kinilala

Mahigit 9,000 mag-aaral at anim na samahang mag-aaral ng UP Diliman (UPD) ang binigyang-pugay sa Parangal sa Mag-aaral 2026 (PSM 2026).

Ang PSM 2026 ay inorganisa ng Opisina ng Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral (Office of the Vice Chancellor for Student Affairs / OVCSA) bilang bahagi ng pagdiriwang ng UPD Linggo ng Parangal 2026 (LnP 2026); kinilala dito ang mga tagumpay ng mga mag-aaral ng UPD sa mga larangang akademiko, sining, isports, at serbisyong publiko.

Mga iskolar-atleta. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Hinamon ni Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II ang mga pinarangalan na maitawid din ang kalingang kanilang natanggap mula sa Unibersidad patungo sa bayan.

“Mga iskolar ng bayan, malinaw sa atin na hindi lubos na makakamit ang kalinangan kung walang kalinga, aruga, at pagtataguyod. Hindi lamang ito paraan ng paghubog sa inyong mga kakayahan, ngunit isang paalala na ang pagiging Isko o Iska ay may kaakibat na responsibilidad na itawid ang kalingang ito sa bayan,” ani Vistan. “Ang inyong pasyang dalhin ang kalinga sa labas ng ating mga silid-aralan ang siyang tunay na kahulugan ng ating parangal. Tinitiyak ko ito sa inyo. Patuloy nating poprotektahan ang dangal ng espasyong ito: isang pamantasang pinangangalagaan ang matalas na pag-unawa, malasakit sa kapwa, at katapangan ng bawat isa,” dagdag niya.

Vistan. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Pinangunahan ni Vistan, kasama sina Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral Jose Carlo G. de Pano, Direktor ng Serbisyong Pampagkain ng Unibersidad April J. Perez, Tagapangulo ng Komite ng Parangal sa Samahang Mag-aaral Jay-Ar M. Igno, na siya ring tagapag-ugnay ng Opisina ng mga Proyekto at Gawain ng mga Mag-aaral at Thea Arcely R. Gimenez, MD, kinatawan ng IB Gimenez Group of Companies, sa paggawad ng Ignacio B. Gimenez Award for UP Student Organizations’ Social Innovation Projects.

Anim na mga samahang mag-aaral para sa kani-kanilang natatanging proyekto sa nakaraang taon ang ginawaran nito: UP Junior Music Educators’ Guild para sa kanilang proyektong Tunograpiya (Sining at Kultura); UP Preschool Practitioners para sa proyektong Play-based Learning Implementation (Edukasyon at Literasi); UP Repertory Company para sa proyektong From Play to Action: Development and Implementation of a Community-based Theater and Collective Writing Module for the Youth of Brgy. Krus na Ligas, Quezon City (Pagtataguyod ng Kapayapaan at Panlipunang Pag-unlad); UP Dragonboat Team para sa proyektong Sagwan School (Kalusugan, Isports, at Kagalingan); UP Delta Lambda Sigma Sorority para sa proyektong Heritage Market: A Celebration of Women Empowered Brands (Pagnenegosyo at Inobasyon); at ang UP Kalilayan para sa proyektong Tagisan 40 (Kalikasan at Pamamahala sa Panganib ng Sakuna).

Bawat pinarangalang samahang mag-aaral ay tumanggap ng salaping gantimpalang PHP20,000 mula sa IB Gimenez Group of Companies.

Ang sumunod na pinarangalan ay ang 8,532 university scholars (US) para sa ikalawang semestre ng Akademikong Taon (AT) 2024-2025 hanggang unang semestre ng AT 2025-2026. Ang US ay isang mag-aaral na may general weighted average na hindi bababa sa 1.25 (gradwadong lebel) o hindi bababa sa 1.45 (di-gradwadong lebel) sa pagtatapos ng isang semestre.

Unang ipinakita sa screen ang mga pangalan ng mga 2,016 US mula sa Arts and Letters Cluster at 1,519 US mula sa Management and Economics Cluster sa saliw ng musikang hatid ng UP Kontemporaryong Gamelan Pilipino (Kontra-GaPi).

Ikalawa ang mga pangalan ng mga US sa Science and Technology Cluster (3,132) at Social Sciences and Law Cluster (1,865) sa saliw ng mga awit na handog ng UP Concert Chorus.

Habang sumasayaw ang UP Streetdance Club (SDC), ipinakita naman sa screen ang pangalan ng 109 mag-aaral na bahagi ng UPD Outbound Exchange Students Program, 74 mag-aaral na nagkamit ng mga internasyonal na pagkilala, 79 mag-aaral na tumanggap ng mga pagkilala mula sa mga lokal na patimpalak, at 106 na nagtapos sa UPD na napabilang sa top 10 ng mga licensure examination noong nakaraang taon. Ang SDC ang itinanghal na kampeon sa katatapos na streetdance competition ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 88.

Samantala, anim na kinatawan ng mga natatanging mag-aaral ang nagsalaysay ng kanilang mga kuwento ng inspirasyon.

Nagbahagi ng kanilang mga kuwento sina Ehdie Jeric Jimenez ng Diliman Learning Resource Center sa ngalan ng student-volunteers; Klara Espedido, mag-aaral ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (College of Arts and Letters / CAL) at isang Gawad Palanca awardee, at Gwyneth Johnzane Malipol ng Kontra-GaPi (mga student-artist); Patricia Victa, top 1 ng September 2025 Librarian Licensure Examination (topnotchers); Alfonso Gonzalez ng UP Men’s Football Team at Golden Glove awardee ng UAAP Season 88 (student-athletes); at Amanda Echanis ng CAL at napalayang bilanggong politikal (US). 

Jimenez. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UP Diliman Opisina ng Impormasyon
Espedido. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UP Diliman Opisina ng Impormasyon
Malipol. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UP Diliman Opisina ng Impormasyon
Victa. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UP Diliman Opisina ng Impormasyon
Gonzalez. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UP Diliman Opisina ng Impormasyon
Echanis. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Pinangunahan ni Echanis ang lahat ng mga natatanging mag-aaral sa kanilang panunumpa ng pagkilala at pangakong paglilingkod.

Binigyang-pagkilala rin ang Dormitories’ Aggregated Entry/Exit Monitoring (DORAEMON) application na nakatulong sa araw-araw na operasyon ng mga dormitoryo. Binuo ang application na ito ng mga mag-aaral na nagsilbing intern sa UP Computer Center. Sa kasalukuyan ay umabot na sa 700,000 mga transaksiyon ang naitala sa DORAEMON app.

Patuloy rin ang paghingi ng suporta para sa proyektong Eatskolar ng OVCSA, isang meal subsidy program para sa mga mas nangangailangang mag-aaral.

“Lagi kong sinasabi sa speeches ko na ‘mayroon lang akong tatlong punto,’ [ngayon] ay subukan nating sumagot ng apat na tanong. Okay lang kung hindi natin masagot sa ngayon. Okay lang din kung magkaiba tayo ng sagot. Ang importante ay hindi kayo makatulog mamaya sa kakaisip sa mga tanong,” ani de Pano.

de Pano. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UP Diliman Opisina ng Impormasyon

Ang tatlong tanong para sa mga mag-aaral ay “Bakit ba kayo pinararangalan?” “Para kanino ba ang karangalang inyong tinatanggap?” at “Binigyan ka ng pagkilala ng Unibersidad, magiging proud din kaya ang UPD sa iyo?”

“Para sa buong komunidad ng UPD, o ang mga nakapaligid sa ating mga mag-aaral, ang tanong ay paano ba natin sila [mag-aaral] higit na mabibigyan ng inspirasyon,” dagdag ni de Pano.

Ang PSM 2026 ay ginanap noong Mayo 4 sa Teatro ng Unibersidad at ipinalabas nang live sa mga Facebook page ng UPD at OVCSA.

  • Share: