Research

UP Diliman sa hugpungan ng akademya at katutubong pamayanan

Dinala ang palihan (writeshop) tungkol sa pananaliksik sa dunong katutubo (indigenous knowledge systems and practices o IKSP) sa “inged” (komunidad) mismo ng mga Erumanen ne Menuvu (vansa Derepuwanen at Pulangiyan/Ilyanen) ng Barangay Pangipasan, bayan ng Matalam, (North) Cotabato noong nakaraang Abril 26-27. Bahagi ito ng “’SÉRÉPUNGAN:’ Research Training and Partnership Program in Philippine Studies” na binuo ng ilang fakulti ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) at Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP) noong 2019. Tugon ito sa paanyaya ng presidente ng Notre Dame of Midsayap College (NDMC) na si Fr. Jonathan Domingo, OMI upang pasiglahin ang kultura ng pananaliksik sa kanilang kolehiyo. Sa pangunguna ni Mary Jane Rodriguez-Tatel, PhD (bilang program leader), pinasimulan nina Nancy Kimuell-Gabriel, PhD, Galileo Zafra, PhD, Vicente Villan, PhD, Carlos Tatel Jr., PhD, at Vice-Chancellor for Academic Affairs Ma. Theresa Payongayong, PhD (bilang mga project leader) ang isang inobatibong paraan ng proyektong saliksik na naglalayong lumikha ng matagalang ugnayan sa katutubong pamayanan, lampas pa sa pananaliksik at publikasyon.   

Nangangahulugang pagtatagpo o salubungan ng iba’t ibang daloy ng ilog sa wikang Minenuvu, ang konseptong “sérépungan”ang bumabalangkas sa programa sa diwa ng tatluhang kolaborasyon sa pagitan ng UP Diliman (UPD) faculty, NDMC, at ng Oblates of Mary Immaculate (OMI) Indigenous Peoples (IP) Mission School in Pangipasan. Alinsunod ang “SÉRÉPUNGAN” sa prinsipyo ng Indigenous Research Methodology (IRM) na kumikilala sa mga katutubo o IP bilang kapwa-manlilikha (co-producer) ng kaalaman.  

“SÉRÉPUNGAN” UP Diliman Team: (mula sa kaliwa) Rodriguez-Tatel, Zafra, Tatel, Payongayong, at Kimuell-Gabriel, kasama si Nemenzo (pang-apat sa likuran mula sa kaliwa) at mga “kelukesan” (clan elders) at ilang “pakayan” (clan leaders) ng mga Erumanen ne Menuvu ng Brgy. Pangipasan, Matalam, Cotabato. Larawang kuha ni Glenda Fugaban

Bagaman naantala bunsod ng pandemya, pinagpunyagian ng “SÉRÉPUNGAN” na tapusin ang palihan sa pamamagitan ng isang “dinehey” (dayalogo) sa komunidad.  Sa gitna ng malakas at matagalang buhos ng ulan na lalong nagpahirap sa pagbagtas ng daan patungong Pangipasan, matagumpay na nilahukan ang “dinehey,”hindi lamang ng mga akademiko at gurong IP, kundi lalo na ng mga kinatawan ng “pekelukesan”/“kelukesan” (clan elders) at “pekayan”/“pakayan” (clan leaders). Pinasigla ang pagtitipon ng presensiya ni UPD Chancellor Fidel Nemenzo bilang panauhing pandangal.  

Mga kalahok na “kelukesan” (elders) ng “vansa” Derepuwanen at Pulangiyen/Ilyanen ng mga Erumanen ne Menuvu, Brgy. Pangipasan, Matalam, Cotabato sa “‘SEREPUNGAN’: Research Training and Partnership Program in Philippine Studies.” Larawang kuha ni Mary Jane Rodriguez-Tatel

Sa “dinehey”nagkatipon at nagkaniig ang mga danas at tinig, nagpupunyaging tumugon sa hamon ng pagbawi at pagsagip sa gunita ng mga katutubong nakaugat sa lupa. Mistulàng pag-aalay ito ng akademikong kasanayan, kaalaman, at katutubong karunungan sa lugar na dati-rati’y pinag-aalayan, pinagdarausan ng ritwal  ̶  ito naman ang sadyang ibig sabihin ng “Pangipasan.”    

“Dinehey” sa pagbuo ng paksang-saliksik (research topic) ng Pangkat “Guhuran” (Kasaysayan) sa pangunguna ni Vicente Villan, PhD (dulong kanan), Bise Presidente ng NDMC, Engr. Ronniel Labio (pangalawa mula sa dulong kanan), at Timuay Paterno Magpangkat, tribal chieftain ng mga Erumanen ne Menuvu ng Brgy. Pangipasan (dulong kaliwa), kasama ang ilang guro ng NDMC at OMI IP Mission School in Pangipasan. Larawang kuha ni Glenda Fugaban

Kung tutuusin, pagpapatuloy lamang ang “SÉRÉPUNGAN” ng naunang palihan at research fellowship sa pagitan ng UPD at Notre Dame University (NDU) ng Cotabato City mula 2017 hanggang 2019. Sa inisyatiba ni Obispo Charlie Inzon, OMI, na noo’y presidente ng NDU, inanyayahan niya ang mga nasabing fakulti upang pasimulan ang planong pagtatatag ng isang sentro ng pananaliksik para sa mga IP ng Mindanao. Aniya, “Panahon na para tumutok naman sa mga Lumad.” Sila, diumano, ang babalanse sa kabuuang larawan ng isinusulong na “tri-people ethos” (Kristiyano-Moro-Lumad) ng rehiyon. Mula sa mga Teduray at Lambangian ng Upi, Maguindanao, dumaloy ang direksiyon ng saliksik patungong Erumanen ne Menuvu ng Cotabato. Subalit sa pagkakataong ito, kinikilala sila hindi na lamang bilang paksa o mga impormante, kundi kapwa-mananaliksik. Ang pantay na pagkilalang ito ang sinasandigan ng katagang “sérépungan.” Maladaloy ng ilog ang ugnayan sa “SÉRÉPUNGAN.” Isang dinamikong proseso ng pagkatuto ang binibigyang-daan mula sa “perindinehey” (bahaginan) ng dunong at danas ng akademya at katutubong pamayanan. Pumapasok ang mga kalahok sa isang resiprokal at dayalohikong ugnayan. Sama-samang natututo at nagtuturo sa isa’t isa alinsunod sa katutubong prinsipyo ng “lama-lama”(pagbibigay-tinig sa bawat kalahok). Sama-sama rin ang pananaliksik at pag-aakda batay sa “adat”(respeto)  ̶  ang sandigan ng kultural na protokol ng komunidad. Sa pagsalubong sa mga kalahok, malalim at nanunuot sa kaibuturan ang mensahe ni Fr. Stephen “Bambam” Calungsod Ondoy, OMI, kasalukuyang direktor ng IP Mission School sa Pangipasan. Aniya (sa pagsipi kay Pope Francis), “Kailangang mag-ugat o maiugat sa lupa ang kaalaman upang mamunga nang sagana.” At ang mga katutubo sa kanilang pagkakaugat sa lupang tinubuan ang makapagpapa-unawa nito sa atin nang lubusan.