Ngayong Agosto 19, mayroong 74 na aktibong kaso ng COVID-19 sa UP Diliman at Barangay UP Campus. Ang mga purok o komunidad sa UP Campus kung nasaan ang mga aktibong kaso ay nasa mapang kasama sa stat report na gawa ng Special Committee ng UP Diliman COVID-19 Task Force.
Ang bilang ng aktibong kaso ngayong linggo ay higit na mataas kumpara sa 45 aktibong kaso noong nakaraang linggo. Pinapayuhan ang lahat na doblehin ang pag-iingat para sa ating kaligtasan at upang maibaba rin ang bilang ng mga aktibong kaso sa ating komunidad. Ang laban kontra COVID-19 ay hindi pa tapos. Malaking panganib ang dulot ng COVID-19 sa ating kalusugan.
Panatilihing nakataas ang ating mga depensa sa lahat ng oras. Huwag kaligtaang sundin ang mga pangkalusugang protokol — magsuot ng face mask at face shield, ugaliing maghugas ng mga kamay gamit ang sabon at tubig o gumamit ng alkohol o hand sanitizer, at panatilihin ang physical distancing nang hindi bababa sa dalawang metro. Iwasan muna ang pag-uumpukan o gathering. Manatili sa tahanan at lumabas lamang kung talagang kailangan.
Patuloy na hinihikayat ang lahat na magpabakuna upang magkaroon ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19. Makipag-ugnayan lamang sa inyong LGU o barangay hinggil sa pagpaparehistro upang mabigyan ng iskedyul sa pagpapabakuna. Tiyakin din nating kumukuha tayo ng impormasyon mula lamang sa mga eksperto.
Pangalagaan natin ang ating mga sarili at mga mahal sa buhay.
Magkaisa at magtulungan tayo upang mapagtagumpayan natin ang laban kontra COVID-19.