Academe

Ugnayan ni FR sa kaguruan ng UPD

Sa darating na Abril 25 ay magkakaroon ng konsultasyon ang Opisina ng Faculty Regent (OFR) sa mga kaguruan ng UP Baguio at Abril 28 naman sa UP Cebu.

Nauna nang nakipagpulong si Faculty Regent Carl Marc L. Ramota sa mga guro ng UP Diliman (UPD) at ibinahagi ang mga inisyatiba at programa ng OFR.

Ang konsultatibong pulong na tinawag na UGNAYAN o Usapang Guro at Pamayanan ay naglalayong alamin ang kalagayan at mga usapin ng kaguruan at komunidad para sa pagbabalangkas at rebyu ng mga alituntunin o polisiya ng UP.

Ang UGNAYAN sa UP Diliman. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Tinalakay sa pagpupulong ang tatlong panukalang nabuo sa pamamagitan ng isang hybrid system-wide consultation noong Pebrero 2 na ginanap sa UP Manila at online.

“The proposals are in line with the pursuit of the promotion of democratic governance in the University,” saad ni Ramota.

Ang mga panukala ay ang paglikha ng university committee para sa pagtataguyod at proteksiyon ng kalayaang pang-akademiko at karapatang-pantao ng mga kasapi ng komunidad ng UP, pagtatatag ng Faculty Welfare Council (FWC), at pagrepaso ng mga alituntunin sa pagpili ng FR.

Layon ng unang panukala na matugunan ang sunod-sunod na paglabag sa kalayaang pang-akademiko at karapatang-pantao sa iba’t ibang kampus ng UP sa mga nagdaang buwan.

Ayon kay Ramota, tungkulin ng university committee ang magpanukala ng mga polisiya at programang magpapatatag sa paninindigan at kampanya para sa kalayaang pang-akademiko. Bukod dito, ito rin ang susubaybay at magdodokumento sa “cases of terror-tagging and other incidents that are in violation of our academic freedom, and the manner of reporting similar incidents and coordination between units, constituent universities, and the UP system itself.”

Idinagdag din niyang isang mahalagang tungkulin ng komite ang koordinasyon sa mga sangay ng gobyerno at sa mga pamahalaang lokal. Ito ay dahil sa marami sa mga mag-aaral, guro, REPS (research, extension, and professional staff), at mga kawani ang nagtutungo sa mga komunidad upang magsagawa ng mga saliksik, fieldwork, at practicum.

Si Ramota at ang mga dumalo sa konsultasyon. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

“Even if we’re affiliated with any other organization, so long as we are constituents of the University of the Philippines, naroon iyong possibility, iyong risk, that we will experience these kinds of incidents of harassment and intimidation kaya mahalaga ang koordinasyon,” saad ni Ramota.

Higit sa lahat, dapat itaguyod at isulong ng ipinapanukalang komite ang umiiral na kasunduan sa pagitan ng UP at ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal, lalo na sa pagsasagawa ng mga tungkulin ng pulis at militar sa iba’t ibang kampus ng UP.

Sa pagtatatag ng FWC, tatlong mahahalagang aspekto ng kapakanan ng mga guro ang pinunto ni Ramota: usaping pang-akademiko, kapakanang pang-ekonomiya, at kapakanan at kabutihan (well-being) ng mga guro.

Ilan sa mga sasaklawin ng usaping pang-akademiko ay ang isyu ng promosyon at tenure. Sa usaping pang-ekonomiya, sinabi ni Ramota na kailangang magkaloob ng iba pang insentibo para sa ating mga guro upang mapanatili sila sa Unibersidad.

“Ramdam natin ang kasalukuyang krisis sa ekonomiya. Maaaring iba-iba ang sweldo o kinikita natin, subalit lahat tayo ay apektado ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at mga serbisyo,” paliwanag niya.

Nabanggit din ni Ramota na isa sa mga pangunahing punto sa pagtatatag ng FWC ay ang paglikha ng mga ligtas na espasyo (safe spaces) sa bawat kampus at yunit ng UP kung saan ang mga guro, tenured man o hindi, ay malayang makapagpapahayag ng kanilang mga saloobin at hinaing nang hindi natatakot sa ganti o parusa (fear of retribution).

Nais din ng OFR na sa pamamagitan ng FWC ay matugunan ang mga isyu tungkol sa wellness at kalusugan ng mga guro dahil marami na rin ang nababalisa.

Ang mga hangaring ito, ayon kay Ramota, ay hindi lang mag-isang gagampanan ng FWC, bagkus, maaaring maging katuwang ang mga umiiral na institusyon ng UP tulad ng mga university council at akademikong unyon.

Para sa ikatlong panukala, ipinaliwanag niyang dahil dalawang taon lamang ang termino ng FR, mainam na sa simula pa lang ng kaniyang termino ay gumawa na ng mga posibleng pagbabago sa proseso ng pagpili sa magiging kinatawan ng mga guro. Nagsimula ang termino ni Ramota nitong Enero.

May dalawang punto ang panukalang ito.

Una ay ang paglipat ng pangkalahatang pangangasiwa ng proseso sa pagpili ng FR. Sa kasalukuyan, ang UP Opisina ng Pangalawang Pangulo para sa mga Gawaing Akademiko ang namamahala sa pagpili ng FR. Nilalayon ng panukalang ilipat na sa OFR ang pangkalahatang pangangasiwa nito.

“Ang feedback sa atin ay ‘it is about time that the Office of the Faculty Regent take charge of the very process by which its representatives are selected or elected,’” wika ni Ramota.

Ramota. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Ang ikalawang punto naman ay dapat maging transparent at collegial ang proseso sa pagpili ng FR. Ayon kay Ramota, ang buong kaguruan ay dapat makilahok sa proseso ng pagpili sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang mga pananaw. Nararapat na rin aniyang payagan ang hayagang pagsuporta sa mga indibidwal na nominado.

“The problem with our current set of guidelines is may explicit prohibition on open campaigning,” sabi ni Ramota.

Isinagawa ang UGNAYAN noong Marso 24 sa Vidal Tan Hall.

Ang nasabing konsultatibong pagpupulong ay isinagawa rin sa UP Manila noong Abril 12, sa UP Visayas Miagao Campus noong Abril 13, at sa UP Visayas Iloilo City Campus noong Abril 14.