Campus

Ugnayan eksibit sa QC

Pormal na binuksan ang eksibit na UGNAYAN: Mga Kuwento ng Talában sa Pamayanang UP Diliman (Ugnayan) noong Mayo 14 sa lobby ng Gusaling Panlungsod ng Quezon.

Ang eksibisyon ay tungkol sa pagdiriwang at pagbabalik-tanaw sa mga pagbabago sa pamayanan ng UP Diliman (UPD), at pag-alala rin sa paglipat ng UP mula sa Manila patungong UPD na naganap 75 taon na ang nakalilipas.

Ugnayan. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

Ayon kay Mark Louie L. Lugue, curator ng Ugnayan, makahulugan ang pagtayo ng eksibisyon sa Gusaling Panlungsod ng Quezon lalo na sa napiling puwesto nito sa lobby.

“Sa pagtungo sa gusaling ito, isa sa mga masasaksihan ng mga bisita ang malalaking pinta ng mga batikang alagad ng sining na nakasabit sa taas. Ilan sa mga ito ay mga naging mag-aaral at guro sa Kolehiyo ng Sining Biswal ng Unibersidad tulad nina Neil Doloricon, Pablo Baens Santos, Rodel Tapaya, Marina Cruz, at marami pang iba. Mababatid sa ilan sa malalaking pintang ito, tulad ng mga materyales na matutunghayan sa eksibit na ating bubuksan ngayong hapon, ang mahigpit na pagkakatali o ugnayan ng kasaysayan ng UP Diliman sa kasaysayan ng Lungsod Quezon,” pahayag ni Lugue.

Si Lugue rin ang curator ng UPD Bulwagan ng Dangal (BnD) at project development associate ng UPD Opisina ng Pagpapasimuno sa Kultura at mga Sining (Office for Initiatives in Culture and the Arts / OICA).

Ayon naman kay UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng UPD sa pamahalaan ng Quezon City upang pagyabungin pa ang tambalang kasaysayan ng dalawang institusyon.

(Mula kaliwa) Vistan, Belmonte, at Lugue. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO

“Nais kong pasalamatan ang opisina ni Mayor Joy Belmonte sa pagpapaunlak ninyo sa amin na maitayo ang eksibit sa Quezon City Hall para na rin mailabas ang kaalamang ito at matunghayan ng mas nakararami ang kuwento ng UP dito sa Lungsod Quezon,” sabi ni Vistan.

Samantala, ikinalugod naman ni Belmonte na naging bahagi ang pamahalaan ng Quezon City sa pagdiriwang ng ika-75 taong anibersaryo ng paglipat ng UP sa Diliman.

“Sa tulong ng mga programang tulad nito, mas nailalapit natin ang sining at kasaysayan sa mas maraming tao,” ani ni Belmonte. “Sa eksibit na ito, tinatalakay ang mga natatanging kontribusyon ng komunidad ng UP tungo sa isang progresibo at inklusibong pamayanan ng Quezon City.”

Ang eksibit ay unang isinagawa sa Bulwagang Palma at Bulwagang Benitez ng UPD noong Marso ng kasalakuyang taon.

Ang eksibisyon sa Gusaling Panlungsod ng Quezon ay proyekto ng OICA at BnD, sa pakikipagtulungan sa pamunuan ng Quezon City, bilang bahagi ng UPD Arts and Culture Festival 2024, pagdiriwang ng ika-85 anibersayo ng pagkakatatag ng Quezon City, at pagdiriwang ng National Heritage Month.

Ito ay bukas sa publiko at matutunghayan hanggang Mayo 27.

Mga dumalo sa eksibit. Larawang kuha ni Jerald DJ. Caranza, UPDIO