Academe

Talasalitaan: Wika at Kasarian

DSC_8069
Ipinagkaloob nina (mula sa kaliwa) SWF Dirketor Rommel B. Rodriguez, UCWGS Direktor Odine De Guzman at Dekana Amihan Bonifacio-Ramolete ang Sertipiko ng Pagkilala kanila Dr. Portia Padilla, Dr. Nancy Kimuell-Gabriel at Prop. Oscar Serquiña.

(MAR. 29)— Ang usaping pangwika at pangkasarian na pinamagatang “Wika at Kasarian: Mulang Katuturan Tungong Kamulatan” ay itinampok sa Talasalitaan bilang pakikiisa ng UP Diliman sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Buwan ng Kababaihan.

Ang Talasalitaan ay isang panayam na isinagawa ng Sentro ng Wikang Filipino (SWF) at sa pakikipagtulungan sa Diliman Gender Office (DGO) at University Center for Women and Gender Studies (UCWGS) na ginanap noong Marso 4 sa Pulungang Recto, Bulwagang Rizal.

Ang mga panauhing tagapagsalita ay sina Prop. Portia P. Padilla ng Kolehiyo ng Edukasyon at Dr. Nancy Kimuell-Gabriel, tagapag-ugnay sa Opisina ukol sa Kasarian ng Diliman samantalang nagsilbing reaktor naman si Prop. Oscar Serquiña ng Kolehiyo ng Arte at Literatura.

Dr. Portia Padilla
Padilla

Kamalayan sa kasarian. Sa unang bahagi ng panayam ay tinalakay ni Padilla ang paksang “Kamalayan sa Kasarian sa Pamamagitan ng Edukasyong Pangwika” kung saan binanggit niya ang ugnayan ng wika, kultura at kamalayan sa kasarian.

Ilan sa mga ibinigay niyang halimbawa ay ang mga salitang “maprinsipyo” “mapagkimkim,” “maasikaso” at “mayabang” na hango sa imbentaryong ginawa ni Dr. Vivian Velez-Lukey sa kanyang pananaliksik na pinamagatang “Pagkababae at Pagkalalake (Femininity and Masculinity): Developing a Filipino Gender Trait Inventory and Predicting Self-Esteem and Sexism” kung saan sinasabing ang mga salita ay may katumbas na kasarian.

Ayon sa pag-aaral ni Velez-Lukey, sinasabing ang ‘maprinsipyo’ ay katangian daw ng lalaki; ang ‘magpakimkim’ ay sa babae; ‘maasikaso’ sa babae at ‘mayabang’ sa lalaki.

Paliwanag ni Padilla, “May kaugnayan sa pagtuturo at pagkatuto ng wika, na kapag natututo tayo ng wika ay hindi lamang wika ang natututunan natin kundi pati kultura rin dahil ang kultura ay konektado sa wika at ang kamalayan sa kasarian ay naiimpluwensiyahn ng kultura. Ngunit hindi lang iyon, naiimpluwensiyahan ng malakas at mapanuring kamalayan ang namamayaning kultura.”

Dagdag nito, sinabi niya na ayon sa mga pag-aaral tungkol sa wika, kasarian at pagkakaiba, “Magkaiba raw ang mga lalaki at babae sa paggamit ng wika. Magkaiba rin silang mag-isip kung paano natututunan ang wika. Magkaiba rin sila sa paggamit ng mga stratehiya sa pagkatuto ng wika.”

Tinalakay rin ni Padilla ang kakulangan ng mga pananaliksik tungkol sa kasarian at pagtuturo at pagkatuto ng wika, Ingles man ito, Filipino o iba pang wika sa Pilipinas.

“Tiningnan ko ang mga ginawang pag-aaral ng aming mga sariling mag-aaral sa Kolehiyo ng Edukasyon at sa nakaraang 10 taon o higit pa, walang pag-aaral tungkol sa wika at kasarian na ginawa ang mga kaguruan man o mga estudyante sa masterado o doktoradong antas,” ani niya.

Sa proseso naman ng pagmumulat sa mga mag-aaral ukol sa usaping pangkasarian sa konteksto ng mother-tongue based multilingual education sa bagong K to 12 na kurikulum, ani ni Padilla, “Kung titingnan ang kurikulum ng mother-tongue ng Filipino at ng Ingles sa bagong K to 12, walang natatanging tuon sa papel ng kasarian o sa kasarian din ng salik sa pagkatuto ng wika. Pero sa pagtaya at pagpili ng mga materyal panturo, kagaya ng teksbuk o supplementary materials, kasama ang kasarian sa social content guidelines.”

Binanggit din ni Padilla na isa sa mahahalagang hakbang sa pagtuturo o pagkatuto ng wika ay ang alisin sa laylayan ang usapin ng kasarian lalo na sa mga kurso na may kaugnayan sa wika, gamit ng wika at pagkatuto ng wika.

“Pero hindi maaaring gawin iyun kung hindi ka muna maalam sa bagay na ito. Kailangang maging maalam ngunit kailangan ding makialam kung kinakailangan. Kailangang ding bigyang-pansin hindi lamang ang pagkakaiba sa kasarian kundi pati na rin ang pagkakapareho at pagkakapantay-pantay ng mga tao ano man ang kanilang kasarian,” ani niya.

Dr. Nancy Kimuell-Gabriel
Kimuell-Gabriel

Edukasyon na malay at tumutugon sa kasarian. Sa ikalawang bahagi naman ng panayam, isa sa mga tinalakay ni Kimuell-Gabriel ay ang resulta ng tatlong oras na gender-sensitivity orientation (GSO) para sa mga mag-aaral na isinagawa ng Diliman Gender Office (DGO) noong Peb. 22.

Sa tatlong oras na GSO, ani ni Kimuell-Gabriel, marahil kung tumagal ng isang semestre ang pag-aaral tungkol sa kasarian, “Mas malay marahil ang lahat sa sekswal na panggigipit at mas makakapag-ingat, mami-minimize kung hindi man lubos na mapapawi.”

Kanya ring minungkahi na mas mainam lalo kung sa unang taon palang sa Unibersidad ay dumadaan na sa kursong pangkasarian ang mga mag-aaral upang maging gabay nila ito sa pang-araw-araw na buhay sa loob at labas ng kampus.

Tungkol naman sa isinasagawang kurikular na pagbabago sa General Education (GE) Program ng UP, ayon kay Kimuell-Gabriel “Isinususog natin ang pangangailangang gawing bahagi ang gender-sensitivity bilang isang nakapahayag na layunin ng GE Program at ang pagkakaroon ng lahat ngestudyante ng isang kursong pangkasarian. Ibig sabihin, bago grumadweyt ng Unibersidad, kailangang dumaan sa isa man lang kursong pangkasarian ang lahat ng mag-aaral sa UP.”

Ani niya, “Ang paglilinang ng edukasyong malay sa kasariaan ay tumutugon sa panawagan ng UP na magpaunlad ng kritikal na pag-iisip, paglinang ng mabuting asal, dangal at pagkatao, at magtaguyod ng katarungang panlipunan. Hindi makukumpleto ang rekado kung hindi isasahog ang layunin ng pagiging malay sa kasarian.”

Nagkaroon ng malayang talakayan bago matapos ang programa. At sa panghuli, nagbigay ng pangwakas na pananalita si Dr. Odine De Guzman, direktor ng UCWGS.

Si Dr. Rommel B. Rodriguez ang nagbigay ng pambungad na pananalita samantalang ang panimulang bati ay mula kay Dr. Amihan Bonifacio-Ramolete, dekana ng Kolehiyo ng Arte at Literatura.

Sina Prop. Bernadette Neri ng UCWGS at Kristel May G. Magdaraog ng DGO ang nagsilbing tagapagdaloy ng palatuntunan.