Teksto at kuha ni Haidee C. Pineda
(September-October)—Itinanghal ang “selfie” bilang salita ng taon matapos makakuha ng pinakamataas na boto mula sa mga kalahok ng “Pambansang Kumperensiya sa Pagpapayaman ng Wikang Filipino at Sawikaan 2014: Pagpili ng Salita ng Taon.”
Higit 100 na mga guro at manunulat mula sa iba’t ibang institusyon ang dumalo at bumoto sa kumperensiya na naganap noong Set. 25-27 sa Bulwagang Claro M. Recto. Ito ay may temang “Wika ng Kahandaan, Kahandaan sa Wika.”
Pinili ang “selfie” hindi lang dahil sa popularidad nito kundi dahil ito ang may pinakamahusay na papel at presentasyon na isinulat at binasa nina Noel Ferrer, kilalang talent manager at producer, at Jose Javier Reyes, batikang direktor sa telebisyon at pelikula.
Ang “selfie,” ayon sa Oxford Dictionary, ay isang katagang hango sa salitang Ingles na “self” na dinagdagan ng “ie” at tumutukoy sa isang retrato na kinunan ng mismong nasa retrato sa pamamagitan ng isang smartphone o webcam at inaplowd sa isang social media website.
Ayon kina Ferrer at Reyes ang salitang ito ay unang nabanggit noong 2002 sa isang inuman at naipost sa isang Australian internet forum, ang ABC Online, noong Set. 13, 2002.
Selfie sa Pilipinas. Ayon kina Ferrer at Reyes, ang kultura ng selfie sa Pilipinas ay “maituturing na konsepto ng gitnang-uri o ng nakaririwasa pa nga:” ito ang mga taong may kakayahang bumili ng mga cellphone na may kamera at magbayad ng koneksiyon para sa internet.
Lumaganap umano ang selfie sa Pilipinas hindi lang bilang resulta ng pagdating ng makabagong teknolohiya kundi dahil “nakaugat din ito sa kultura at karanasan ng ilang tiyak na sektor ng mga Filipino sa paglipas ng kasaysayan.”
Noon pa man ay hilig na umano ng tao na tingnan ang kaniyang sarili at bihagin ang isang saglit ng kaniyang anyo hindi lang para lumikha ng alaala kundi upang gumawa rin ng ebidensiya ukol sa kanyang dating kaanyuan.
Ayon din kina Ferrer at Reyes, ang selfie ay “matingkad na manipestasyon ng kultura ng narsisismo, o ang labis na paghanga sa sariling katangian.”
Gamit ng selfie. Sa kabila nito, itinuturing ang selfie bilang instrumento sa pagtatampok ng mga propesyon at negosyo.
Nagamit din ito bilang isa sa mga paraan ng pag-uulat sa panahon ng trahedya at kalamidad.
Dagdag nila Ferrer at Reyes, nakatulong ang paggamit ng ilang mga Filipinong apektado ng bagyong Mario ng selfie kasama ng umaangat na tubig baha sa España, Araneta Avenue, Marikina, at Cainta upang humingi ng tulong sa mga kinauukulan.
Nagamit din ang selfie sa iba’t ibang klase ng protesta.
Halimbawa, sa nakalipas na State of the Nation Address ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ay ginamit ng MovePH, isang sangay ng Rappler.com na isang online na pahayagan, ang #SelfieOfTheNation na humimok sa mga taong ipakita o isiwalat ang iba’t ibang problema ng bansa.
Bukod dito, napabilang na rin ang selfie sa diskursong Filipino. Higit pa sa antas ng wika, naipakita na ang konsepto ng selfie ay may batayan sa karanasan at kulturang Filipino bago pa man dumating ang panahon ng mga bagong teknolohiya ng komunikasyon.
Ani nga nina Ferrer at Reyes, “Bagaman ang selfie ay nagpapahiwatig ng mga di-kanais-nais sa kultura ng ating henerasyon—pagiging indibidwalistiko, narsisismo, konsumerismo—lalong higit na kailangang unawain at angkinin ang salita upang magkaroon ng kritikal na pagkamalay (critical awareness) ang mga Filipino sa hatid na panganib at pangako, pinsala at posibilidad ng salitang ito.”
Ang “selfie” ay nakakuha ng 40 boto, ang pinakamataas sa mga kalahok.
Ang ibang mga pinagpilian ay ang “Bossing” ni Frederick S. Perez, “Filipinas” (Rebecca T. Añonuevo), “Hashtag” (Mark Angeles), “Imba” (Xavier Roel Alvaran), “Kalakal” (Christine Marie L. Magpile), “Endo” (David Michael San Juan at John Kelvin Briones), “PDAF” (Jonathan Vergara Geronimo), “Whistle Blower” (John Enrico Torralba), “Storm Surge” (Roy Rene Cagalingan at Dakila Cutab), “Riding-in-Tandem” (Joselito Delos Reyes), “CCTV” (Christoffer Mitch Cerda) at “Peg” (Jethro Tenorio).
Nakuha rin nito ang unang gantimpala para sa may pinakamahusay na papel, kung saan ang pinagbatayan ay ang kredibilidad ng saliksik, mga ginamit na sanggunian at pagpuno sa mga kahingian at kung ano ang naipakitang halaga ng salita na ito sa pag-aangkop sa lipunan at kulturang Filipino.