Ni Haidee C. Pineda
(MAR. 31) — Opisyal na itinalaga noong Marso 1 bilang direktor ng Sentro ng Wikang Filipino (SWF) si Dr. Rommel B. Rodriguez, kawaksing propesor (associate professor) sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) sa Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL).
Siya ang humalili kay Dr. Rosario Torres-Yu bilang direktor at siya’y nakatakdang maglingkod hanggang Pebrero 28, 2018.
Kasabay ng kanyang tungkulin bilang SWF direktor siya ay naglingkod bilang tagapangulo ng Komite ng Konseho ng Unibersidad para sa Mga Polisiya at Isyung Pangkampus (University Council Committee on Campus Policies and Issues) mula 2013 hanggang Enero 2015.
Mula 2011 hanggang 2013, naglingkod siya bilang tagapag-ugnay sa Opisina ng mga Gawain ng Mag-aaral (Office of Student Activities o OSA).
Bukod sa pagiging administrador at guro, kilala si Rodriguez bilang editor, mananaliksik at manunulat.
Naging editor siya para sa isyu ng “Daluyan Journal Tomo XX” ng SWF noong 2014. Siya rin ay naging katuwang na editor ng mga librong “Like/Unlike: Kuwentong Facebook Status at Politika ng Agam-agam” na inilimbag ng Flipside Publishing noong 2014 at ng “Transfiksyon: Mga Kathang In-transit” na inilimbag ng UP Press noong 2013.
Ang ilan sa kanyang mga pananaliksik ay ang “Representasyon ng Pagkalalaki sa mga Pelikula ni FPJ” na nailathala sa Plaridel Journal ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla Tomo 10 (2013) at ang “Bayaning Talunan: Rebyu sa Pelikulang Caregiver” na nailathala naman sa Humanities Diliman Tomo 5 Bilang 1 at 2 (2008).
Bilang manunulat, nagkamit siya ng iba’t ibang pampanitikang parangal, kabilang dito ang pagkapanalo niya ng ikalawang gantimpala para sa kanyang maikling kuwentong “Toxic” noong Agosto 2010 sa ika-60 taon ng Don Carlos Palanca Awards for Literature (Palanca) sa kategoryang maikling kuwento sa Filipino. Napanalunan din niya ang ikatlong gantimpala sa parehong kategorya para sa kanyang maikling kuwento na pinamagatang “Kabagyan” noong Agosto 2008 sa ika-58 na taon ng Palanca.
Siya ay nagkamit ng UP Centennial Faculty Grant na nagkakahalaga ng P75,000 para sa Akademikong Taon 2014-2015. Kabilang din siya sa mga nagkamit ng Ph.D. Incentive Grant Award para sa Akademikong Taon 2012-2013 at muling iginawad noong 2013-2014 na nagkakahalaga ng P300,000 kada akademikong taon.
Naging Visiting Professor siya sa University of Shizouka, Japan mula Disyembre 6-17, 2014.
Nagtapos si Rodriguez ng PhD sa Filipino (Malikhaing Pagsulat), MA Philippine Studies (Philippine Cultural Anthropology at Philippine Literature) at BA Philippine Studies (Film and Audio-Visual Communication, Philippine Literature and Creative Writing) sa UP Diliman.