Campus

Pinalaki, pinaganda, pinabuti

“Ito’y bahagi ng ating bisyon na magkaroon ng isang modelong primary health facility sa UP Diliman (UPD) na nagbibigay ng maayos na serbisyo sa ating komunidad.”

Ito ang sinabi ni Tsanselor Fidel R. Nemenzo sa naganap na pagpapasinaya ng bagong-ayos na UP Health Service (UPHS) noong Enero 27.

Nagkaroon ng mga renobasyon sa UPHS upang higit na mapaglingkuran ang mga guro, kawani, at mag-aaral ng UPD, pati na ang mga dependent ng mga empleyado, at maging ang mga nakatira sa mga malalapit na komunidad.

Harapan ng UPHS. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO
Lobby ng UPHS. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

“Malapit sa aking puso ang UPHS. Mula noong bata pa ako, ito ang takbuhan ko kapag nasugatan o may karamdaman. Ito ang family hospital namin. Ito ang botika, clinic, at ospital ng komunidad ng UPD. Ang pagbubukas ng UPHS ay senyales na ang kalusugan ng ating komunidad ay isa sa mga mahahalagang prayoridad ng UP,” ani Nemenzo.

Samantala, ayon naman kay Dr. Myrissa Melinda Lacuna-Alip, direktor ng UPHS, ang ginawang pagsasaayos ng UPHS ay isang total renovation.

Habang ipinapakita ang mga pinalaki, pinaganda, at pinabuting aspekto ng UPHS, nasabi ni Lacuna-Alip na lubos siyang nagagalak sa mga pagbabago nito.

“Nais nating maging huwaran ng iba pang primary health facility sa buong bansa,” aniya.

Minor surgery room. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Kaniyang ibinalita na magkakaroon ng bagong gusaling may dalawang palapag para sa hospital confinement. Ito ay nasa bandang likuran ng UPHS.

“Mayroon pa ring 25-bed capacity ngunit mas malalaki na ang mga kuwarto,” ani Lacuna-Alip.

Nadagdagan din ang mga specialty room at out-patient department (OPD) clinic.

“Mula sa apat na specialty rooms ay may sampung specialty rooms na. May naimbitahan na rin tayong iba pang mga doktor para sa ating OPD clinics,” ayon kay Lacuna-Alip.

Isinaayos na rin ang pagkakapuwesto ng iba’t ibang seksyon ng pasilidad na nangangasiwa sa mga tala ng mga pasyente at tumutugon sa mga administratibong pangangailangan ng UPHS. Isinaayos din ang mga lugar para sa mga secondary laboratory, dental clinic, at public health unit.

Nakabili na rin ang UPHS ng mga bagong kagamitan para sa mga diagnostic test nito tulad ng mga x-ray at ultrasound machine.

“May plano ring magkaroon tayo ng gamit para sa mammogram,” sabi ni Lacuna-Alip.

Ang renobasyon ng UPHS ay naging posible sa inisyatiba ng UP Opisina ng Pangulo, UP Office of Design and Planning Initiatives, at Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Lansangan (Department of Public Works and Highways / DPWH).

Dumalo sa pasinaya sina UP Pangulo Danilo L. Concepcion, mga opisyal ng UP System at UPD, mga empleyado ng UPHS, at mga kinatawan ng DPWH Quezon City Second District at kontraktor ng renobasyon.

Mga dumalo sa pagpapasinaya ng UPHS: Elvira A. Zamora, pangalawang pangulo para sa pagpapaunlad ng UP System; Concepcion; Lacuna-Alip; at Nemenzo (nasa harapan, mula kaliwa); Ramon P. Devanadera, district engineer ng DPWH; Carmencita D. Padilla, tsanselor ng UP Manila; Atty. Ma. Gabriela Roldan-Concepcion; Gerardo D. Legaspi, direktor ng UP Philippine General Hospital; Elena E. Pernia, pangalawang pangulo para sa mga gawaing pangmadla ng UP System; at Hector Danny D. Uy, pangalawang pangulo para sa mga gawaing pambatas ng UP System (nasa likuran, mula kaliwa). Larawang kuha ni Dr. Oliva Salvador-Basuel, UPHS
 
Ang unveiling ng UPHS marker na pinangunahan nina (mula kaliwa) Alip, Concepcion, at Nemenzo. Larawang kuha ni Dr. Oliva Salvador-Basuel, UPHS
 
  • Share: