Campus

Petras, bagong SWF direktor

Itinalagang bagong direktor ng UP Sentro ng Wikang Filipino (SWF) si Jayson D. Petras, PhD ngayong Hulyo. Si Petras ay katuwang na propesor (assistant professor) sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) sa UP Diliman (UPD). Maglilingkod siya sa nasabing posisyon hanggang Hulyo 2025.

Petras. Larawan mula sa Facebook page ng KAL

Pinalitan niya si Michael Francis C. Andrada, PhD na nagsilbing direktor ng SWF mula Abril 2019 hanggang Marso 2022.

Sa KAL, nagsilbi si Petras bilang kawaksing dekano para sa pananaliksik, malikhaing akda, at publikasyon. Kaakibat ng pagiging kawaksing dekano, naging punong patnugot siya ng Philippine Humanities Review ng KAL at nahirang na patnugot ng Diliman Review ng KAL, Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, at Kolehiyo ng Agham.

Nagsilbi siyang pangalawang direktor (deputy director) ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing (Linangan ng Malikhaing Pagsulat). Naging affiliate faculty siya sa Faculty of Education ng UP Open University, at naging visiting researcher-professor sa Faculty of Liberal Arts ng Mahidol University sa Thailand.

Sa labas ng Unibersidad, aktibo si Petras sa Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) kung saan siya ay kasaping panghabambuhay (simula 2014) at naging kalihim at bahagi ng Lupon ng mga Kadiwa (2012-2019).

Petras. Larawan mula sa Facebook page ng PSSP

Nakapaglathala siya ng mga aklat at papel, at naging bahagi ng mga panayam sa loob at labas ng Pilipinas, hinggil sa wika, panitikan, sikolohiya, at araling kultural.

Nagtapos ng BA araling pilipino (may disiplina sa panitikan at sikolohiya), magna cum laude, MA Araling Pilipino (may disiplina sa panitikan at sikolohiya), at PhD filipino: pagpaplanong pangwika sa UPD.

Ayon sa Facebook page ng KAL, noong panahon ng quarantine, “pinagkaabalahan ni Petras ang pag-aaral ng wikang Thai, kung saan nakakuha na siya ng tatlong online courses. Sinusubukan niya ring idiskubre ang kaniyang ‘green thumb’ sa dalawang halaman sa loob ng kaniyang kwarto. “ Ang Sentro ng Wikang Filipino (SWF) ay isang institusyon sa UPD na nagtataguyod sa wikang Filipino bilang midyum ng pagtuturo, saliksik at publikasyon, at opisyal na komunikasyon ayon sa tadhana ng Konstitusyong 1987. Itinatag ito noong 1989 kasunod ng pag-apruba ng Lupon ng mga Rehente sa Patakarang Pangwika ng buong UP System. Sa paglipas ng panahon ay nagkaroon na rin ng mga SWF sa mga kasaping unibersidad ng UP System.

  • Share:
Tags: