Academe

Pamana ng Diliman Commune tinalakay

(PEBRERO 10)—Sinang-ayunan man o binatikos ng publiko ang Diliman Commune, hindi maikakailang isa itong di malilimutang yugto sa kasaysayan ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) at ng bayan.

Ang pag-alaala sa mga kaganapan at paghimay ng kahalagahan nito sa lipunan ang binigyang pansin ng webinar na “Celebrating the Legacy of the Diliman Commune,” ang unang serye sa Talastasan sa Kasaysayan ng Departamento ng Kasaysayan noong Pebrero 2, 2 n.h.  Itinampok nito ang dalawang saksi at aktibong kalahok sa Diliman Commune, sina Dating Kalihim ng Department of Social Welfare and Development Judy M. Taguiwalo at batikang manunulat Bonifacio “Boni” Ilagan.

Ang Diliman Commune ay isang pagkilos ng mga estudyante ng UP Diliman (UPD) mula Pebrero 1 hanggang 9, 1971. Nagsimula bilang boykot ng pakikiisa sa welga ng mga drayber ng dyipni na tumututol sa pagtaas ng presyo ng langis at gasolina, ito ay tumagal ng siyam na araw dahil sa pagbabago ng klima ng boykot nang mabaril ang estudyanteng si Pastor “Sonny” Mesina Jr na kasama sa kilos protesta.  Nauwi sa pagkakaroon ng mararahas na engkwentro ng mga estudyante, at ng mga pulis at military na layuning itigil ang pagpoprotesta.  Ang layuning pigilan ang protesta ay itinuring na pagpigil sa kalayaang akademiko ng UPD.

Ayon kay Taguiwalo ang mahalagang aral ng Diliman Commune ay ang kahandaan ng Unibersidad na tumindig sa anumang anyo ng tiraniya at diktadura.

Dagdag pa niya, kailangan pag-alabin ang diwang ito at huwag hayaan ang pananahimik sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng UP, kabilang na ang red-tagging, ang Anti-Terror Law at ang “kaliwa’t kanang pagtatanim o paggawa ng kaso lalo na sa mga kritiko ng pamahalaan.”

“Ang atake sa University ay nagiging atake sa buong bayan (sa kanyang) demokratikong karapatan.  Ang atake sa akademikong kalayaan ay atake sa lahat ng kalayaan natin,” ani Taguiwalo.

Sinabi rin ni Taguiwalo na ang Diliman Commune ay una lamang sa nagbabadyang paniniil sa kalayaan ng buong bansa, at ito ay “advance lamang.”  Sinabi niya na matapos maganap ang Diliman Commune, sinuspinde ang Writ of Habeas Corpus noong Agosto 21, 1971 at sinundan ito ng pagdeklara ng Batas Militar (Martial Law) noong Setyembre 21, 1972.

Ayon sa The LAWPHiL Project (https://www.lawphil.net/judjuris/juri1951/oct1951/gr_l-4855_1951.html) ang writ of habeas corpus ay binalangkas bilang agaran at mabisang lunas sa mga taong ikinulong ng labag sa batas.  Ito ay itinuturing na mabisa at natatanging depensa ng personal na kalayaan.  Ito ang nagbibigay katiyakan sa isang bilanggo ng kanyang karapatan na masuri ang dahilan ng kanyang pagkabilanggo sa harap ng korte ng hustisya, upang malaman kung tunay nga na may paglabag sa batas ang kanyang pagkakakulong. [The writ of habeas corpus was devised and exists as a speedy and effectual remedy to relive persons from unlawful restraint, and as the best and only sufficient defense of personal freedom. (Villavicencio vs, Lukban, 39 Phil., 778,788.) It secures to a prisoner the right to have the cause of his detention examined and determined by a court of justice, and to have ascertained if he is held under lawful authority. (Quintos vs. Director of Prisons, 55 Phil., 304, 306.)]

“Ang pagtatanggol sa Unibersidad sa kaibuturan ay pagtatanggol sa karapatang sibil, karapatang pampulitika at karapatang ekonomiya para ang bayan natin ay mamuhay ng matiwasay,” ani Taguiwalo.

Samantala, ang pamana o aral ng Diliman Commune para kay Ilagan ay ang pagsasa kongkreto ng panawagang “Makibaka! Huwag matakot.”

Isinalaysay ni Ilagan na sa mga pumupuna sa kanila noon ang madalas na ipukol sa kanila ay ang kanilang pagiging rebelde, ang Diliman Commune ay isang adbenturistang pagkilos ng mga kabataan.

“It was an act of defiance noong panahon namin,” pag-amin ni Ilagan, “at ang defiance ay may pinagmulan.”

Ani Ilagan, taliwas sa katotohanan ang sinasabi ng iba na ang Diliman Commune ay isang adbenturistang pagkilos lamang.

“Maaari itong isipin kung ang mga aktibista noon ay mga rebels without a cause.  Pero, hindi e,” pagtatanggol ni Ilagan.  “We were rebels alright, in our own right.  But, we have a cause.  May causa at malinaw sa amin ang causang iyon.  Sa madaling sabi, hindi namin ginawa ang defiance for the simple reason that we wanted to defy, wanted to be defiant.  May mga usapin na kailangan pagkakitaan ng defiance, na sinasabi nga ng panawagan na Makibaka! Huwag matakot,” sabi ni Ilagan.

Sinabi rin ni Ilagan na ang Diliman Commune “was a continuing discourse,” kung saan isa sa mga naging puna ay hindi na raw aktibidad lamang ng Diliman o ng UP ito bagkus ito ay naging aktibidad ng mga outsider.

“Bukod sa panawagan na magkaisa ang UP, nanawagan din kami upang sumuporta ang taong bayan sa labas ng kampus sapagkat ang aming tingin ay it had become more than a UP event,” ani Ilagan.

Ani rin ni Ilagan na sa panahon ng kabataan nila ni Taguiwalo, ang Diliman Commune ay isang pangyayari sa kasaysayan na naiugnay nila ang mga isyu ng panahon na iyon “sa mga ugat ng kahirapan, sa ugat ng walang kaunlaran at sa aking palagay dahil doon nagkaroon ng igpaw ang kamulatan/kamalayan ng aking henerasyon at ng maraming mamamayan na naabot ng Diliman Commune.”

Nag-iwan ng paalala at hamon ang dalawang tagapagsalita na panatilihin ang diwang lumalaban at huwag manahimik sa mga usaping may kinalaman sa kapakanan at kalayaan ng Unibersidad at ng bayan.

“Walang masama sa ating paglaban hangga’t may tiwali ang ating lipunan,” saad ni Ilagan, “Kaya ang barikada’y lubha pang itatag, matibay, matikas, higit pang mataas. Tuloy sa paglaban!”

Samantala, ayon sa Tagapangulo ng Departamento ng Kasaysayan Neil Martial Santillan, hindi matatawaran ang ambag ng mga aktibistang kabataan dahil sa naluwal na samu’t saring pagbabago sa loob at labas ng UP.

“Sa kabuuan hinamon ng Sigwa at barikada ng kabataan ang kinagisnang pananaw at pamamaraan sa pamumuno, lipunan, kultura at kapangyarihang bayan,” ani Santillan.

Sinabi rin niya na bilang tugon sa hamon ng kabataan na lumahok ang mga negosyante sa pakikibaka (lumahok sa First Quarter Storm) lumitaw ang ideya ng Corporate Social Responsibility (CSR) na nagbigay daan sa pagkakatatag ng Philippine Business for Social Progress bago pa matapos ang 1970.

“Nawa magsilbi ang ating webinar bilang plataporma sa pagkilala ng mahaba at makabuluhang kasaysayan ng pakikibaka ng kabataan at sambayanan upang maitaguyod ang isang lipunang marangal, mapagkalinga at demokratiko,” ayon kay Santillan.

Ang Talastasan sa Kasaysayan ay bahagi ng UP Diliman Arts and Culture Festival 2021 na pinamagatang “Engkwentro: Barikada Singkwenta at ika-500 taon ng Pagtatagpo ng Pilipinas at Espanya.”

Kasama rin sa webinar na ito si Prop. Ferdinand Llanes, PhD na tumayong moderator at sina Bianca Roque at Patrick James Serra bilang mga tagapagpadaloy.


Photo credit
Professor Emeritus Judy M. Taguiwalo: https://carleton.ca/fpa/story/judy-taguiwalo/
Bonifacio “Boni” Ilagan: https://ibarracmateo.home.blog/2019/09/05/playwright-bonifacio-ilagan-2019-up-gawad-plaridel-awardee/