Mariing tinututulan at kinokondena ng UP Diliman Office of the Chancellor Executive Staff ang ginawang pagtatanggal ng mga sinasabing subersibong libro at dokumento mula sa ilang mga state university library. Ang pagtatanggal na ito ay sumasalungat sa misyon ng mga pamantasan na makapagturo at makapagsaliksik nang malaya, at magpalaganap ng academic freedom. Dapat nating protektahan ang ating mga eskuwelahan at panatiliin ang mga ito bilang lugar ng malayang pag-iisip.
Ang pagtatanggal ng mga piling materyales ay isang malinaw na halimbawa ng censorship at pagkitil sa kaalaman. Pag-abandona ito sa kalayaang mag-isip, magtanong, at magsaliksik; at sa kalayaang tumuklas ng katotohanan batay sa sariling kakayahan ng mga mag-aaral.
Kung nais nating protektahan ang kabataan, hindi ito makakamit sa pamamagitan ng paglimita sa maaari nilang basahin. Sa halip ay nararapat natin silang hikayating buksan ang kanilang isipan. Hayaan natin silang magtanong at bumuo ng kanilang mga sariling konklusyon.
Minsan nang sinabi ng edukador na si Harold Howe, “What a school thinks about its library is a measure of what it feels about education (Kasukat ng pagpapahalaga ng eskuwelahan sa aklatan ang pagpapahalaga nito sa edukasyon).”
Ang pagpapahalaga natin sa ating mga aklatan ay repleksiyon ng ating misyon sa edukasyon. Kung aalisin natin ang mga libro, pamphlet, at dokumento dahil lamang sa ang mga ito ay taliwas sa ating mga pinaniniwalaan, para na rin nating ipinakikitang takot tayo sa mga idea. At para na rin nating itinakwil ang buod ng pagiging isang pamantasan—may malayang pag-iisip, malayang nakapagtatalakayan, at malayang nakapagpapalaganap ng kaalaman.
Kung patuloy na gagawin ang pagtatanggal ng mga piliing materyales mula sa mga aklatan, humuhubog lamang tayo ng mga estudyanteng mangmang, hindi bukás sa kritisismo, at takot magtanong at manindigan.
Isulong ang academic freedom at pangalagaan ang kalayaan ng ating mga pamantasan. Bigyan ang kabataan ng kalayaang makipagtalakayan, magsaliksik, tumuklas ng katotohanan, at maging bukás ang isipan nang mahubog ang isang henerasyon ng mga Pilipinong may pakialam sa lipunan, may pagpapahalaga sa kapuwa, at mga tunay na lingkod-bayan.
Ang academic freedom ay isang karapatang pinoprotektahan ng ating Konstitusyon sapagkat ito ang tanging daan paratunay na makamit ng ating kabataan ang rurok ng kanilang kakayahan at nang sa gayon ay tunay silang makapag-ambag sa ating lipunan.
Ang aklatan ang puso ng bawat unibersidad at simbolo ng progresibong pag-iisip. Ang pagtatanggal ng mga aklat nito ay pagyurak sa malayang pag-iisip at pagpigil sa pagtuklas ng katotohanan. Pahalagahan at pangalagaan natin ang ating mga aklatan. Panatiliin nating malaya ang ating mga unibersidad bilang mga kanlungan ng kaalaman.
Ang Office of the Chancellor Executive Staff ay binubuo ni Tsanselor Fidel R. Nemenzo, DSc, ng mga bise tsanselor, rehistrador ng unibersidad, at direktor ng UP Diliman Information Office.