Ni Kevin Brandon Saure
(AUG. 12)—Pagtatagpo ng relihiyon at usaping pangkasarian ang naging pokus ng ginanap na kumperensya na pinamagatang “Sa Ngalan ng Kasarian; Isang Talakayan Tungkol sa Paglalangkap ng Malay-sa-Kasariang Perspektiba sa Kristiyanong Teolohiya” na idinaos sa Claro M. Recto Hall, Hunyo 25.
Ayon kay Prop.Bernadette Neri, tagapag-ugnay ng UP Diliman Gender Office (UPDGO), relihiyon ang isa sa mga pangunahing pwersa na nang-iimpluwensya sa perspektiba ukol sa usapin ng kasarian at sekswalidad. Makikita rin ito, partikular ang Kristiyanismo sa iba’t iba pang diskurso katulad ng sa batas.
Ang Simbahan, halimbawa, ang nagpahayag ng sentimyento sa pagpasa ng RH Bill, anti-discrimination bill, at pati na rin sa panawagan para sa same-sex marriage. Samu’t sari pang mga usapin na tumutuntong sa kasarian at sekswalidad ang binibigyang-pansin ng Simbahan.
Sa halip na pag-usapan ang negatibong pananaw ng relihiyon sa peminismo,queer, homoseksuwalidad, at iba pang kaugnay na usapin, binigyang-diin sa programa ang positibong pagtalakay katulad ng bagong interpretasyon sa mga nakasulat sa Bibliya.
Sa ganitong premiso naka-angkla ang mga diskusyon na ginanap sa nasabing programa.Nagbahagi ng kanilang mga pananaliksik sina Pastor Revelacion Velunta, Associate Professor sa Union Theological Seminary (UTS) at miyembro ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP), at Pastor Lizette Tapia-Raquel, Convenor ng Center for Women, Youth, and Children na nasa ilalim din ng UTS. Ibinahagi ni Velunta ang kanyang papel na pinamagatang Reading the Bible in the Era of Empire at si Tapia-Raquel naman ay nagpamulat sa kanyang sanaysay na The Gospel According to Lualhati Bautista: Crying-out, Resisting, Asserting and Celebrating. Nagbahagi rin si Pastor Karen Kaye Nerisse Pamaran ng tungkol sa queer theology. Si Pamaran, isang lesbian, ay miyembro ng Metropolitan Community Church ng Quezon City.
Sa kanyang paunang salita, sinabi ni Neri na “bihirang pag-usapan sa ating bansa ang pagtatagpo ng relihiyon, kasarian at seksuwalidad.” Dagdag pa niya, ang ganitong kalagayan ay “bunga ng kasaysayang nagkintal sa panlipunang kamalayan na ang institusyon ng simbahan ang repositoryo at tagapamayagpag ng patriyarka at heteroseksuwalidad.”
Nagsilbing reactor ng mga binasang papel si Prop. Gerardo Lanuza ng UP Departamento ng Sosyolohiya, na nagbigay ng isang historikal at sosyolohikal na pagtatasa. Naging tagapagsalita naman na kumakatawan sa LGBT community si Corky Hope Maranan, pangulo ng KAPEDERASYON, isang sektoral na organisasyon na binibigkis ng sexual identities ng mga kasapi nito.
Dinaluhan ang programa ng mga estudyante ng mga mataas na paaralan ng Balara at Krus na Ligas, at mga kursong Panitikan ng Pilipinas 19 at Philippine Institutions 100. Mayroon ding mga dumalo mula sa UTS ng Cavite at Miriam College.— Images courtesy of UP Diliman Gender Office