Campus

Nilay at sikhay para sa mas magandang buhay

“Pagnilayan natin ang lahat ng ating dapat pasalamatan. Let us be grateful for all the blessings for us individually, for our families, for our colleges, our community. And let us use the learnings, the experience, to gain new fervor, na masikhay nating salubungin ang bagong taon so we can achieve greater things in 2025,” pahayag ni UP Diliman (UPD) Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II sa kanyang mensahe sa UPD Paligsahan at Parada ng mga Parol 2024 (Lantern Parade 2024).

Vistan kasama ang kanyang pamilya at mga kawani ng Opisina ng Tsanselor. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Information Office

Binigyang-pagkilala rin ni Vistan ang mga nanguna sa mga board at bar exam, mga parangal na nakamit ng mga kasapi ng komunidad ng UPD, pati ang mga nanalong koponan sa unang semestre ng University Athletics Association of the Philippines (UAAP) Season 87, kung saan UP ang punong-abala.

Kaniya ring pinasalamatan ang production team ng programa sa pangunguna ni Direktor Roehl Jamon at ang Office of the Vice Chancellor for Community Affairs sa pangunguna ni Bise Tsanselor Jerwin Agpaoa.

Tampok sa Lantern Parade 2024 ang 22 parol mula sa iba’t ibang akademikong yunit ng UPD, bukod pa ang 16 mula sa Kolehiyo ng Sining Biswal (College of Fine Arts / CFA); pito mula sa mga administratibong yunit ng UPD; apat mula sa mga opisina ng UP System (UPS); at isa mula sa UP Manila. Ang palatuntunan ay nagtagal ng halos pitong oras, isa sa pinakamahabang pagdaraos sa kasaysayan ng parada.

Inang Hustisya, parol ng Kolehiyo ng Batas. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Information Office

Ang mga nanalong parol mula sa mga akademikong yunit ay ang Inang Hustisya ng Kolehiyo ng Batas (unang gantimpala), Talanghay ng Kolehiyo ng Inhenyeriya (ikalawang gantimpala), Tunay na Juan ng Sentrong Asyano (ikatlong gantimpala), at dalawang kapuri-puring banggit na mga parol, KALbaryo ng Kolehiyo ng Arte at Literatura at Bawat Balasa, Pag-asa ng Kolehiyo ng Arkitektura.

Talanghay ng Kolehiyo ng Inhenyeriya. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Information Office
Tunay na Juan ng Sentrong Asyano (Ikatlong gantimpala, paligsahan ng mga parol ng mga akademikong yunit). Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Information Office

KALbaryo ng Kolehiyo ng Arte at Literatura. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Information Office
Bawat Balasa, Pag-asa ng Kolehiyo ng Arkitektura. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Information Office

Samantala, ang nanalong mga parol mula sa CFA ay ang Horror Train ng FA 14-V (unang gantimpala), Jester ng Block X-VC (ikalawang gantimpala), The Amazing Lamangkero ng VC 24-W (ikatlong gantimpala), at Marionette ng mga D20, D22, at D26 (kapuri-puring banggit).

Horror Train ng FA 14-V. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Information Office
Jester ng Block X-VC. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Information Office
The Amazing Lamangkero ng VC 24-W. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Information Office
Marionette ng D20, D22, at D26. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Information Office

Ang mga parol ng Lantern Parade 2024 ay nagsilbing paglalarawan ng mga mensahe ng mga kolehiyo at opisina sa mga usapin sa lipunan tulad ng lantarang paglustay sa kaban ng bayan, kakulangan sa mga serbisyong sosyal at pangkalusugan, mababang antas ng edukasyon, mga banta sa malayang pamamahayag, paninikil sa mga karapatang-pantao, West Philippine Sea, kalagayan sa Palestina, at iba pa.

Pareho ang halaga ng mga salaping gantimpala para sa mga itinanghal na pinakamagandang parol sa hanay ng mga akademikong yunit at mga mula sa CFA: PHP50,000 para sa unang gantimpala, PHP30,000 (ikalawang gantimpala), PHP20,000 (ikatlong gantimpala), at PHP10,000 (kapuri-puring banggit).

Naging bahagi rin ng palatuntunan ang makasaysayang grupong Artista ng Bayan, mas kilala sa ABAY, na nagsagawa ng isang lightning mural mula simula hanggang dulo ng parada sa saliw ng mga awiting Pamasko at mga awiting Pilipino sa pangunguna ng UP Concert Chorus. Ipinakita ang kanilang likhang-sining bago ang mga parol ng CFA.

Ang lupon ng mga hurado sa paligsahan ng mga parol ay binubuo nina Erika Mariel G. Mayoni, executive director ng UP Alumni Association; Patricia Maria Santiago, isang cultural manager at mananaliksik para sa Association of Southeast Asian Nations, National Commission for Culture and the Arts, at Cultural Center of the Philippines; David Sam Ayson, mang-aawit, kompositor, at United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization Youth ambassador; Monica Fides Amada W. Santos, direktor ng UPD Opisina ng Pagpapasimuno sa Kultura at mga Sining; at Shamcey Supsup-Lee, pangunahing arkitekto at tagapagtatag ng Grid Asia Inc. at Miss Universe 2011 third runner-up.

Ang mga kategorya sa pagpili ng mga pinakamagandang parol ay ang pagsunod sa tema (20%), malikhaing pagsanib ng kultura at kapaligiran (20%), epektong biswal at ang kanilang kahalagahan (30%), kapakinabangan ng pagiging eco-friendly (15%), at paggamit ng alternatibong enerhiya (15%). 

“Tradisyon na po natin talaga itong Lantern Parade, and I am happy we are continuing this great tradition because it is one thing that really binds us together-to observe our traditions [and] promote our rituals as a university. So thank you very much,” ani Pangulo Angelo A. Jimenez ng UP.

Ibinalita rin niya ang mga matatanggap na insentibong pinansiyal ng mga kwalipikadong guro at kawani ng UPS, na lubos na ikinagalak ng mga guro at kawaning sumama sa parada.

Ang Lantern Parade 2024 ay nagwakas sa isang palabas ng mga ilaw o light show.

Naghandog ng mga pagtatanghal sina JM Yosures,kampeon ng Tawag ng Tanghalan noong 2021; UP Varsity Pep Squad; UP Filipiniana Dance Group; UP Dancesport Society; UP Streetdance Club; at ang Pinoy-pop boy group na Aster.

Ang pagsisindi ng cauldron sa pangunguna nina (mula sa kanan) Vistan, Jimenez, at Deliña. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UP Diliman Information Office

Bago ang pagpasok ng mga parol ay isinagawa ang pag-iilaw sa pangunguna nina Ed Deliña ng UP Men’s Athletics Team (UPMAT), Vistan, at Jimenez. Ang gawaing ito ay pagkilala sa kampeonato ng UPMAT, UP Women’s Badminton Team, at UP Men’s Basketball Team.

Tagapagpadaloy ng palatuntunan sina Edward dP. Kho, katuwang na propesor sa Kolehiyo ng Kinetikang Pantao; Tuesday Vargas, artista at mang-aawit; at Earl Moreno, marketing communications manager at voice artist.

  • Share: