Sa nakalipas na Gawad Tsanselor 2022 noong Hunyo 24 sa Arts and Design West Hall ng UP Diliman (UPD) Kolehiyo ng Sining Biswal (College of Fine Arts / CFA), hinimok ni Tsanselor Fidel R. Nemenzo ang mga kasapi ng komunidad ng UPD na maging mapagmatyag, mulat, at kritikal habang tinatahak ng bayan ang bagong yugto ng kasaysayan nito.
“kaMulatan.” Ayon sa kaniya, sa “pagtahak natin sa bagong yugto ng ating kasaysayan, lagi tayong maging mapagmatyag, mulat, at kritikal sapagkat dito tayo kumukuha ng tapang at lakas upang patuloy na maglingkod nang tapat sa Pamantasan, sa kapuwa, at sa bayan.”
Idinagdag din niyang tulad ng tema ng Linggo ng Parangal 2022 na “kaMULATan,” ang mga taong bumubuo ng UPD ay mulat sa kaganapan sa paligid.
“Naniniwala akong isa sa mga dahilan kung bakit tayo laging handang magbigay ng ating lakas para sa ating pamantasan at sa bayan ay sapagkat mulat tayo sa pangangailangan ng iba. Bukas ang ating mga mata sa dinaranas ng bawat isa kaya lagi nating sinisikap na tulungan ang mga nahihirapan at bigyan ng boses ang mga inalisan ng tinig,” ani Nemenzo.
Pinapurihan niya ang mga guro, mananaliksik, kawani, mag-aaral, at programang pang-ekstensiyon na ginawaran ng Gawad Tsanselor at itinuring silang mga biyaya sa Unibersidad.
“Ang 14 na indibidwal at tatlong programang pang-ekstensiyon na pararangalan ng Gawad Tsanselor ay mga huwaran ng kagalingan. Sila ay nagpamalas ng dangal, husay, at malasakit sa kani-kanilang larangan. Tunay ngang biyaya sa UP silang maituturing. Nawa ay maging inspirasyon natin sila sa lalong pagpapainam ng ating mga gawain,” ani Nemenzo.
Natatangi. Sa 17 nagkamit ng karangalan, lima ang hinirang na Natatanging Mag-aaral, tatlo ang Natatanging Programang Pang-ekstensiyon, dalawa ang Natatanging Kawani, apat ang Natatanging REPS, isa ang Natatanging Mananaliksik sa Filipino, at dalawa ang Natatanging Guro.
Para sa Natatanging Mag-aaral, dalawa ang mula sa Kolehiyo ng Inhenyeriya (College of Engineering / COE) na sina Rowill Christian R. Rempillo at Jan Goran T. Tomacruz.
Ang mga kasama nilang hinirang ay sina Raven B. Frias mula sa Kolehiyo ng Ekonomiyang Pantahanan (College of Home Economics / CHE), Pamela Eyre Victoria R. Lira mula sa Kolehiyo ng Agham (College of Science / CS), at Zadkiel John S. Yarcia mula sa Kolehiyo ng Musika (College of Music / CMu).
Ang Natatanging Programang Pang-ekstensiyon naman ay nakamit ng UP CFA Fab Lab, Literature for Social Recovery beyond COVID-19 ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (College of Arts and Letters / CAL), at I Need. I Value. I Love My Library ng COE.
Para sa Natatanging Kawani, hinirang sina Jacelle Isha B. Bonus mula sa UPD Opisina ng Impormasyon (UPD Information Office / UPDIO) at Archie C. Clataro mula sa CAL.
Sina Rizalyn V. Janio ng Aklatan ng Unibersidad (University Library / UL) at Erlina R. Ronda, PhD ng Pambansang Linangan sa Pagpapaunlad ng Pagtuturo ng Agham at Matematika (National Institute for Science and Mathematics Education Development / NISMED) ay ginawaran ng Natatanging REPS.
Kasama rin nilang hinirang sina Maree Barbara M. Tan-Tiongco ng Kompleks ng Teatro ng Unibersidad (UP Theater Complex / UPTC) at Pierangeli G. Vital, PhD ng Linangan ng Saliksik sa mga Likas na Agham (Natural Sciences Research Institute / NSRI).
Si Nancy Kimuell-Gabriel, PhD mula sa CAL ang hinirang na Natatanging Mananaliksik sa Filipino.
Samantala, ginawaran ng Natatanging Guro sina Tina S. Clemente, PhD ng Sentrong Asyano (Asian Center / AC) at Sheryl Lyn C. Monterola, PhD ng Kolehiyo ng Edukasyon (College of Education / CEd).
Mga estadistika. Para sa taong ito, umani ng tig-tatlong pinarangalan ang CAL at COE, habang tig-dalawa naman ang CS (kung saan bahagi ang NSRI) at CEd (kung saan bahagi ang NISMED). Samantala, isa naman ang nakatanggap ng parangal mula sa bawat sumusunod na kolehiyo at tanggapan: AC, CHE, CMu, CFA, UPDIO, UL, UPTC.
Pag-alaala at pasasalamat. Sa panahon ng pagpupugay ay kasama ring inalala ang mga namayapang kasapi ng komunidad ng UPD.
“Nakasama natin sila sa dalisay na pag-ibig at paglilingkod sa pamantasan. Ang kanilang dangal, husay, at sigasig bilang bahagi ng ating komunidad sa UPD ay hindi kailanman mawawaglit sa ating mga gunita,” saad ni Bise Tsanselor para sa Gawaing Pangkomunidad Aleli B. Bawagan.
Sa pagtatapos, pinasalamatan ni Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Akademiko Ma. Theresa T. Payongayong , na siya ring tagapangulo ng Tagapamahalang Komite para sa Linggo ng Parangal 2022, ang lahat ng mga naging bahagi ng limang araw na pagpupugay sa mga kasapi ng UPD.
“Hindi po madali ang magsagawa ng limang malalaking programa sa loob ng isang linggo. At lalo na sa panahong maraming iniinda ang bayan, sa aspekto ng ekonomiya, pulitika, at kalusugan. Subalit lagi’t laging matimbang ang pagkilala sa mga mag-aaral, kawani, mananaliksik, guro, at organisasyong naglingkod sa Pamantasan nang may kamulatan bilang aspirasyon at adhikain ng bayan,” aniya. Ang Gawad Tsanselor 2022 ang huli at tampok na programa ng UPD Linggo ng Parangal 2022.