By Haidee C. Pineda
(JUL. 1)—Nagtipon ang mahigit 200 na mga guro, manunulat, mananaliksik at mga mag-aaral mula sa iba’t ibang pamantasan para sa talakayang “Bantay Wikang Filipino: Ang Pagtuturo ng Filipino sa Kolehiyo” noong Hunyo 23 upang suportahan ang pahayag na inilabas ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) na tumututol sa pagpapatupad ng Commission on Higher Education Memorandum Order (CMO) Blg. 20 Serye 2013.
Ang talakayan na ginanap sa Pulungang Claro M. Recto, Bulwagang Rizal ay inorganisa ng DFPP sa pakikipagtulungan ng Sentro ng Wikang Filipino (SWF) at Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL).
Sa pahayag ng DFPP ay mariin nitong tinututulan ang naturang memorandum kung saan sa bagong General Education Curriculum (GEC), mula sa dating siyam na yunit na kahingian sa wikang Filipino sa kolehiyo ay ibababa na sa hayskul ang pagtuturo ng wika at panitikan.
Ayon sa nakasaad sa CMO Blg. 20 Seksyon 3 o ang Revised Core Courses, “As proposed, the GEC will be reduced to a minimum of 36 units, distributed as follows: 24 units of core courses; 9 units of elective courses; and 3 units on the life and works of Rizal (as mandated by law). The general courses maybe taught in English or Filipino.”
Dagdag pa nito, ayon sa memorandum, “The college readiness standards serve as the partial basis of the curricula of Grades 11 and 12, especially for students aiming to take higher education. In broad strokes (since the details are still in the process of finalization), the senior high school curriculum possesses the following features: 1) It consists of: (i) a core curriculum for all Senior High School students consisting of subjects in English (108 hours), Filipino, literature, communication, mathematics, natural science, social science and philosophy, which conform to the college readiness standards; and (ii) three tracks that will prepare the student for either work or college.”
Kabilang sa mga naging tagapagsalita ay ang mga propesor ng KAL na sina Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Dr. Bienvenido Lumbera, Tagapangulo ng SWF Dr. Rosario Torres-Yu, Tagapangulo ng DFPP Prop. Aura Albano Abiera, Dr. Glecy Atienza, Dr. Luna Sicat-Cleto, Prop. Melania L. Flores, Dr. Ramon Guillermo at Dr. David Michael San Juan ng De La Salle University.
Patakarang pang-wika sa UP. Bilang pambungad, ibinahagi ni Prop. Aura A. Abiera ang patakarang pang-wika ng UP at mga nakamit na tagumpay ng departamento sa nakalipas na panahon.
Sinabi ni Abiera na noong Hulyo 18, 1987, inaprubahan ng University Council ang pagtatatag ng isang komite na ad hoc na ang mga miyembro ay nagmula sa iba’t ibang disiplina upang magpanukala ng palisi sa wika ng Unibersidad.
Naaprubahan ng Lupon ng mga Rehente ang panukalang palisi noong Mayo 29, 1989 kung saan itinakda nito na “ang Filipino bilang opisyal na wikang panturo, wika ng pananaliksik sa lahat ng disiplina at wikang pangkomunikasyon sa Unibersidad.” Bukod dito, nilalayon din ng palisi “na paunlarin ang mga rehiyonal na wika at kultura ng Pilipinas bilang bukal ng Filipino kung saan nanguna ang DFPP sa pagpapatupad at pagsusulong ng palisi sa wika ng Unibersidad.”
Binanggit din niya na ayon nga sa pahayag ng departamento, “kinikilala nito ang integridad ng Filipino bilang ganap na dominyon ng karunungan at isa sa paraan ng pag-unawa sa lipunan at sa mundo na nag-aambag sa pagpapanday ng kaisipan at pananagutan sa lipunan.”
Idiniin ni Abiera, “Hindi dapat mabalewala o masayang ang ambag at mga napagtagumpayan na ng mga guro, manunulat at iskolar na nagbuhos ng kanilang lakas, talino at buhay para isulong ang sarili nating wika at ang makabayang edukasyon.”
Kolonyal na sistema ng edukasyon sa Pilipinas at ang K to 12. Sinusugan naman ni Lumbera ang pahayag ng DFPP at sinabing, “Ang pinaka-ugat ng ating problema ay ang kolonyal na edukasyong pinataw ng Estados Unidos sa atin.”
Tinalakay rin Lumbera ang kasaysayan kung paanong pumasok ang wikang Ingles sa sistema ng edukasyon sa bansa dulot ng pananakop at ng imperyalismong dulot ng Amerika.
Sinabi niya na “Ang ganitong pagkatuwa ng mga ilustradong Filipino sa paggamit ng wikang Ingles ay sa katagalan ay nagsimulang maging parusa sa buong sambayanan sapagkat sa paggamit ng wikang Ingles sa ating mga paaralan, ang mga Filipino ay unti-unting hinubog bilang mga kolonyal na mamamayan at ang ating problema, dahilan kung bakit tayo ay nagtipon-tipon, ay bunga ng ganoong patakaran na ang sistema ng edukasyon ng mga Filipino ay gumamit sa wikang Ingles.”
Inihain din ni Lumbera sa Departamento ng Edukasyon ang tanong na “Para kanino ba ang edukasyon na ibinibigay ng ating mga pamantasan? Ang sambayanang Filipino ang dapat makinabang sa ating sistema ng edukasyon.”
Tinuligsa rin niya ang pagpapatupad ng K to 12 sa Pilipinas at sinabing, “Ano ang implikasyon nito? Ang mga Filipino ay nakalimutang isaalang-alang ng mga edukador na nagplano ng pagtatayo ng K to 12 at patuloy na pagpapalaganap ng kolonyal na edukasyon sa ating bayan.”
Nilagom naman ni Torres-Yu ang resulta sa kumperensiya na naganap noong Oktubre 2013 tungkol sa pagbubuo ng bagong GEC sa kolehiyo. Binanggit niya na ang layunin ng mga programang pang-edukasyon na ito ay umayon sa United Nations millennium summit goals of development at natukoy ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas bilang isa sa mga bansa na nangangailangan ng reporma sa curriculum upang masolusyunan ang kawing-kawing na problema sa kahirapan, kababaihan, kalusugan, kapaligiran at edukasyon.
Paliwanag ni Torres-Yu, “ang inaasahang mangyayari ay iyung mga nagtuturo sa kolehiyo ng skill courses sa Filipino at saka sa Ingles ay inaakalang puwede namang magturo sa hayskul kasi ibababa nga ang dalawang sabjek na iyun sa Grade 11 and 12.”
Kaugnay nito, binaggit niya ang pangamba ng mga guro na nagtuturo ng Filipino na tinatayang 30,000 o higit pa ang maaaring mawalan ng trabaho dahilan sa nagaganap na pagbabago sa kurikulum.
“Iyun ang malaking problema, ang usapin sa paggawa, ang usapin ng ano ang gagawin ng mga guro natin sa GE departments na nagtuturo ng Filipino? Hindi sila maaaring makapagturo sa hayskul kasi kinakailangang lisensyado sila. Kinakailangang kumuha sila ng board exam para makapagturo sa hayskul. At kung sila naman ay magtuturo sa GE sa tertiary, kailangang interdisciplinary ang kanilang nalalaman at gagamitin lang nila ang Filipino para ituro ito. Ipaabot dapat ito sa Commission on Higher Education (CHED),” ani Torres-Yu.
Iba pang mga reaksyon at pahayag ng pagtutol at suporta. Nagpahayag ng reaksyon at pakikiisa si Dr. Elena R. Mirano, dekana ng KAL, ang mga guro sa Filipino na sina Atienza, Sicat-Cleto, Guillermo, Flores at San Juan.
Ang pahayag ni Dr. Elena R. Mirano “Dapat lahat ng pumapasok sa kolehiyo ay mayroong isang kabuuan ng kaalaman hindi lang isang makitid na larangan. Kung kaya’t kami sa mga ibang sining at iba ring larangan at siyensiya sa Unibersidad ay nakikiisa dito sa isyung ito.”
Reaksyon naman ni Sicat-Cleto ang isyu ay “anyo ng karahasang pangkamalayan. Hindi tayo dapat kampante na tinatanggap lamang ito.”
Mariin namang tinutulan ni Atienza ang pagbababa sa hayskul ng pagtuturo ng wika at panitikan, dahil ani niya ay “mahalaga ang pagiging hinog ng ating kaisipan na nararating natin sa antas kolehiyo lamang upang maihanda tayong harapin ang hamon ng paggamit ng wika bilang susi sa karunungan at gusi (pot of gold) ng kaalaman.”
Sa perspektiba naman ni Flores tungkol sa bagong kurikulum at sa K to 12, hindi pa handa ang Pilipinas para sa K to 12 at sinabing “Ang balangkas talaga ng trahedya sa akademya ay iyung K to 12 kasi ilang libo ang kulang na guro, mga upuan at kuwarto, at ilang milyong teksbuk ang kulang? Sampung milyon hanggang 15 milyong teksbuk pero tinapatan na naman ng dagdag na tatlong taon. Hindi mo pa nasusukat o naaresto iyung problema ng dating sitwasyon sa basic education.”
Ayon naman kay Guillermo, “hindi tama ang lohika ng CHED” na tanggalin ang pagtuturo ng wika at panitikang Filipino sa kolehiyo kung pagbabatayan ang karanasan ng mga unibersidad sa Indonesia at Malaysia, na karamihan pa nga ay mataas ang university ranking kumpara sa Pilipinas, bilang mga bansang matagal nang nagpapatupad ng K to 12 ngunit patuloy pa ring isinusulong ang pag-aaral ng sariling wika bilang kursong kahingian sa kolehiyo.
Sinuportahan ni San Juan ang pahayag ni Guillermo at binigyang-diin na maging sa Estados Unidos kung saan kinopya ng CHED ang balangkas ng K to 12, “Ang hindi nila sinasabi, iyung K to 12 ng Amerika, pagdating ng college, sa GEC ay required pa rin iyung national language at iyun ay ang Ingles. Sa ibang kaso ay 6 units, sa ibang sitwasyon ay 3 units at sa iba naman ay 9 units pa ang required na English subjects sa Estados Unidos.”
Samantala, nagpahayag din ng suporta si Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers Partylist sa mga guro at sa pagsulong ng wikang Filipino sa tulong ng batas. Hinikayat din niya ang mga guro sa UP na “Huwag bibitiwan at isulong iyung laban para gawing medium of instruction ang Filipino.”
Panawagan naman ni Tinio sa All UP Workers’ Union, “Kailangang ngayon palang ay i-engage na ang UP Administration at alamin na kung ano ang magiging epekto at implikasyon [ng K to 12] sa faculty. I assure you, pinag-uusapan na nila iyan at nagbubuo na sila ng plano kung tayo ay magiging kampante, tayo ay bubulagain na lang niyan sooner rather than later.”
Nagbigay naman ng pangkulturang pagtatanghal si Prop. Roberto Mendoza ng Manila Tytana Colleges.
Bilang pagwawakas ng talakayan, nagbigay ng mensahe si Prop. Vladimeir Gonzales, Ikalawang Tagapangulo ng DFPP.
Ang mga naging tagapagdaloy sa palatuntunan ay ang mga guro ng DFPP na sina Prop. Schedar Jocson at Prop. April Perez.
Bukod sa UP, kabilang sa mga pamantasang lumahok sa talakayan ay ang Ateneo de Manila University, De La Salle University, University of Sto. Tomas, Manila Tytana Colleges, University of Makati, Polytechnic University of the Philippines, Pamantasan ng Lungsod ng Marikina at Pamantasan ng Lungsod ng Pasig. —Images by Nicko de Guzman of “KALASAG”