Notices

Mensahe ng UPD Tsanselor sa isyu ng pagkansela ng pondo ng UP at red-tagging

Ang pananakot na kanselahin ang pondo ng UP ay nanggaling sa maling pagkaunawa na walang ginawa ang UP kundi ang kumalap ng mga komunista. Ang mga naninisi sa UP na pinagmumulan ng mga komunista ay nakalimutang ang UP ay mas maraming naibungang mga siyentista, alagad ng sining, doktor, abogado, diplomatiko at lingkod-bayan.

Ang binabansagan ng mga kritiko ng UP na mga subersibo ay nanggagaling sa di-pagkakontento sa mga kasalukuyang kalakaran, at ang pagnanais ng pagbabago. Ang edukasyon sa UP ay naglalantad sa aming mga mag-aaral ng malawak na hanay ng mga pananaw. Noong panahon na nasa UP sila, ang mga mag-aaral ay natutong mag-isip sa kanilang sarili, maging kritikal sa pag-iisip, mangatwiran, at makilala ang katotohanan sa kasinungalingan, ang tama sa mali.

Alinsunod sa tradisyon ng akademikong Kalayaan, ang UP ay isang ligtas na lugar para sa sibilisado at matatalinong mga diskurso. Ngunit walang lugar sa paghihigpit, pagkapanatiko at red-tagging. Ang red-tagging lalo na ay mapanganib, sapagkat ito ay nakatuon sa mga bansag o tatak kaysa sa diwa at hinihikayat ang intimidasyon at karahasan.

Maging ang maiingay na kritiko ng UP ay tanggap na ipahayag ang kanilang mga kaisipan, ngunit maging handa sila na ipagtanggol ang mga ito sa harap ng komunidad. Ang akademikong kalayaan ay napakahalaga sa buhay ng pag-iisip at sa dalawang tungkulin ng UP bilang tagalikha ng kaalaman at kritikong panlipunan. Gumaganap kami bilang kritikong panlipunan mula sa isang posisyon ng iskolarsyip na batay sa ebidensya at ng moral na tapang o paninindigan. Ang tungkuling ito ay natatanging paglilingkod sa bansa.

Ang pagpili ng mga guro at mag-aaral na ipahayag ang kanilang mga hinaing, punahin ang pamahalaan at manawagan para sa pagbabago ng mga polisiya, ay ang kanilang pangunahin at hindi maipagkakait na karapatan bilang mamamayang Filipino. At kung anuman ang isipin ng isang tao sa kanilang panawagan na ‘tapusin ang semestre,’ hindi ito dapat ipakahulugan na pagtalikod sa edukasyon, ngunit bilang lehitimong pagpapahayag ng kanilang panata sa pagtuturo at pag-aaral, na hindi maikakailang dumanas ng hirap ngayong pandemya at nitong nakaraang paghagupit ng mga bagyo.

Sa mga panawagan ng ilang pangkat na “tapusin na ang semestre ngayon,” kinikilala namin at nauunawaan ang hirap, pagkasiphayo at takot ng ating mga mag-aaral at guro, na dumanas ng malubhang epekto hindi lang ng mga serye ng mga bagyo at pagbaha, kundi maging ang patuloy na epekto ng pandemyang COVID-19 at ang paglipat sa remote learning and teaching. Ito ang dahilan kung bakit naglabas ang Unibersidad ng polisiya sa pagtuturo at pagbibigay ng grado na ginagabayan ng malasakit at kakayahang umangkop, habang ginagampanan namin nang buong husay na matugunan ang mga pangangailangan sa pag-aaral ng aming mga mag-aaral. At ipagpapatuloy namin ang pagtuklas sa mga paraan upang matugunan ang mga umuulit at umuusbong na alalahanin at tumugon sa iba’t ibang pangangailangan at kalagayan ng aming mga guro at mag-aaral.

Kinikilala namin at ipagtatanggol ang karapatan ng aming mga fakulti at mag-aaral na magprotesta, ngunit ang UP, bilang linangan ng mataas na pag-aaral, ay hindi maaaring talikuran ang responsibilidad nito na magturo. Sa panahon ng matinding pangangailangang pang-ekonomiya at kaguluhang pulitikal, higit na kailangan ang Unibersidad—bilang isang lugar kung saan maaari naming hamunin ang mga kaisipan, hasain ang aming mga posisyon, at magkaroon ng kaliwanagan tungkol sa mga isyung panlipunan at politikal na kinakaharap ng ating lipunan. Ito ang misyon ng UP at ipagpapatuloy namin ang gawaing ito.

Masidhi naming ipagtatanggol ang matagal nang kinikilalang tradisyon ng Unibersidad na akademikong kalayaan at kritikal na pag-iisip. Ang ipinagmamalaking kasaysayan ng paglilingkod at aktibismo ng UP ay ipinakita na kaya nating gawin pareho.