Academe

Lunsaran ng SWF-UPD: mga aklat, journal at website

(SET. 5) ̶ Matagumpay na naisagawa ng Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman (SWF-UPD) ang “Lunsaran: Paglulunsad ng 16 na Aklat sa Aklatang Bayan Online, 2 Refereed Journals, Bagong Website ng SWF-UPD at Online Glosari” nitong Lunes, Agosto 31.

Ang online na paglulunsad ay nasaksihan sa Zoom Webinar at Facebook Live.  Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng SWF-UPD ng kanilang Buwan ng Wika 2020 na may temang “Sulong 2020: Wikang Filipino Tungo sa Pagkakaisa, Pagtatanggol at Pagpapagaling ng Bayan.”

Landing page ng Aklatang Bayan Online

Aklatang Bayan Online. Labing-anim na aklat na sinulat ng mga propesor at guro mula sa iba’t ibang unibersidad, isang dating SWF-UPD direktor, dating kinatawan ng isang party-list na naging UPD University Student Council chair, isang grupo ng mga manunulat mula sa Bulacan at isang rebolusyonaryong martir ang inilunsad sa Lunsaran.

Ang mga aklat ay naglalaman ng iba’t ibang porma ng panitikan at tumatalakay ng samu’t saring usapin – may koleksiyon ng mga tulang sumasalamin sa mga nangyayari sa lipunan, kritisismo ng dalawang nagdaang rehimen, metakritisismo, mga kuwento ng mga karaniwang tao, mga karanasan ng mga nagtratrabaho sa ibang bansa, mga bagong kasabihan at alamat, mga pakikibaka para sa karapatang pantao at iba pa.

“Ang Aklatang Bayan ay pagpapalawig, at tamang-tama siya ngayong panahon ng pandemya na makapagdulot tayo ng mga materyales pang-edukasyon, ng resource materials na maaaring gamitin ng mga guro at mag-aaral lalo na sa kanilang pagtuturo sa panahong hindi normal na ‘new normal,’ at sa panahon ng ‘flexible learning,’” ani Prop. Michael Francis C. Andrada, PhD, direktor ng SWF-UPD.

“Layunin ng proyektong Aklatang Bayan Online na lumikha ng mga kaalamang pakikinabangan ng ating mamamayan at bayan. Gayundin ay maibahagi ito sa mas malawak na mambabasa,” paliwanag ni Maria Olivia O. Nueva España, tagapamahalang patnugot ng proyekto.

“May layunin [din] na lagumin ang iba pang wika dito sa Pilipinas. Magandang makatuwang natin ang Department of Linguistics, Department of English and Comparative Literature, Political Science, Anthropology, lahat po ng nagpapayaman, nagpapanatili at nagtatanggol sa gamit ng wikang Filipino,” dagdag ni Andrada.

Ang Aklatang Bayan Online ay nagsimula noong 2018 sa panunungkulan ni Prop. Rommel B. Rodriguez, PhD.

Agos. “Ito ang kauna-unahang refereed journal na monolingguwal sa Filipino para sa mga malikhaing akdang pampanitikan,” sabi ni Andrada, na punong-patnugot ng “Agos.”

Inihalintulad naman ni tagapamahalang patnugot Elfrey Vera Cruz-Paterno ang “Agos” sa pagsusupling.

“Nakakatuwa na halos kasabay ng aking pagbubuntis o pagsusupling ang ‘Agos.’ Maituturing na supling ang bawat akda sa Agos. Walang mang katiyakan sa pagtanggap at pagyakap ng mga supling na ito sa kabila ng nararanasan nating krisis, umaasa tayong kakalingain ito ng lipunan. Lalo na sa mga panahon ngayon, sa kabila ng mga paghamon, hindi dapat maipagkakait ang patuloy na paglikha at pagbangon.”

Ang unang isyu ng “Agos” ay naglalaman ng 10 dagli, 17 tula, tatlong maikling kuwento at apat na sanaysay.

Ang 10 dagli ay sinulat ng mga guro, mag-aaral at manunulat mula sa iba’t ibang unibersidad sa Pilipinas. Samantala, ang 17 tula ay sinulat ng mga guro, mag-aaral, empleyadong nag-aaral, makata, manunulat at isang HR manager.

Ang tatlong maikling kuwento ay iniakda ng isang propesor ng UPD, isang propesor ng UP Los Baños (UPLB) at isang propesor sa UP Rural High School (UPRHS) sa UPLB. Ang apat na sanaysay ay sinulat ng isang guro ng UP Visayas – Miag-ao, isang guro ng UPRHS, isang Pilipino na kasalukuyang nagtuturo sa Algonquin College sa Canada, at isang guro ng UPD.

Landing page ng Mga Refereed Journal

Daluyan. Ang lupon ng patnugot ng “Daluyan,” isa sa pinakamatagal na monolinggwal na journal sa Pilipinas at sa UPD ay binubuo nina Prop. Rommel B. Rodriguez, PhD, nakaraang direktor ng SWF-UPD, bilang punong patnugot; Prop. Gerard Concepcion, PhD at Prop. Jem R. Javier bilang mga kawaksing patnugot; at Angelie Mae T. Cezar bilang tagapamahalang patnugot.

Ang “Daluyan” Tomo XXIV Blg. 1-2 (2018) ay nagsimula sa panunungkulan ni Rodriguez at natapos sa panahon ni Andrada.

Sa kanyang paunang pananalita, hinikayat ni Javier ang mga dumalo sa online na Lunsaran na “mag-ambag [ng mga akda] para po lalong lumawak ang pananaliksik gamit ang ating sariling wikang Filipino.”

 “Halos isang taon ding sinala, sinuri at sininop ng mga patnugot ang mahigit 20 artikulo bago umabot sa pitong artikulong nilalaman ng isyung ito,” ani Cezar.

Ang pitong artikulo ay sinulat ng limang propesor mula sa UP Baguio, Tarlac State University, UPD at UPLB, isang propesor mula sa University of Connecticut at Bowling Green State University, at isang mag-aaral sa De La Salle University.

Homepage ng bagong SWF-UPD website

Bagong SWF-UPD website at Online Glosari. Para ma-download ang mga aklat at dalawang refereed journal, nagkaroon ng bagong website ang SWF-UPD, https://swfupdiliman.org dahil ang lumang website ay may mga limitasyon.

Maaaring i-download ang mga aklat at journal matapos ang pagsang-ayon sa Patakaran sa Bukas na Akses (Open Access) kung saan ay kinikilala ang karapatang-ari ng mga institusyon, may-akda at patnugot at dapat ay may akmang banggitin (proper citation) kapag ginamit ang mga akda.

Kasama rin sa bagong website ang isang Online Glosari na may dalawang uri: English-Filipino at Pang-Administrasyon.

Ang online na Lunsaran ay dinaluhan ng mga guro at mag-aaral mula sa pribado at pampublikong paaralan, mula sa elementarya hanggang kolehiyo, at mula sa iba’t ibang lalawigan at lungsod ng Pilipinas (Albay, Bacolod, Bataan, Batangas, Bulacan, Caloocan, Camarines Norte, Capiz, Catanduanes, Cavite, Cotabato, Davao Oriental, Iligan, Laguna, Makati, Manila, Malabon, Marikina, Marinduque, Masbate, Negros Occidental, Negros Oriental, Nueva Ecija, Olongapo, Oriental Mindoro, Pampanga, Pangasinan, Pasay, Pasig, Lungsod Quezon, lalawigan ng Quezon, Rizal, Sultan Kudarat, Tawi-tawi, Zambales, Zamboanga Sibugay) at maging sa Indonesia. (Mga imahe mula sa SWF-UPD website)

  • Share:
Tags: