Campus

Landicho, 81

Larawan mula sa Likhaan: UP Institute of Creative Writing

Pumanaw na si Professor Emeritus Domingo Goan Landicho ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) noong Hulyo 29. Siya ay 81 taong gulang.

Maliban sa pagiging guro sa DFPP ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL), si Landicho ay isang premyadong makata, manunulat, at direktor at aktor sa teatro at pelikula.

Iginawad kay Landicho ang titulong Professor Emeritus noong Setyembre 30, 2004 sa ika-1,186 na pagpupulong ng Lupon ng mga Rehente.

Ayon sa UP Gazette, nagsimula siyang maglingkod sa UP Diliman (UPD) noong Hunyo 29, 1970 bilang “Lecturer in Pilipino and Philippine Institutions, College of Arts and Sciences [CAS]”. Ang CAS ay nahati sa tatlong kolehiyo noong 1983 at isa roon ang KAL. Makalipas ang ilang buwan, itinalaga si Landicho noong Nobyembre 11, 1970 bilang Instructor I sa Pilipino at Panitikan ng Pilipinas. Mula roon ay unti-unti nang tumaas ang antas ni Landicho hanggang siya ay maging Propesor 8 noong Agosto 4, 2004, taon ng kanyang pagreretiro.

Maliban sa pagiging guro ay naging Writer-in-Residence din siya, hindi lang sa UPD kundi pati sa UP Baguio mula noong Abril 1 hanggang Mayo 31, 1976. Naitalaga rin siyang Writer-in-Residence ng De La Salle University mula noong 2010 hanggang 2011.

Binigyang-parangal si Landicho at mga akda niya ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at organisasyon tulad ng Cultural Center of the Philippines (CCP) Balagtas Awards, Carlos Palanca Memorial Awards (Palanca), KADIPAN (Kapisanang Diwa at Panitik) Literary Contest, Catholic Mass Media Awards, Institute of National Language Awards, SEA Write Award at ng International Biographical Centre Cambridge bilang isa sa “2000 Outstanding Writers of the 20th Century”.

Naging pangulo rin siya ng 16th World Congress of Poets 2000 na inorganisa ng United Poets Laureate International, Examiner Responsible for Filipino ng International Baccalaureate Organization sa England, Direktor para sa Asya ng Poet Laureate International, kasapi ng PEN International, honorary member ng International Writers’ Workshop ng University of Iowa, panghabambuhay na kasapi (lifetime member) ng National Press Club of the Philippines, at dating Executive Committee member ng National Commission for Culture and the Arts.

Si Landicho ang may-akda ng mahigit 50 aklat ng mga tula, maikling kuwento, dula, nobela, at iba pa. Ilan sa mga ito ay ang “Himagsik, Mga Nagkagantimpalang Kuwento” (1972), “Paglalakbay, Mga Piling Tulad” (1974), “Niño Engkantado (1979), “Burat ng Kamatayan” (1983), “Alay (Katipunan ng mga Piling Tula)” (1984), “Apoy at Unos (Katipunan ng mga Tulang Popular)” (1993), “Anak ng Lupa” (1995), “Mata ng Apoy” (2003), “Ninoy at Cory: Magkabiyak na Bayani” (2009), at “Pag-ibig sa Mata ng Unos” (2012).

Ang nobela niyang “Bulaklak ng Maynila” ay tumanggap ng Unang Gantimpala sa Palanca noong 1993 at ginawang pelikula na may parehong pamagat noong 1995 sa direksyon ni Joel Lamangan. Gumanap siya bilang si Hortono sa pelikulang “The Year of Living Dangerously” (1982) kasama nina Mel Gibson, Sigourney Weaver at Bembol Roco, sa direksiyon ni Peter Weir.

Binigyang-pugay din ng Dulaang Unibersidad ng Pilipinas (DUP) si Landicho sa pagsulat niya ng tatlong dula para sa DUP – “Toreng Gareng” (1977), “Dapithapon” (1978), at “Elias at Salome (A Musical)” (1997). Naging bahagi rin si Landicho ng mga dulang “Pilosopong Tasyo (Noli Fili)” (1992), “Guro (Ang Pagbabalik ng Madame)” (1992), at “Brother Sammy (Ang Butihing Babae ng Timog)” (1993).

Nagtapos si Landicho ng kursong BA at BS Journalism mula sa Lyceum of the Philippines at ng MA Education mula sa National Teachers College. Kinalaunan ay nagtapos din siya ng Bachelor of Law sa Lyceum. Noong 1994 ay nakamit niya ang PhD in Filipinology mula sa UP kasabay ng paglilingkod niya bilang Writer-in-Residence at propesor sa DFPP, at bilang kawaksing direktor para sa kritisismo sa Institute of Creative Writing.

Naulila ni Landicho ang kabiyak niyang si Prop. Edna May O. Landicho, isa ring manunulat at dating guro sa Department of Speech Communication and Theatre Arts ng KAL, at apat na anak.