Academe

K’wentong bayan mahalaga sa kabataan

De Leon

Mahalaga ang k’wentong bayan sa paghubog ng sangkamalayan ng kabataang Filipino.  Ito ang paksang ipinunto ni Prop. Felipe P. de Leon Jr., dating Tagapangulo ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at kasalukuyang propesor ng Aralin sa Sining sa Kolehiyo ng Arte at Literatura ng UP Diliman (UPD), sa “Sampaksaan sa K’wentong Bayan,” Peb. 23 sa UP NISMED Auditorium.

Ang pangunahing tagapagsalita sa nasabing pagtitipon, tinalakay ni De Leon na ang mga k’wentong bayan at ang iba’t ibang uri nito tulad ng pabula, epiko, kababalaghan at kadiwataan (fairy tales), alamat, mito at alamat lungsod (urban legend) ay maraming naituturo at naitutulong sa paglinang ng katauhan ng isang kabataang Filipino.

Halaga ng k’wentong bayan.  “Maraming gamit ang mga k’wentong bayan para sa mga bata: malinang ang mahusay na pagpapasya, mamulat sa ibang kultura, makapagdulot ng mabuting asal, mapahalagahan ang ibang tradisyon, tumuklas ng ibang pananaw at makaarok sa mga arketipong tunay na bukal ng kabihasnan at kadakilaan,” ani De Leon.

“Malaki ang maitutulong ng k’wentong bayan upang masanay magbasa ang mga bata at mabuksan ang hilig sa kwento,” dagdag pa niya.

Dahil sa ilang ulit nang nagpasalin-salin ang mga k’wentong bayan, ang mga ito ay nabigyan na ng anyo na madaling maunawaan at matandaan ng mga kabataan kung kaya’t madali na sa kanilang kilalanin ang mga tauhan at sundan ang banghay o plot ayon kay De Leon.  “Habang nagpasalin-salin sa maraming henerasyon, ang mga k’wentong bayan ay humuhubog ng pagkatao at tumutulong sa pagbigay pag-asa tungo sa makabuluhang buhay.  Naipaloob sa mga k’wentong bayan ang mga magagandang katangian tulad ng malasakit, pagkamalikhain, pagtitiwala at katapangan gaya ng k’wento ni Bernardo Carpio,” aniya.

Ang alamat ni Bernardo Carpio ay tungkol sa isang higanteng pinaniniwalaang dahilan ng mga lindol.  Maraming salin o bersiyon ang k’wento ni Bernardo Carpio.  Ang pinakatanyag ay isa siyang higante na may lakas na tulad ni Hercules, isang tauhan sa alamat ng mga Griyego.  Pinaniniwalaang ang mga bakas ng higanteng yapak sa bulubundukin ng Montalban, ngayon ay kilala bilang Rodriguez, sa bayan ng Rizal ay mula kay Bernardo Carpio.

Arketipo.  Ayon kay De Leon ang mga arketipong nakapaloob sa mga k’wentong bayan ang nagmumulat sa kamalayan ng mga kabataan ukol sa mabuting asal at tamang pananaw.  Ayon sa kanya, ang arketipo ay isang malakas na udyok mula sa ating lingid na sangkamalayan (collective unconscious) at nakikita natin sa mga panaginip.  Kalimitang natatagpuan ito sa mga alamat at mga mito.

“Ang arketipo ay protype o isang dakilang halimbawa ng pag-iisip o pag-uugali o isang ideya,” saad ni De Leon.

Ang pinakatanyag na arketipo sa kulturang Filipino ay ang mapagkalingang ina.  Ayon kay De Leon sa buong sangkapuluan, napakahusay ng Filipino sa pakikitungo sa mga tao.  Isang dahilan nito ay ang pagiging maka-pamilya ng mga Filipino.  At ang pinakamatibay na sandigan ng relasyon ng pamilya ay ang relasyon ng ina at anak na inilalarawan ng arketipong mapagkalingang ina.

Ang halimbawa ng arketipong ito ay matatagpuan sa mito ukol kay Mebuyen (o Mebuyan) ng mga Bagobo.  Si Mebuyen (o Mebuyan) ay tinaguriang ina ng kabilang-buhay.  Siya ay pinaniniwalaan ng mga Bagobo na indayog ng kapanganakan at kamatayan.  Si Mebuyen (o Mebuyan) ang kumakalinga sa mga sanggol na pumanaw.  Kinakandili niya ang mga sanggol sa kanyang maraming suso hanggang sila ay lumaki.  Sa pagkakataong ito, sila ay uuwi na sa Gimokudan kung saan nila makakapiling ang kanilang mga yumaong kapamilya.

Idinagdag ni De Leon na ito ang dahilan kung bakit higit na naiintindihan ng mga Filipino ang debosyon sa Santo Sepulcro (Dead Christ) o Nazareno kumpara sa Kristo ng Muling Pagkabuhay o Resurrected Christ.  Aniya, ang imahe ng muling pagkabuhay ay hindi masyadong nakaaakit sa mga Filipino dahil ito ay pigura ng ama.  Samantalang ang Nazareno ay maaaring maihambing sa Pieta kung saan makikita ang pagkahabag ng isang ina sa anak.  Ito ay naglalarawan ng arketipo ng mapagkalingang ina, tulad ni Mebuyen (o Mebuyan).

Ang Filipinong pananaw sa lalaki at babae.  Binigyang diin ni De Leon ang isang mahalagang arketipo ng k’wentong bayan ng Pilipinas na nilimot ng panahon: ang pagkakapantay ng lalaki at babae.

“May isa tayong mahalagang arketipo.  Ang arketipong ito ay medyo natabingi, na-distort noong panahon ng Kastila.  Hindi sa atin iyong ‘Si Malakas at si Maganda.’  Ito ay impluwensya ng Kastila.  Hindi equal ang relasyon.  Bagaman maganda (ang babae) hanggang pagpapaganda na lamang sya.  Hindi siya malakas.  At si Malakas, maski hindi siya guwapo basta malakas siya.  Kastila iyan sapagkat ang lahat ng pasibo (passive) ay nakakabit sa babae.  Lahat ng di naga-assert ng sarili ay passive at doon ina-associate sa babae,” paliwanag ni De Leon.

Kanyang isinusulong na dapat malaman ng madla na ang orihinal na arketipo ng mga Filipino ay makikita sa k’wentong bayan na “Si Ka La at si Ka Bay” na binigyang liwanag ni Dr. F. Landa Jocano sa kanyang pananaliksik.  Si Ka La ay kumakatawan sa mga lalaki habang si Ka Bay ay sa mga babae.  Ang salitang “Ka” ay isang katagang nagbibigay-galang sa mga nakatatanda o may katungkulan.

Ayon kay De Leon, makikita sa kulturang Filipino bago pa man sakupin ng mga Kastila ang malakas na arketipong nagpapakita ng pagkakapantay ng lalaki at babae.  Kung minsan, mas mataas ang tungkulin ng mga kababaihan sa mga kalalakihan, patunay na ang mga babaylan.  “Mas malakas pa nga kalimitan ang babae sa pinakikita ng Babaylan at para maging babaylan ang lalaki, kailangan siyang magsuot ng damit pambabae,” aniya.

Pagtuturo ng k’wentong bayan at ang pagkawala ng mitolohiya.  “Maraming arketipo pa ang kumikilos sa ating sangkamalayan.  Nagiging huwaran din ang mga tauhan sa k’wentong bayan sa mabisang pagpapasya.  Lagi silang nahaharap sa mga tunggalian, hidwaan … na nangangailangan ng mabigat na pagpapasya at mabilis na kilos,” sabi ni De Leon.

Ayon sa kanya, mahalaga ang kaalaman sa k’wentong bayan lalo na ang mitolohiya sapagkat “ang mabisang pagpapasya ay nakapaloob sa mga arketipo ng mitolohiya.”  Karamihan sa mga kabataan ngayon ang hindi na bihasa sa mga k’wentong bayan.  Ang pagkawala ng kaalamang ito ang nagbubunsod sa pagkahumaling sa mababaw na kapalit ng arketipo, halimbawa na lamang ay ang pagsanib sa “mala mafiang barkadahan” o gangs.

“Ang barkada ay may pinuno, may boss, may ritwal, may initiation.  Ito ang mga elemento ng mitolohiya.  In other words we long for mythology,” saad ni De Leon.

Pahayag niya, ang mga kwentong mitolohikal ang pinakamalalim na bukal ng kabihasnan at integridad.  Ang mga barkadahan at telenovela ay nakaaakit dahil sa kanilang mga mitolohikal na dating ngunit sila’y mga mababaw na kapalit sa mga tunay na arketipo.

“Ang mga tunay na arketipo ay isinasabuhay tulad nina Mahatma Gandhi, Martin Luther King, Jose Rizal, Heneral (Antonio) Luna o sino mang nalagpasan ang kanilang buhay tungo sa larangang sukdol kagalingan.  Naging dakila sila sapagkat naarok nila ang lingid na sangkamalayan na nagbigay sa kanila ng kakayahang matunghayan nang sabayan ang maramihang takbo ng mga pangyayari at mawari ang kinabukasan batay sa kasalukuyang pagpapasya,” saad ni De Leon.

Paliwanag niya dapat ay itinuturo sa kabataan ang mga aral ng k’wentong bayan sapagkat ang mga ito ay nagtuturo ng mensahe ng paggawa ng mabuti, maging ang aral na ang responsableng pagpapasya ay nagdudulot ng mabuting kahihinatnan.  “Palagay ko ay dapat ganyan ang ating dapat gawin para magkaroon ng pambansang kamalayan hindi iyong panay hiram lamang.”  Naipakita ng k’wentong bayan ang kahalagahan ng mabigat na pagpapasya sa mahihirap na sitwasyon at ang pakikipag-talakayan sa mga bata tungkol sa mga hindi pinag-isipan at minadaling pagpapasya ay nakatutulong sa pagpapasya sa kanilang buhay.

Si De Leon ay naging Tagapangulo ng NCCA ng tatlong termino (1992-1998, 2004-2007, 2011-2016).  Siya ay isang kompositor, iskolar, propesor at administrador pangkultura.  Dahil sa mga naitulong niya sa pag-unlad ng sining at kultura ng Pilipinas, siya ay tumanggap ng iba’t ibang parangal tulad ng National Research Council of the Philippines Achievement Award (2009), Bayani ng Alamat Award mula sa UP Manila (2008) at Gawad Chanselor para sa Gawaing Pang-Ekstensiyon mula sa UPD (2008).

Ang Sampaksaan sa K’wentong Bayan ay bahagi ng “Salaysayan: K’wentong Bayan, Kaalamang Bayan.” Ito ay handog ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya para sa pagdiriwang ng UP Diliman Month 2017, kaalinsabay ng Pambansang Buwan ng Sining.  Nilalayon nito na mailahad ang kasaysayan at kabuluhan ng mga k’wentong bayan at ang kaugnayan ng mga ito sa pagbuo ng pambansang kamalayan.