Animo’y isang munting pista ng isang barangay ang ikatlong pagdiriwang ng Himigsikan sa UP Diliman (Himigsikan) sa taong ito. Sa bukana ng Multipurpose Hall ng UP Diliman (UPD) Kolehiyo ng Sining Biswal, kung saan ginanap ang Himigsikan, ay tumutugtog ang UP ROTC Band ng mga klasiko at awiting bayan na pamilyar sa pandinig ng mga bisita.
Ayon kay Phoebe Mae D. Rostrata, administrative officer ng UPD Opisina ng Pagpapasimuno sa Kultura at mga Sining (Office for Initiatives in Culture and the Arts / OICA), nilayon ng kanilang opisina na maitulad sa isang pista ang huli sa serye ng mga pagdaraos ng Himigsikan, at nakatakda sana itong gawing isang panlabas o outdoor na pagdiriwang.
Dahil sa pabago-bagong panahon, “minabuti na lang ng pamunuan ng OICA na sa isang covered area idaos ang Himigsikan dahil baka biglang umulan,” saad ni Rostrata.
Sa taong ito, idinaos sa iba’t ibang lugar ang Himigsikan bilang bahagi ng UPD Arts and Culture Festival 2024 (ACF 2024). Una itong ginanap sa UP Manila noong Abril 29, sumunod ay sa Bulwagan ng Lungsod Quezon noong Mayo 9, at ang huli ay sa UPD. Ito ay paraan ng paggunita sa ika-75 taon ng paglipat ng Oblation mula Padre Faura sa Maynila patungong Diliman sa Lungsod Quezon.
Ang huli sa serye ng Himigsikan ay muntik nang hindi matuloy. Unang itinakda noong Hulyo 25, kinailangan itong kanselahin dahil sa matinding ulan at baha dulot ng bagyong Carina at hanging habagat. Nang bumuti ang lagay ng panahon ay itinuloy ng OICA ang Himigsikan noong Hulyo 31.
Sa kaniyang mensahe ng gabing iyon, sinabi ni UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II na ang Himigsikan ang pormal na pagsasara ng ACF 2024.
“Madalas, ’pag nasasambit ang mga katagang UP, ang naiisip natin ay ang Oblation, ang Academic Oval, ang mga gusaling nakapalibot dito, ang mga kilos-protesta na nagaganap sa loob nito, at ang mapanuring mga estudyante at kaguruan na miyembro ng pang-akademikong komunidad. Ngunit ang UPD ay higit pa rito… Ang UPD ay kinabibilangan ng mga kawani, manininda, jeepney driver, at mga residente na nagbibigay-serbisyo sa mga estudyante at guro upang sila ay makaabot sa kanilang mga klase sa iba’t ibang gusali, may mabibiling pagkaing magaan sa bulsa, at may matirahan na malapit sa kampus,” saad ni Vistan.
Binigyang-diin ni Vistan na bawat miyembro ng pamayanan ng UPD ay mahalaga. “Sa mga pagtatanghal sa gabing ito, kung saan itinatampok ang mga artista mula sa ating mga pook sa UP campus, makikita natin na lahat tayo ay may kontribusyon o naibabahagi sa buhay ng isa’t isa bilang parte ng komunidad ng UPD. Lahat tayo ay bahagi ng UPD,” kaniyang pagtatapos.
Sa pagbubukas ng palatuntunan, unang nagtanghal ang AOG Girls na sumayaw sa saliw ng tugtog na Pantropiko ng grupong Bini, sinundan ito ng mga mensahe mula kina Vistan at Lawrence V. Mappala, kapitan ng Barangay UP Campus, na kinatawan ni Melody Baltazar-Villegas.
Matapos ang mga pambungad na mensahe, umawit naman ang aktres na si Natasha Cabrera ng Magkaugnay ni Joey Ayala. Ito ay sinundan ng mensahe ni Trishia Gaddi, ang pinuno ng mga kabataan mula sa Parish of the Holy Sacrifice, at ng pag-awit ni Chevy Miaque ng Mayonaka no Door / Stay With Me ni Miki Matsubara at Buwan ni Juan Karlos. Sumunod ang pagtatanghal ng isang sayaw ng Athletes of God Dance Group sa saliw ng PPop medley na Gigil ng BGYO, Gento ng SB19, at Salamin at Karera ng Bini.
Natunghayan din ang unang pagpapalabas ng dokumentaryong Ang/Mga Komunidad sa UP Diliman na gawa ng OICA. Ayon kay Direktor Monica Fides Amada W. Santos ng OICA, layon ng dokumentaryo na maipakita ang buong mundo ng UPD.
“Ang buhay sa loob ng UP campus ay hindi nagsisimula sa enrolment at tumitigil pagkatapos ng graduation. Maraming kaganapang nangyayari sa loob ng UPD na lingid sa kaalaman ng nakararami. Ito ang gusto sana naming maipakita sa gabing ito,” ani Santos.
Kaniya ring binanggit na ipinakikita ng dokumentaryo “ang buhay noon at ang estado ng buhay ngayon para sa iba’t ibang miyembo ng ating komunidad.”
Hindi lamang ang dokyu ang naging kapana-panabik noong gabing iyon. Tulad ng isang pista, naging kapana-panabik din ang sorpresang pa-raffle na inihanda ng OICA. Dahil sa walang raffle ticket na ipinamahagi, ang mga dumalong bisita lamang na sumulat sa registration form ang mga kalahok sa pa-raffle. Tunay na inabangan ng lahat ang pagtawag ng mga pangalan na katapat ay mga numero sa registration form. Ang mga nanalo ay napili sa pamamagitan ng pag-ikot ng birtwal na roleta. Sampung OICA tumblers at limang tig-10 kilong sako ng bigas ang mga premyo sa raffle.
Sa pagtatapos, pinasalamatan ni Santos ang lahat ng mga dumalo at mga kabahaging opisina at mga indibidwal sa pagdiriwang ng Himigsikan, lalo’t higit ng ACF 2024. Kabilang dito sina Tagapamahalang Opisyal Mark Louie Lugue ng UPD Bulwagan ng Dangal at Sir Anril P. Tiatco, PhD, direktor pang-artistiko ng ACF 2024.
Ilan sa mga naging panauhin ng Himigsikan ay sina Pambansang Alagad ng Sining sa Musika Ramon P. Santos at Quezon City Tourism External Affairs Officer Maria Teresa A. Tirona.
Ang Himigsikan ay pinadaloy nina Ara Dayrit at Paris Acedo, alumni ng UPD.