Students

Gumagalang: Ika-115 Pangkalahatang Pagtatapos ng UP Diliman

Sa Ika-115 Pangkalahatang Pagtatapos sa UP Diliman (UPD), ipagdiriwang ng Unibersidad ang akademikong tagumpay ng mahigit 5,000 magsisipagtapos na mag-aaral ng UPD.

Ang seremonya ng pangkalahatang pagtatapos ay idaraos sa Hulyo 5, Linggo, 7 ng umaga, sa Ampiteatro ng Unibersidad.

Ang temang Gumagalang ng pangkalahatang pagtatapos ay mula sa ideya na ang “pundasyon ng isang lipunang tunay na pantay at mapagkalinga ay nakasalalay sa pagkabukas ng isip at saloobin ng kanyang mamamayan at pamunuan sa iba’t ibang mga tradisyon ng kaalaman,” ayon sa Komite ng Pangkalahatang Pagtatapos.

Kaugnay nito, ang mga magsisipagtapos ay itinuturing na mapalad sapagkat sila ay nabigyan ng Unibersidad ng “pagkakataong magalugad at isaloob ang mga kaalamang ito at aktibong masaksihan ang tagisan ng mga pananaw” mula sa komunidad na kanilang kinabibilangan.

Mapapanood din ang seremonya nang live sa UPD website (https://upd.edu.ph/gumagalang-ika-115-pangkalahatang-pagtatapos-ng-up-diliman/) at YouTube channel (https://www.youtube.com/live/3jMNTqBkvKA).

Ngayong taon, ang panauhing tagapagsalita ay si Conchita Carpio-Morales, isang abogado, dating Ombudsman, at dating kasangguning mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng Republika ng Pilipinas.

Siya ay naglingkod bilang Ombudsman mula 2011 hanggang 2018 at naging kasangguning mahistrado mula 2002 hanggang 2011.

Si Carpio-Morales ay nagtapos sa UP ng Batsilyer sa Arte (Ekonomiks) noong 1964 at Batsilyer sa Batas noong 1968. Siya ay ginawaran ng Doktorado sa Batas, honoris causa, ng UP noong 2016. Isa rin siya sa mga nakatanggap ng Ramon Magsaysay Award noong 2016. Kinilala rin siya bilang Tatler’s Most Influential Philippines noong 2025.

Samantala, ang naatasang magbigay ng mensahe bilang kinatawan ng mga magsisipagtapos ay si Janine Sofia Marie Umiten. Siya ay magtatapos ng kursong Batsilyer sa Agham sa Gawaing Panlipunan, summa cum laude, mula sa Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan.

Ayon sa datos na ipinadala ng Opisina ng Rehistrador ng Unibersidad noong Hulyo 2, 154 ang magsisipagtapos na summa cum laude, 927 magna cum laude, at 914 na cum laude.

Ang summa cum laude ang pinakamataas na karangalang iginagawad ng Unibersidad sa mga magsisipagtapos na may WAG na 1.20 o higit pa.

Para sa mga karagdagang impormasyon at mga pabatid, bisitahin lamang ang opisyal na website (www.upd.edu.ph) at mga social media page (Facebook, X, at Instagram) ng UPD.


Programa

Commencement Guide

Academic Recognition Rites

Beyond the Sablay: Stories of Honor and Excellence From UP Diliman’s Summa Cum Laudes 2026

Mensahe ng Panauhing Tagapagsalita

Pambungad na Pagbati ng UPD Tsanselor

Mensahe ng Kinatawan ng mga Nagsipagtapos

Pabatid Trapiko

Mga Larawan

  • Share: