(ABR. 25)—Idinaos noong Abril 19 ang Pagpapatibay ni Dr. Grace R. Gorospe-Jamon bilang ika-9 na direktor ng UP Diliman Extension Programs sa Pampanga at Olongapo, sa mismong kampus ng UP Diliman Extension Program in Pampanga (UPDEPP) sa Clark Freeport, Mabalacat, Pampanga.
Si Gorospe-Jamon ay propesor ng agham pampulitika sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (CSSP) sa UP Diliman. Inaprubahan ng Lupon ng mga Rehente ng UP sa ika-1313 nitong pagpupulong noong Disyembre 11, 2015, ang kanyang pagkakatalaga bilang direktor ng UPDEPP at Olongapo. Opisyal siyang nanungkulan bilang direktor noong Enero 1 ng taong ito at mananatili hanggang Disyembre 31, 2018.
Para kay Gorospe-Jamon, hindi naging madali ang kanyang desisyon na tanggapin ang hamon bilang direktor ng dalawang programang ekstensiyon ng Diliman sapagkat batid niya ang mga hirap na pinagdaanan ng UPDEPP mula pa noong pagputok ng bulkang Pinatubo, sa ilang beses na paglipat ng “tirahan” ng yunit hanggang sa paghahanap ng pondo upang maipatayo ang mga gusali sa kasalukuyang kampus.
Kinilala niya ang mga taong humimok sa kanya na tanggapin ang posisyon tulad ng mga miyembro ng fakulti ng UPDEPP at Olongapo. Binigyang pugay din niya ang dalawang gumaganap na direktor ng UPDEPP na kanyang sinundan, sina Dr. Julieta C. Mallari at Dr. Florencia Charito I. Sebastian. Para kay Gorospe-Jamon kahanga-hanga ang mga sakripisyo at pagsusumikap ng dalawang administrador na ito upang mapanatili at maitaguyod ang UPDEPP at Olongapo. Nagpasalamat din siya sa mga katuwang ng kampus at sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Pampanga.
Ipinangako ng bagong talagang direktor na ipagpapatuloy niya ang mga nasimulang proyekto para sa kampus at isusulong ang mga bagong plano para rito, isa na rito ang pagpapaigting ng ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Mabalacat, Pampanga, sa abot ng kanyang makakaya. Nasabi rin ni Gorospe-Jamon na panghahawakan lamang niya ang posisyon ng isang termino at hindi na lalagpas dito.
Para sa kanyang mensahe, naibahagi ni Dr. Michael L. Tan, Tsanselor ng UP Diliman, na sabay nilang kinapanayam ni Pangulong Alfredo E. Pascual si Gorospe-Jamon ukol sa intensyon nito para sa UP yunit sa Pampanga at Olongapo. Idinagdag din ng tsanselor na inaasahan niya na darating ang panahon na hindi na tatawaging UPDEPP ang yunit sa Pampanga kundi “UP in Central Luzon.”
Bahagi rin ng Pagpapatibay ang pagharap sa UPDEPP ng bagong Executive Committee: Prof. Ana Marie C. Alfelor-De Jesus (Deputy Director), Prof. Rosanne Marie G. Echivarre (Program Secretary and Graduate Program Coordinator), Prof. Marcial V. Bermudo (Business Management Program Coordinator), Prof. Manuel Gerardo M. Duran (Business Economics Program Coordinator) at Prof. Cristabel F. Tiangco (Applied Psychology Program Coordinator). Kabilang din sa palatuntunan ang mga bilang musikal nina Prop. Solaiman Jamisolamin ng Kolehiyo ng Musika ng UP Diliman at Liana Chase Salazar ng Department of Speech Communication and Theatre Arts kasama ang UP Filipiniana Dance Group. Ang palatuntunan ay pinadaloy ni Stephen Karl Y. Quizon ng Kolehiyo ng Arte at Literatura.