“Sa panahon ng disimpormasyon, padayon tayo sa paghahanap, pagsasalin, at pagtatanggol sa katotohanan,” pahayag ni UP Diliman (UPD) Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II.
Ipinaliwanag ng tsanselor na “hindi lamang problema ng teknolohiya ang disimpormasyon; problema rin ito ng wika. Marunong magsalita ang kasinungalingan. Hindi totoo na ang kasinungalingan ay laging nahahalatang kasinungalingan. Minsan ay mahusay magsalita ang kasinungalingan. May mahusay na gramatika, may litrato, may logo, may statistics, may itsura ang nagsasalita, may ayon sa mga eksperto.”

Ang mga katagang ito ay binanggit ni Vistan sa Paglulunsad at Paggawad 2026 ng Sentro ng Wikang Filipino–UPD (SWF-UPD).
Ang palatuntunan, na may temang Padayon, Wikang Filipino: Wika ng Katotohanan sa Panahon ng Disimpormasyon, ay tumalakay sa kabuluhan ng wikang Filipino bilang katuwang sa panlaban sa mga disimpormasyon sa lipunan.
Mahalaga para kay Vistan ang pagkilatis sa wika at isaalang-alang ang dahilan bakit ito paniniwalaan.
“Ang wika ay hindi lamang sisidlan ng impormasyon. Kasangkapan ito sa pagsusuri ng impormasyon. Hindi sapat na tangkilikin natin ang Filipino. Kailangan nating palawakin ang kakayahan nitong magpaliwanag. Ang tunay na intelektuwalisasyon ay ang pagpapaunlad sa Filipino upang maging sapat, mahusay, at natural na wika ng paglikha at pagpapalaganap ng kaalaman,” aniya.
Para naman kay Direktor Will P. Ortiz ng SWF-UPD, “hindi tayo dapat maligaw. Malinaw ang layunin ng ating hanay—pagtataguyod ng wikang Filipino bilang wika ng katotohanan sa panahon ng kasinungalingan, sa panahon ng fake news, sa panahon ng disimpormasyon.”

Samantala, ipinaalala naman ni Katherine Tolentino-Jayme, pangkalahatang tagapamahala ng Buwan ng Wika 2026, ang gampanin ng wika at ng mga kasapi ng komunidad ng UPD.
“Muli nating ipinakita na makapangyarihan at mahalaga ang Filipino sa pag-unawa sa ating lipunan. Ang tema natin ay paalala na sa panahong mabilis kumalat ang impormasyon at maling impormasyon, mahalaga ang wika—matutong magtanong, magsuri, at kumilala sa katotohanan. Ang pagtataguyod ng Filipino ay hindi lamang gawain ng isang tanggapan. Mahalagang gampanin ito ng bawat isa sa atin,” ani Tolentino-Jayme.

Ang Paglulunsad at Paggawad 2026 ay isa ring pagkilala ng SWF-UPD sa mga indibidwal at yunit ng UPD na naging katuwang sa pagtataguyod ng Filipino, hindi lang bilang wikang pambansa kundi wikang makatutulong upang sugpuin ang mga kumakalat na kasinungalingan.
Ang unang kinilala sa palatuntunan ay si Andrei Clyde Chua Arellano. Tinanggap niya ang Gawad SWF 2026 Natatanging Ambag sa Filipino Bilang Wika ng Matematika para sa kaniyang di-gradwadong tesis na Isang Computational na Pagsusuri sa mga Heuristic nina Cohen at Lenstra para sa mga Quadratic Number Field. Nagtapos si Arellano ng Bachelor of Science in Mathematics mula sa Linangan ng Matematika.

Pinarangalan naman si Christine Marie L. Magpile, mananaliksik sa Unibersidad sa UP Law Institute of International Legal Studies, bilang Gawad SWF 2026 Natatanging REPS [research, extension, and professional staff] na Tagapagtangkilik ng Wikang Filipino. Tumanggap siya ng medalya, plake, sertipiko, at PHP15,000 gantimpalang salapi.
Ipinagkaloob naman ang Gawad SWF 2026 Natatanging Proyekto sa Filipino sa UPD Kolehiyo ng Ekonomiyang Pantahanan na Technical Working Group ng EDCOM II (The Second Congressional Commission on Education) para sa Nutrisyon at Pangangailangang Nutrisyonal. Tumanggap ang kolehiyo ng plake, sertipiko, at PHP30,000 gantimpalang salapi.

Panghuling pinarangalan ang UPD Psychosocial Services (PsycServ), bilang Gawad SWF 2026 Natatanging Yunit na Tagapagtaguyod ng Wikang Filipino. Tumanggap ang PsycServ ng plake, sertipiko, at PHP60,000 gantimpalang salapi.

Inilunsad din sa palatuntunan ang mga bagong isyu ng Daluyan Journal: Journal ng Wikang Filipino (Daluyan) at Agos: Refereed Journal ng Malikhaing Akdang Pampanitikan (Agos).
Mababasa ang Daluyan, Tomo XXXI, 2025 sa https://sentrofilipino.upd.edu.ph/…/Daluyan_31_layout…. at ang Agos, Tomo VII, 2026 sa https://sentrofilipino.upd.edu.ph/wp-content/uploads/2026/04/Agos_Tomo-VII_2026.pdf.
Pinasalamatan ng SWF-UPD ang mga Komite sa Wika na nagbahagi ng mga terminong ginagamit sa kani-kanilang kolehiyo o disiplina para sa programang SWF Konseptong Filipino: Terminolohiyang Filipino sa Iba’t Ibang Disiplina; ang mga yunit at indibidwal na sumuporta sa Handog-Dunong at Saliksikang Filipino Language Resource Center; at sa mga nakibahagi sa SWF-UPD Programang Internship.

Nanawagan din ang SWF-UPD ng pagsuporta para sa mga proyektong Aklatang Bayan Online sa pamamahala ni Nalla E. Avena; Glosari ng Aklatang Bayan para sa mga akademiko at administratibong yunit ng UPD sa pamamahala ni Elfrey Vera Cruz-Paterno; Gawad Saliksik-Wika para sa mga guro at mananaliksik mula sa REPS ng UPD; at Gawad Teksbuk na naglalayong suportahan ang mga bumuo ng mga aklat sa wikang Filipino mula sa iba’t ibang disiplina tungo sa patuloy na intelektuwalisasyon ng wikang pambansa.