Noong Pebrero 7, nagsama-sama ang mahigit 100 mga guro, kawani, research, extension, and professional staff (REPS), at mag-aaral ng UP Diliman (UPD) Kolehiyo ng Arte at Literatura (College of Arts and Letters / CAL) sa isang lakad-protesta sa ilang bahagi ng Academic Oval para ipanawagan ang kanilang pangangailangan sa espasyo.
![](https://upd.edu.ph/wp-content/uploads/2025/02/image-5.png)
Tinawag na Parada ng mga Haragan (Parada) ang protestang pambungad na gawain ng KALbaryo: Festival of Inconveniences, ang isang buwang pagdiriwang ng CAL na nakatuon sa pag-alala sa pagkasunog ng Faculty Center noong 1 Abril 2016 at sa halos siyam na taong kawalan ng tahanan ng CAL.
Ayon sa Tagalog.com, ang matandang Tagalog na salitang haragan ay nangangahulugan ng “isang taong mahilig gumala nang walang tiyak na patutunguhan at kilala sa pagiging pilyo at pasaway; madalas lumabag sa mga inaasahang ugali sa lipunan.”
Mula simula ng paglalakad sa AS Steps sa Bulwagang Palma hanggang sa mismong palatuntunan sa Bulwagang Quezon, iisa ang pangunahing sigaw ng mga lumahok sa Parada: Espasyo sa Pamantasan, magde-dekada na ang laban!
![](https://upd.edu.ph/wp-content/uploads/2025/02/image-6.png)
Sa palatuntunang pinangunahan ng CAL Student Council, nagpahayag ng kani-kanilang saloobin ang mga kasalukuyan at dating opisyal ng Kolehiyo, pati ang ilan nilang kaalyansa.
Sa kanyang pambungad na pananalita, ibinahagi ni Jimmuel C. Naval, PhD, kasalukuyang dekano ng CAL, ang natanggap niyang balita mula sa administrasyon ng UPD.
“Tinatanggap natin ang pagpupursigi ng administrasyon. Binigyan tayo ng building, bagamat mabagal ang pagpapatayo ng gusaling ito. At may ibinigay pa sa ating espasyo pero hindi tayo natutuwa agad-agad dahil marami na ang nawala sa atin…. Napakahalaga ng sining, ng arte at literature sa buhay ng isang tao,” ani Naval.
![](https://upd.edu.ph/wp-content/uploads/2025/02/image-7.png)
“May pinapa-announce sila [administrasyon] na positibo para sa ating espasyo. Na puwede na nating matamasa sa unang semestre ng taong ito [Akademikong Taon 2025-2026]. Ito iyong ipinaglaban natin last year sa University Council. In-adopt ang ating statement tungkol sa pag-okupa sa Faculty Commons. Pero hindi dapat matuwa kaagad. Dapat makatuntong muna tayo, mapasok natin, doon pa lang tayo magsasaya. Hindi puwede iyong pangako lamang ng pangako,” paalala ni Naval.
Ipinaliwanag naman ni Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario ang kasaysayan ng kawalan ng tirahan ng CAL.
![](https://upd.edu.ph/wp-content/uploads/2025/02/image-8.png)
“Kasi noong hatiin ang College of Arts and Sciences [noong 1983], tatlo ang naging hati. Iyong CAL, nawalan ng tirahan. Iyong Palma Hall kasi ay ginawa para sa Social Sciences and Philosophy. Ang sciences ay may sari-sarili ng building,” sabi ni Almario, professor emeritus at dating dekano ng CAL.
“Ngunit ang humanities, ang liberal arts, kung tutuusin, na kinabibilangan natin, ang arts and letters, hanggang ngayon, tayo ay naghahanap ng ating tirahan. Ang tingin sa atin kasi dito sa UP, baryotik. May discrimination dito at tayo ang biktima ng ganoong discrimination. Sa mga disiplina dito sa UP, sciences ang binibigyan ng pabor, ang humanities ay nawawalan ng pabor. Samantalang kung tutuusin, lahat sila nagmumula sa humanities,” dagdag na paliwanag ni Almario, isang professor emeritus ng UPD at dating dekano ng CAL (2003-2009).
Inuugnay naman ni Flora Elena R. Mirano, professor emerita at dating dekana ng CAL (2009-2015), ang salitang kalbaryo sa biblikal na sangguni nito, na may kinalaman sa paghihirap ng mga tao.
“Ilan sa inyo ang nagpe-perform sa mga intermission ng lahat ng mga programa nitong Unibersidad na ito? Kung saan-saan kayo pinaghahatak, sinasakay sa bus, dinadala kung saang venue… It says [in Psalm 137], ‘They told us to entertain them. Sing us a song about Zion.’ Naisip ko, let us hang up our harps when they asked us to sing a song about Zion. Of course, tayo-tayo we will sing. We will sing many songs. Sad songs, angry songs, fighting songs. But that is what we will use. Those are the songs we should sing,” malungkot na pahayag ni Mirano.
![](https://upd.edu.ph/wp-content/uploads/2025/02/image-9.png)
“Nakakalungkot, ano, para tayong evacuees sa sarili nating pamantasan kaya ang panawagan natin sa ating Chancellor at UP President, tapusin na ang CAL Building…. Sa taas ng ranking, walang building. Gusto nila nandoon tayo sa top 100 pero kulang ang suporta,” sabi ni Amihan L. Bonifacio-Ramolete, dekana ng CAL mula 2015 hanggang 2021.
![](https://upd.edu.ph/wp-content/uploads/2025/02/image-10.png)
Ibinahagi rin ni Sofia Guillermo, tagapangulo ng Departamento ng Araling Sining, ang hirap ng mga guro sa pagganap ng kanilang mga tungkulin tulad ng dami ng mga seksiyon na binuksan para sa Arts 1, isang general elective course sa UPD na kanilang itinuturo.
“Sa ngayon ay may 80 sections ang Arts 1 na itinuturo ng aming 43 guro. Pagkatapos ng klase ay naghahanap sila ng bababaan ng mga gamit. Tama na ang halos siyam na taon na para tayong mga squatter,” ani Guillermo.
Nagbahagi rin ng kanyang hinaing si Oscar T. Serquiña Jr., PhD, tagapangulo ng Departamento ng Komunikasyong Pasalita at Sining Panteatro.
“Hindi lang ito usapin ng bahay, usapin ito ng trabaho [labor issue] …. Sa siyam na taon ng paghihintay, walang transparency kung ano ba ang maaari nating asahan sa administrasyon. Siguro nga panahon na na ipakita natin na talagang sobra na, tama na, kailangan na nilang mag-commit sa ating lahat at ipakita kung ano ba ang plano ng Unibersidad,” dagdag ni Serquiña.
Nagpahayag din ng suporta si Sarah Elago, kasalukuyang kinatawan ng Kabataan Party-list sa Kongreso na dating kasapi ng Kontemporaryong Gamelang Pilipino (Kontra-GaPi) at UP Repertory Company (UP Rep) at alumna ng UPD.
Ang Kolehiyo ay kasalukuyang may mahigit 300 mga guro, kawani, at REPS, na nagtuturo at nagtratrabaho sa dalawang pavilion sa likod ng Bulwagang Palma at ilang silid sa Acacia Residence Hall. Nagkaroon din ng pagtatanghal ang Kontra-GaPi, UP Rep, at iba pang mga mag-aaral ng CAL. Ang protesta ay bahagi ng UPD Arts and Culture Festival 2025 at pakikiisa sa Pambansang Buwan ng Sining 2025.