Ni Haidee C. Pineda, mga kuha ni Kevin Brandon E. Saure
(SET. 4)— Kaalinsabay sa kanilang ika-40 taon ng Kongreso ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) ay ginawaran ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas (GPAB) para sa Katha sa Filipino si Dr. Eulalio R. Guieb III—isang makata, manunulat at propesor sa UP Diliman (UPD)—noong Agosto 30 sa awditoryum ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla (CMC).
Ang GPAB ay isang taunang parangal na inilunsad noong 1988. Ito ay ipinagkakaloob ng UMPIL sa mga manunulat na Filipino na may pinatunayan at nag-ukol ng buong buhay at lakas sa pagpapaunlad at pagpapalaganap ng panitikan.
Pinarangalan ng UMPIL si Guieb dahil “Sa kaniyang mga kuwentong nagtataglay ng namumukod na tinig sa pagsasalaysay, walang pangingiming naglalarawan ng masasalimuot na tagpo ng kahinaan ng mga tauhan, lalo na ang matatalik na engkuwentro ng magkasuyo o ng magkapamilya, hindi para masadlak sa sentimentalismo kundi magpahayag ng himagsik, sa pamamaraang masining at makalipunan, laban sa isang ordeng nagtataglay ng halagahang mapaniil.”
Si Guieb ay premyadong manunulat na nagtamo ng karangalan sa iba’t ibang prestihiyosong pampanitikang patimpalak tulad ng Don Carlos Palanca Memorial Awards para sa Panitikan kung saan nanalo siya ng pitong beses; ng Gawad CCP (Cultural Center of the Philippines) para sa Literatura at ang Gantimpalang Ani. Ang nabanggit na parangal ay kinilala ang kahusayan ng mga isinulat ni Guieb na iskrip pantelebisyon (teleplay), mga maikling kuwento, malikhaing di-kathang isip (creative non-fiction) at sanaysay.
Siya ay kasalukuyang nagtuturo sa Departamento ng Broadkasting. Simula taong 2012 ay naging punong patnugot ng “Social Science Diliman,” isang pang-internasyonal na refereed journal na inilimbag ng UPD sa pamamagitan ng Opisina ng Bise-Tsanselor para sa Pananaliksik at Pagpapaunlad.
Siya ay nagtapos ng PhD sa Antropolohiya noong 2009 sa McGill University sa Montreal, Quebec, Canada. Nagtapos naman siya sa UPD ng kanyang MA Malikhaing Pagsulat noong taong 2000 at BA Broadcast Communication noong 1983, cum laude.
Bilang praktisyuner sa broadkasting, si Guieb ay nagdirihe ng ilang kabanata ng dramang panradyo na pinamagatang “Pitlag: Kuwento ng Buhay, Isyu ng Bayan” na prinodyus ng Pan-Philippine News and Information Network at inere sa Radio Veritas. Ang naturang dramang panradyo ay nanalo ng bronze medal noong 2002, nakalahok bilang finalist noong 2001 sa New York Festivals at nagwagi bilang “Best Radio Drama Series” noong 2001 sa Catholic Mass Media Awards.
Nakapaglathala siya ng dalawang antolohiya ng maiikling kuwento na pinamagatang “Pamilya (UP Press, 2003) at “Pitada” (Anvil Publishing, Inc., 1994). Karamihan sa kanyang mga malikhaing akda ay napabilang sa ilang mga teksbuk, journal, antolohiya at mga popular na magasin na inilathala ng UP Institute of Creative Writing, UP Press, Ateneo de Manila University Press, De La Salle University Press, Kalikasan Press, Gapas Foundation, ang CCP, C&E Publishers, at marami pang iba. Isa siya sa mga naunang naging miyembro ng KATHA, isang grupo ng mga manunulat ng piksyon sa Filipino. Taong 1997, naging kasapi siya ng UP Creative Writing Center para sa kategoryang piksyon at taong 1998 naman naging kasaping manunulat siya sa ika-18 UP Writer’s Workshop.
Bilang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas para sa Katha sa Filipino ay ipinagkaloob ang tropeo at plake kay (nasa gitna) Dr. Eulalio R. Guieb III noong Agosto 30 nina (mula sa kaliwa) Pambansang Alagad ng Sining Dr. Virgilio S. Almario, ang manlililok ng tropeo na si Manuel Baldemor at ang Pangulo ng UMPIL na si Karina A. Bolasco.
Ang mga pinarangalan ng GPAB ay tumanggap ng kahoy na tropeo na inililok ni Manuel Baldemor at plake bago natapos ang programa ng taunang Kongreso ng mga Manunulat (Writers Congress) na ipinagkaloob nina Pambansang Alagad ng Sining at Tagapangulo ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) Dr. Virgilio S. Almario at ang pangulo ng UMPIL na si Karina A. Bolasco.
Bukod kay Guieb, ang iba pang mga pinarangalan ng GPAB ay sina Lamberto G. Caballos (para sa Katha sa Cebuano), Querubin D. Fernandez Jr. (para sa Tula sa Kapampangan), Steven Patrick C. Fernandez (para sa Dula sa Filipino at Ingles), Luis H. Francia (para sa Tula at Tuluyan sa Ingles), Nilo P. Pamonag (para sa Tula at Katha sa Hiligaynon), Jose Victor Peñaranda (para sa Tula sa Ingles) at Lorenzo G. Tabin (para sa Katha sa Ilokano).
Sa naturang pagtitipon, ang nagbigay ng pambungad at pangwakas na pananalita ay si Dr. Michael M. Coroza ng Ateneo de Manila University (ADMU).
Iniulat naman ni Bolasco ang mga naganap na kumperensiya: ang “Kurit-ken Kurditan” sa Vigan noong Abril 25-27, kung saan ang isa sa mga punong-abala ay ang KWF, at ang “Umpilan sa Iloilo” na ginaganap sa Unibersidad ng San Agustin noong Abril 28.
Ang naging tagapagdaloy ng programa ay si Dr. Victor Emmanuel Carmelo D. Nadera Jr., na propesor sa Kolehiyo ng Arte at Literatura.
Tinalakay naman ni Celina S. Cristobal ang “Talâ Tungkol sa Adrian Cristobal Lecture” at ang siya ring nagpakilala sa tagapaglektura na si Reynaldo C. Ileto na mula sa Australian National University. Ang naging tagapagdaloy ng talakayan ay si John Enrico C. Torralba.
Kabilang naman sa mga naging tagapagsalita sa porum ng mga manunulat sina Dinah Roma ng De La Salle University, Danilo Francisco M. Reyes ng ADMU at Dr. Jose Wendell Capili ng UPD. Ang naging tagapagdaloy naman ng porum ay si Fidel Rillo.