Bilang paglilinaw sa angkop na salitang gagamitin bilang pagtutol sa mga bumabago sa kasaysayan, hindi “revisionism” ang dapat gamitin kundi “negationism.”
Ito ang binigyang linaw ni Professor Emeritus Maria Luisa T. Camagay, PhD ng UP Departamento ng Kasaysayan ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya.
Madalas na ginagamit ng publiko ang salitang “historical revisionism” at ang popular na opinyong naririnig ay ang pagtutol dito.
Ayon kay Camagay sa kanyang panayam, “Ang Dapat Mabatid ng mga Pilipino sa Pag-aaral ng Kasaysayan,” ang “historical revisionism” ay normal na bahagi ng pagsusulat ng kasaysayan.
“Nagkakaroon ng pagrerebisa ng kasaysayan kung may bagong ebidensiyang nadiskubre, kung may bagong interpretasyong lumalabas, at bagong facts,” aniya.
Dagdag dito, ang revisionism ay isang napakahalagang bahagi (essential part) ng proseso ng pag-alam sa kasaysayan.
“Revisionism is an essential part of the process by which history, through the posing of new problems and investigation of new possibilities, enlarges its perspectives and enriches its insights,” paliwanag ni Camagay.
Samantala, taliwas naman sa historical revisionism ang historical negationism na tinatawag ding historical distortion at historical denialism.
“Sa historical negationism o pagbabaluktot ng kasaysayan, may hidden agenda ang nagsusulong nito. At lumilikha pa sila o gumagawa ng bagong ebidensiya (fabrication of evidence or forgery of documents),” ani Camagay.
Saad niya, ang historical negationism ay maituturing na illegitimate form of revisionism.
Sa historical negationism, ang “mananaliksik” ay gumagamit ng mga huwad na dokumento, hindi nagtitiwala o mayroong duda sa mga tunay na dokumento, nagbibigay ng mga mali o di totoong konklusyon, nagmamanipula ng mga datos, at tahasang gumagawa ng maling pagsasalin ng mga teksto.
Isang halimbawa ng historical negationism na isinalaysay ni Camagay ay ang lantarang pagsulat ni David Irving ng kasaysayang itinatanggi ang naganap na Holocaust noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (World War II). Si Irving ay isang manunulat na Briton. Ayon kay Camagay, sinasabi ni Irving sa kanyang mga akda na imbento lamang ang Holocaust.
Ayon kay Irving, ang sistematikong paglipol ng mga Hudio ay walang katotohanan. Noong 1996, sinampahan ng kasong libel ni Irving si Deborah Lipstadt, isang Amerikanang historyador, dahil sa aklat nitong “Denying the Holocaust,” kung saan binatikos si Irving. Natalo si Irving. Noong 2006, inaresto siya sa Austria dahil sa kaniyang pagsasaad na hindi nangyari ang Holocaust.
“Noong 1949, mayroong pinasang batas ang Austria na bawal magsabing walang Holocaust. Ito ang batas na pinagbasehan ng pagparusa kay Irving,” ani Camagay.
Ipinaliwanag ni Camagay na nagkakaroon o hindi maiiwasan ang historical revisionism, “dahil lahat ng interpretasyon sa kasaysayan ay provisional.”
Ito ay dahil sa pagsisikap ng kasaysayan na ilahad ang katotohanan ng nakaraan.
Ayon kay Camagay, iba ang katotohanan na may maliit na titik “k” sa Katotohanan na may malaking titik “K.” Layon ng historyador na mailahad ang katotohanan na may maliit na titik.
“Layon ng historyador na maglahad ng katotohanan at hindi ang Katotohanan. Sa madaling sabi, hindi sinasabi ng historyador na ang kanyang interpretasyon ng nakaraan ay Katotohanang hindi mabubuwag,” saad ni Camagay. “Ang layon niya ay ilahad ang katotohanang bunga ng masinop niyang pagsusuri ng ebidensiya at matibay na batayan ng kanyang mga konklusyon,” dagdag niya.
Aniya, ang pagkakaroon ng iisang Katotohanan hinggil sa nakaraan ay hindi makatutulong sa pag-unawa ng kasaysayan dahil sinusupil nito ang iba pang katotohanan at ikinukubli ang masalimuot na interpretasyon ng nakaraan.
“Dapat nating tanggapin na maraming truth. There is no single, eternal, immutable ‘truth’ about past events and their meaning,” saad ni Camagay. Ang pagwawasto ukol sa pagkakaiba ng historical revisionism at historical negationism ay ilan lamang sa mga nabanggit ni Camagay sa kanyang panayam na natunghayan sa pamamagitan ng Zoom (at naka-livestream din sa Facebook page ng Katipunan sa Kultura at Kasaysayan o KKK) bilang pangunahing webinayam (salitang ginamit ng KKK na ang ibig sabihin ay webinar at panayam) ng KKK na pinamagatang “Ano ang Dapat Mabatid sa Pag-aaral ng Kasaysayan?” Naganap ito noong Pebrero 4, 4 n.h.