Academe

Bagong lunsad: Alpabeto ng Kulturang Filipino

 

(SETYEMBRE 21)— Ang “Alpabeto ng Kulturang Filipino” (AKF), ang kauna-unahang aklat tungkol sa 28 letra ng alpabetong Filipino na itinatampok ang mahahalagang kinatawang kultural at tradisyon ng mga katutubo at modernong Filipino, ay inilunsad noong Setyembre 20 sa Balay Kalinaw sa UP Diliman. 

Inilimbag ng PLL Publishing House (PLLPH), ang AKF ay akda ni Prop. Eugene Y. Evasco, PhD ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) at iginuhit at dinisenyo ni Aaron Asis.  

Sa paglulunsad, kinuwento ni Evasco ang pinagdaanan nila ni Asis upang matagumpay na likhain ang kanilang libro. 

Ayon kay Evasco, ang isa sa mga hamon na kinaharap nila ay ang gawing sopistikado ito at makabuluhan para sa mga batang Filipino. 

Aniya, ilan pa sa mga katangian ng ninais nilang maging kalalabasan ng libro ay madaling gamitin at maintindihan ng mga bata, magaan ang pagkakasulat pero may bigat, at simple ang presentasyon pero kumplikado ang pagkakalikha. 

“Ang librong ito ay isang eksplorasyon at paglalakbay sa makulay at mayamang kultura ng Pilipinas. At sana ay maging daan ito para mas mapahalagahan natin ang kultura,” ani naman ni Asis.

Ayon kay Tristan Albert L. Luczon, publisher ng PLLPH, dalawang taon bago natapos ang libro at dumaan sa maraming deliberasyon lalong-lalo na sa mga salitang pinili upang mapasama sa mga kinatawang kultura at tradisyon. 

Ilan sa mga panauhing dumalo sa paglulunsad ay sina Professor Emeritus Rosario Torres-Yu, PhD; Rep. Arlene D. Brosas ng Gabriela Women’s Party; Prop. Pamela C. Constantino, PhD; Prop. Amihan Bonifacio-Ramolete, PhD, dekana ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, at Prop. Vladimeir B. Gonzales, tagapangulo ng DFPP.

Kasama rin sa mga dumalo ay ang ina ng awtor na si Margarita Y. Evasco at Kristine Conde-Bebis, ang editor at tagasalin sa Ingles ng librong AKF.

“Malaking bagay at napakahalaga ng pagpa-publish ng mga ganitong libro para ma-appreciate ng lahat kung paanong sa araw-araw nating ginagamit iyung lengguwahe at iyung pagpapahalaga natin dito,” ani ni Brosas.

Wika naman ni Torres-Yu “Noong nakita ko ito, tuwang-tuwa ako. Dahil pagkatapos kong magretiro, kami nina Dr. Pam Constantino at iba pang kasama sa departmento, kami po ay naging bahagi ng Filipino Cultural Education Program ng NCCA (National Commission for Culture and the Arts), at isa sa mga gusto naming lumaganap ay ang mahusay na implementasyon ng mother tongue-based language education (MTBLE). Bukod doon, nandiyan din ang sinasabing K to 12 na ginagamit na rin ang MTBLE. At higit sa lahat, balikan n’yo iyung IRR (Implementing Rules and Regulations), talagang sinasabing mga kuwentong pambata ang pinakamahusay na materyal sa pagtuturo sa mga bata sa wika ng tahanan nila. Iyung naiintindihan nila.”

“Nakikita ko rin ang halaga nito dahil hindi lang naman iyung mga bata dito sa Pilipinas, sa mga rehiyon, lahat ng mga bata, iyung mga nasa siyudad, sa mga urbanisado, kundi maging doon sa mga nasa pinakamalalayong lugar sa Pilipinas,” dagdag ni Torres-Yu.

Ang AKF ay mabibili sa halagang P390 at maaaring mabili sa mga museo at sa Kultura ng SM Supermalls ayon sa PLL.  

Para sa iba pang impormasyon, maaaring magpadala ng mensahe sa Facebook Page ng PLL Publishing House sa URL na https://www.facebook.com/PLLPublishing/ o kaya’y tumawag sa (02) 930-9833 o magpadala ng email sa pllpublishinghouse@gmail.com.