Campus

Ang mga babaeng martir ng UPD

Ni Kevin Brandon E. Saure

(March-April) –May limang kinikilalang babaeng martir ang nagmula sa UP Diliman (UPD). Ayon kay Prop. Bernadette Neri, tagapag-ugnay ng UP Diliman Gender Office (UPDGO), sila ay sina Ma. Lorena Barros, Purificacion Pedro, Tanya Domingo, Christine Puche at Recca Monte.

Ipinakilala ni Neri ang mga babaeng martir ng UPD sa pagtitipong Gabi ng Parangal at Pagtatanghal para sa Kababaihan noong Marso 26 sa Quezon Hall Lobby. Ang patitipon ay isa sa mga gawain na idinaos para sa Buwan ng mga Kababaihan nitong Marso.

Anu-ano ang mga katangian ng mga babaeng martir? Ibinibigay ang lahat para sa pag-ibig? Nasasaktan at binubugbog? Isusubo na’t lahat ay ibibigay pa sa iba?

Ganito ang pangkaraniwang paglalarawan sa mga babaeng martir, ani Neri sa isang panayam. “Napakababaw, napakagaan.” Para sa kanya, ang pagiging martir, higit sa lahat, ay usapin ng prinsipyo at paninindigan.

Kababaihang martir: kilalanin. Para kay Neri, ang diwa ng pagiging martir ay ang pagsasakripisyo ng buhay para sa pinaniniwalaan, kadalasan ay para sa relihiyon. Ngunit sa konteksto ng kasaysayan ng Pilipinas, mayroon mga nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng bayan. Kabilang sa mga ito ang mga nabanggit na babaeng mag-aaral ng UPD.

 

Ma. Lorena BarrosSi Barros ay nagtapos ng kursong Batsilyer sa Arte sa Antropolohiya na may karangalang magna cum laude noong 1970. Isang mahusay na manunulat, inorganisa niya ang Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka). Isa siya sa mga kumilos upang labanan ang diktaduryang Marcos. Napaslang siya sa isang engkwentro noong Marso 24, 1975 sa Quezon.

 

Purificacion Pedro

Nagtapos ng kursong Batsilyer sa Agham sa Gawaing Panlipunan noong 1969 si Pedro o mas kilala bilang “Puri.” Isa siya sa mga sumapi sa Anti-Chico Dam Movement noong dekada ‘70 kasama ang mga pangkat-etniko sa Kalinga at Bontoc. Namatay siya  sa Bataan Provincial Hospital noong 1977 habang nasa ilalim ng  detensyong militar.

 

Tanya Domingo

 

Mag-aaral naman sa Kolehiyo ng Sining Biswal si Domingo simula taong 2007. Sa pagkamulat niya sa masalimuot na kondisyon ng mga manggagawa sa ilalim ng rehimeng Arroyo, sumapi siya sa New People’s Army. Gayunpaman, nasawi siya sa isang operasyong militar noong Enero 14, 2010 sa Bulacan.

 

Christine PucheNagtapos ng kursong Batsilyer sa Arte sa Peryodismo noong 1997 si Puche. Kilala rin bilang “Ka Nel,” naging bahagi siya ng Public Information Bureau ng National Democratic Front sa Bicol. Pinakamalaking kontribusyon niya ang pagbabagong-anyo ng rebolusyunaryong midya sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya (videography) at pagsaklaw sa social media. Napaslang siya noong Hulyo 4, 2013.

 

Recca Noelle MonteSi Monte o “Ka Tet” ay kumuha ng kursong Batsilyer ng Agham sa Inhinyeriyang Industriyal noong 1997 at miyembro rin ng organisasyong Alay Sining. Nakiisa siya sa pakikibaka ng mga empleyado ng SM at Philippine Airlines. Kalaunan ay tumungo siya sa Cordillera upang sumapi sa New People’s Army sa edad na 22. Binawian siya ng buhay sa kamay ng mga sundalo noong Setyembre 4, 2014 sa Abra.

Gayunpaman at sa pangkalahatan, “ang mga martir na babae [ay nakikilala lamang dahil sa] kanilang mga asawa at kamag-anak na prominenteng mga lalaki.” Dahil dito, sila ay “napipi” at namatay nang “hindi alam ng mga tao kung ano ang [kanilang] nagawa.”

Sa pagpapakilala sa mga babaeng naisasantabi; sa pagbibigay ng boses sa mga bayaning nag-alay ng talino at buhay para sa kapakanan ng nakararami, ganito nakikita ni Neri ang katuparan ng esensya ng pandaigdigang araw at pambansang buwan ng kababaihan. “Kahit man lang isang araw, isang buwan ng akademikong taon, mabigyan [sana natin] ng tuon yaong mga hindi nabibigyan ng tuon. Pero [dapat ay] hindi matali sa isang araw o buwan lamang ito.”

“Ang pinakamaliit na maaari nating gawin ay ipakilala ang mga kababaihang martir. Ang pinakamainam ay ipagpatuloy.

Buwan ng Kababaihan. Ngayong taon, sumentro ang pagdiriwang ng pandaigdigang araw at pambansang buwan ng kababaihan sa temang Kababaihang Martir ng Kasaysayan. Sa buong buwan ng Marso, nagdaos ang UPDGO ng iba’t ibang programa na naglalayong ipakilala ang mga babaeng martir sa kasaysayan ng Pilipinas.

Nagkaroon ng isang interactive art exhibit sa Faculty Center Galleria 2 mula Marso 16 hanggang 20 tampok ang iba’t ibang obra katulad ng litrato, iskultura, poster at pinta na likha ng mga alagad ng sining mula sa loob at labas ng UPD na naglalayong ipamalas ang buhay ng mga babaeng martir. Isang porum na pinamagatang Kababaihang Martir: Talakayan Hinggil sa Kasaysayan ng Pakikibaka ng Kababaihan sa Pilipinas naman ang idinaos noong Marso 18 sa CM Recto Hall, Bulwagang Rizal. Nagbahagi ng kanilang mga pag-aaral at pagtatasa sina Dr. Maria Bernadette Abrera, tagapangulo ng Departamento ng Kasaysayan, Bb. Francisca Tolentino, tagapagsalita ng BAI Women Indigenous Inc., at Prop. Sarah Raymundo, fakulti sa Center for International Studies at secretary-general ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy.  Bilang kulminasyon, nagtanghal din ng mga sayaw, awit, tula, bidyo at maikling dula ang mga kalahok mula sa loob at labas ng Unibersidad sa Gabi ng Parangal at Pagtatanghal para sa Kababaihan  Katulong ng UPDGO sa pagorganisa ng mga programa ang mga Gender and Development (GAD) Focal Point System ng mga yunit ng Unibersidad.— Mga larawan mula sa UPD Gender Office