Academe

Ang laban ng Filipino bilang wikang pambansa

Matagumpay na nailunsad kamakailan ang aklat na Ang Wikang Pambansa at Amerikanisasyon: Isang Kasaysayan ng Pakikihamok ng Filipino para maging Wikang Pambansa (Ang Wikang Pambansa at Amerikanisasyon) ni Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at university professor emeritus ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (College of Arts and Letters / CAL).

Almario. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Ayon sa post sa Facebook page ng Ateneo University Press ng Ateneo de Manila University (ADMU), ang aklat ni Almario o Rio Alma ay isang “kontrabidang kasaysayan ng Filipinas.”

Pabalat ng bagong aklat ni Almario. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Sa paliwanag ng Ateneo University Press na siyang naglathala ng aklat, “kontrabida dahil sinisipat [nito] ang nagdaang dokumentadong kasaysayang salungat sa salaysay na pinairal ng amerikanisadong pagtanaw sa Filipino bilang wikang pambansa. Naniniwala ang awtor na biktima ng dominado’t amerikanisadong edukasyon ang kamulátang Filipino. Dahil dito, hindi makairal ang nasyonalistang pagtanaw sa kasaysayan. Hindi tuloy nakikíta ang halaga ng isang katutubòng wika para sa Filipinisasyon na pangarap ng mga propagandista ng La Solidaridad at para sa adhikang mapagpalayà ng Himagsikang 1896.”

Sa kaniyang panayam na Mga Aral sa Pag-akda ng Wikang Pambansa, sinabi ni Galileo S. Zafra, PhD na “Matayog ang pangarap ni Rio Alma para sa wikang Filipino.”

Dagdag niya, layunin ni Almario na “hikayatin ang ibang guro sa ibang disiplina na gamitin ang wikang Filipino bilang wikang panturo.”

Si Zafra ay propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ng CAL.

Zafra. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Ibinahagi rin ni Zafra ang naging papel ni Almario sa pagkatatag ng Sanggunian sa Filipino (SANGFIL), isang samahan ng mga pang-akademyang institusyong nagtuturo ng Filipino upang pabilisin ang estandardisasyon ng wika at ang pagpapalaganap nito lalo sa akademya.

“Malakas ang SANGFIL dahil ang mga kasapi nito ay hindi mga indibidwal kundi mga institusyon,” ani Zafra. Ilan sa mga pamantasang kasalukuyang kasapi ng SANGFIL ay ang UP, ADMU, De La Salle University, Far Eastern University, Philippine Normal University, Polytechnic University of the Philippines, at University of Santo Tomas

Si Almario ay dating tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino, direktor ng Sentro ng Wikang Filipino-UPD, at dekano ng CAL.

Jimenez. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO
Jocson. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO
Naval. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO
Guazon. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Ilan sa mga nagbigay-pugay kay Almario sa paglulunsad ng aklat noong Agosto 16 sa UPD Museong Vargas ay sina Pangulo Angelo A. Jimenez ng UP, Dekano Jimmuel C. Naval ng CAL, Tagapangulo Schedar D. Jocson ng DFPP, at Tagapamahala Tessa Maria Guazon ng UPD Museong Vargas.

Samantala, naghandog ng tula si Marayzaya T. Sodbileg ng akda ni Almario na Ang Wika habang naging tagapagpadaloy ng palatuntunan si John Carlo Santos, instruktor at mag-aaral ng MA (araling Pilipino) sa DFPP.

Ang 538-pahinang softbound na aklat ay binubuo ng 10 kabanata, may kapal na 1.5”, laking 6” x 9”, at bigat na 0.8 kg.

Mabibili ang aklat na ito sa halagang P750. Para makakuha ng kopya ng aklat, makipag-ugnayan sa Ateneo University Press o i-click ang https://unipress.ateneo.edu/product/ang-wikang-pambansa-amerikanisasyon-isang-kasaysayan-ng-pakikihamok-ng-filipino-para-maging.

Paghahandog ni Almario (kaliwa) ng aklat kay Jimenez. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO