Campus

ACF 2023 inilunsad sa programa ng pagtataas ng bandila

Matapos ang tatlong taon, muling nagsama-sama ang mga taga-UP Diliman (UPD) upang saksihan ang pagbubukas ng Arts and Culture Festival 2023 (ACF 2023) na may temang Kaloob Mula at Tungo sa Bayan: Artista-Iskolar-Manlilikha (Kaloob).

Ang pagbubukas ng ACF 2023 ay naging bahagi ng seremonya ng pagtataas ng mga bandila ng Pilipinas at ng UP ngayong Pebrero 6 sa Bulwagang Quezon.

“Ang pagwagayway ng mga bandila ngayong umaga ay hudyat ng ating patuloy na pag-usad tungo sa mas mainam na kaayusan. Hudyat ito ng muling pagbubukas ng ating mga opisina at classroom, at pagbabalik ng face-to-face classes sa UPD. Hudyat ng ating tagumpay na lagpasan ang mga pagsubok ng COVID-19 pandemic,” ani Tsanselor Fidel R. Nemenzo.

Nemenzo. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Ang temang Kaloob ay kahanay ng mga salitang handog, ambag, regalo, alay, at pamana, ayon kay Nemenzo.

“Isa itong konsepto na lalong nagpapatingkad sa bayanihan, pakikipagkapuwa, at pakikisama nating mga Pilipino. Napapanahon ang temang Kaloob dahil hindi pa tapos ang pandemya at patuloy pa rin nating binabaybay ang mga pagsubok na dulot nito,” dagdag niya.

Ayon kay Nemenzo, ang Kaloob ay simbolo ng pag-aalay ng talento ng mga artista, iskolar, at manlilikha. “Marapat lang na sa pagdiriwang ng ACF 2023, bigyang-pugay natin ang mga tagumpay na natamo ng ating mga artista-iskolar-manlilikha ng bayan,” aniya.

Sabay ng pagbubukas ng ACF 2023 ang paglulunsad ng programang Pagpapamana ng Katutubong Kaalaman mula sa mga Tagapaghawak ng Kaalamang-Bayan o ang UPD Culture Bearers-in Residence Program na pamamahalaan ng UPD Opisina ng Pagpapasimuno sa Kultura at mga Sining (Office for Initiatives in Culture and the Arts / OICA).

Ayon kay Nemenzo, ito ay bunsod ng obserbasyon ni Pambansang Alagad ng Sining sa Musika Ramon P. Santos na walang mekanismo ang UP upang makapag-anyaya ng mga culture bearer na magtuturo ng kaalamang-bayan o indigenous knowledge sa mga estudyante ng UP.

“Iyong culture bearer ay iyong taong, in a way, kino-consider natin na master o iyong mas may kahusayan sa paglikha ng mga tradisyonal na sining at mga cultural expression. Ito iyong mga taong, in a way, nagre-represent noong puso at kaluluwa ng mga Pilipino. Gayundin, nakaugnay sila doon sa kapaligiran, mga paniniwala ng Asya at ng Pasipiko,” paliwanag Cecilia S. De La Paz, PhD, direktor ng OICA sa ipinalabas na audiovisual presentation (AVP) ukol sa programa.

Sa parehong AVP, sinabi ni Sir Anril P. Tiatco, PhD, tagapangulo ng Departamento ng Komunikasyong Pasalita at Sining Panteatro ng UPD Kolehiyo ng Arte at Literatura, ang obserbasyon ni Santos ang pumukaw sa kaisipan ni Nemenzo upang buuin ang isang komite upang makagawa ng programa kung saan iimbitahan ng UPD ang mga culture bearer na magbabahagi ng kanilang kaalaman sa Unibersidad.

“Ang culture bearer, o culture master, ay mga guro rin ng ating lipunan. Sila ang mga buháy na pambansang yaman. Kaya naman, malaking karangalan sa ating unibersidad ang maimbitahan ang mga culture bearer para magkaloob ng husay, dunong, at karanasan sa ating mga estudyante, guro, mananaliksik, at kawani. Nawa’y maging daan ito para lalo pa nating mapangalagaan ang mga yamang-kultural ng ating bansa tulad ng paghahabi, pagta-tattoo, paglalala, pag-uukit, paglililok, pagtatanghal, pagbigkas ng mga epiko, pagtugtog ng mga tradisyonal na instrumentong pangmusika, pagluluto, paggawa ng alak, pagpreserba ng pagkain, pati paglalayag sa karagatan,” ani Nemenzo.

“Mayroong adhikain ang [UP] Diliman na mapagyaman ang ating mga curriculum na nakabatay din sa kulturang Pilipino. So, bagama’t tayo ay nasa internationalization at mga interdisiplinaryo, dapat nating ma-recognize iyong mga kaalamang-bayang ito na nakabatay sa interdisiplinaryo ring pag-unawa sa ating kultura at kasaysayan,” saad naman ni De La Paz.

Ang executive staff ng Opisina ng Tsanselor kasama ang mga tagapaghawak ng kaalamang-bayan (mula kaliwa): Bise Tsanselor para sa Gawaing Pangkomunidad Luis Maria T. Boot, Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral Louise Jashil R. Sonido, Bise Tsanselor para sa Pagpaplano at Pagpapaunlad Raquel B. Florendo, Direktor ng Opisina ng Impormasyon Jose Carlo G. de Pano, Rehistrador ng Unibersidad Maria Vanessa P. Lusung-Oyzon, Bise Tsanselor para sa Gawaing Akademiko Ma. Theresa T. Payongayong, Tagapaghawak ng Kaalamang-Bayan Lakay Benicio Sokkong, Papások na Pangulo ng Unibersidad Angelo A. Jimenez, Nemenzo, Tagapaghawak ng Kaalamang-Bayan Maria Natividad Ocampo-Castro, De La Paz, Bise Tsanselor para sa Administrasyon Adeline A. Pacia, at Bise Tsanselor para sa Pananaliksik at Pagpapaunlad Gonzalo A. Campoamor II. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO

Ayon kay Tiatco, ang Culture Bearers-in-Residence Program ay hindi lamang ekslusibo para sa mga nasa sining o di kaya ay sa social sciences, ngunit kasama rin dito ang mga nasa agham.

“May mga iilang salik o aspekto ng karunungan na hindi talaga masasagot mismo noong mga epistemolohiya at metodolohiya na ibinibigay sa atin ng pormal na institusyon. Pero kung papasukan natin ito ng moda mula sa indigenous knowledge na tinatawag nga nating katutubong kaalaman, maaari itong maging gabay rin para magkaroon tayo ng mas holistiko, mas malalim na pananaw hinggil sa realidad,” dagdag niya.

Sa pagtatapos ay inanyayahan ni De La Paz ang mga yunit ng UPD na lumahok sa programa.

“Especially, iyong mga kursong naka-anchor sa culture-based education and curriculum na maaari niyong tingnan ang programang ito bilang isang pagpapayaman din ng ating curriculum at syllabus,” aniya. “Mahalaga talagang maranasan nila at mapakinggan ang mga pinagmulan talaga ng puso at diwa ng kultura ng Pilipino,” pagtatapos ni De La Paz.

Samantala, ayon kay Nemenzo, “Magsilbi nawang hugpungan ang programang ito ng mga ideya, karanasan, at gunita upang mapagtagumpayan natin ang pagtataguyod, pangangalaga, at pagpapayaman ng kaalamang-bayan sa Unibersidad tungo sa pagpapainam ng buhay ng sambayanan.”

Ang Kabilin: Paglulunsad ng Programang Pagpapamana ng Katutubong Kaalaman mula sa Tagapaghawak ng Kaalamang-Bayan (Kabilin) at ang pagbubukas ng ACF 2023 ay inorganisa ng OICA para sa Opisina ng Tsanselor.

Ang seremonya ng pagtataas ng bandila, ang mga kaakibat na programa ng pagbubukas ng ACF 2023, at paglulunsad ng Kabilin ay dinaluhan ng mga opisyal ng UPD at UP System, at mga bumubuo ng komunidad ng UPD. Kasama sa mga nagtanghal sa programa sina JP Valad-on at UP ROTC Band at ang UP Filipiniana Dance Group na nagtanghal ng Dugso mula sa Bukidnon, Sakuting mula sa Mountain Province, Subli mula sa Batangas, Lawin-lawin mula sa mga Bagobo, Curacha mula sa Samar-Leyte, at Tinikling mula sa Samar-Leyte mula sa koreograpiya ni Peter Alcedo Jr.

UP Filipiniana Dance Group. Larawang kuha ni Jefferson Villacruz, UPDIO
  • Share: