Campus

ACF 2022, isang pagpupugay sa GomBurZa

Isang daan at limampung taon na ang nakalilipas nang hatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng garote ang tatlong paring Filipino na sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora. Sila ay pinaratangan na naging mga tagapasimuno ng pag-aalsa sa Cavite noong Enero 20, 1872. Kahit na walang matibay na ebidensya laban sa tatlo, minadali ang paglilitis sa kanila, at sila ay hinatulan ng parusang kamatayan sa garote noong Pebrero 15, 1872. Ang mismong paggarote sa GomBurZa ay isinagawa noong Pebrero 17, 1872.

Ang GomBurZa ay kilala bilang mga kritiko sa paghawak sa kapangyarihang relihiyoso ng mga prayle. Isinulong nila ang pamamahala sa mga parokya ng mga sekular na paring Filipino. Ang kamatayan ng GomBurZa ay itinuturing na isang kaganapang lalo pang nagpaigting ng kamalayang Filipino at nasyonalismo.

Bilang napapanahong pagpupugay sa kabayanihan ng GomBurZa, ipagdiriwang ng UP Diliman ang Arts and Culture Festival 2022 (ACF 2022) na may temang “kaMALAYAn: Pamana ng GomBurZa @ 150.”

Tampok sa ACF 2022 ang siyam na pangunahing aktibidad at dalawang iba pang inisyatiba.

Sisimulan ang pagdiriwang ng mga tampok na kaganapan sa Pebrero 21 sa pagdaraos ng “Talastasan sa Kasaysayan Webinar Series: Philippine Nationalism Beyond 1872” na pangangasiwaan ng UP Departamento ng Kasaysayan sa pamumuno ng tagapangulo nitong si Prop. Neil Martial R. Santillan, PhD.

Ang talastasan ay isang serye ng apat na lingguhang webinar na tatalakayin ang mga naganap noong 1872 at mga bagong pag-uusap ukol sa nasyonalismong Filipino.

Ang “Colonialism and Decolonisation: Global Context, Origin and Trajectory of Filipino Nationalism” ang una sa mga webinar. Ito ay gaganapin sa Pebrero 21, 2:30 hanggang 4 n.h. gamit ang Zoom at itatampok bilang tagapagsalita si Floro C. Quibuyen, PhD, founding president ng Research Institute for Sustainable Alternatives.

Susundan ito ng “Imagining the Nation” sa Pebrero 28, 5 n.h. hanggang 6:30 n.g. gamit ang Zoom. Itatampok dito si Nicole CuUnjieng-Aboitiz, PhD, isang research fellow ng University of Cambridge.

“Who is the Nation” naman ang ikatlo sa serye ng webinar. Ito ay magaganap sa Marso 7, 2:30 hanggang 4 n.h. sa pamamagitan ng Zoom at itatampok si Prop. Filomeno V. Aguilar Jr., PhD ng Ateneo de Manila University.

Ang huli sa serye ng “Talastasan sa Kasaysayan” webinar ay ang “Beyond the Nation” sa Marso 14, 2:30 hanggang 4 n.h. gamit ang Zoom at itatampok si Rhodalyn C. Wani-Obias, propesor mula sa UPD.

Ang ikalawang pangunahing aktibidad ng ACF 2022 ay ang “Webinar: Sining at Kamalayang Pilipino” na magaganap sa Pebrero 23, 9 n.u. hanggang 12 n.t. at 2 hanggang 5 n.h. gamit ang Zoom. Mapapanood din ito sa Opisina ng Pagpapasimuno sa Kultura at Mga Sining (UPD-OICA) YouTube channel.

Mga kaganapan sa Arts and Culture Festival 2022. Poster mula sa UPD-OICA

Ang mga panauhing tagapagsalita ng webinar ay mga piling iskolar ng sining sa Filipino na tatalakay sa ugnayan ng sining at kamalayang Filipino. Makakasama sina Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika Ramon Santos, Professor Emeritus Nicanor Tiongson ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, at Prop. Felipe De Leon Jr. ng Departamento ng Aralin sa Sining ng Kolehiyo ng Arte at Literatura.

Ang ikalawang pangunahing aktibidad na ito ay pangangasiwaan ng UPD-OICA sa pamumuno ng direktor nito na si Prop. Cecilia S. De La Paz, PhD.

Sa Marso 2, mula 2 hanggang 5 n.h. ay gaganapin naman ang ikatlong pangunahing aktibidad, ang “UP Diliman Kanlungan Talk Series (Episode 3): Kababaihan, Sining Pilipino, at Komunidad.” Ito ay isang webinar na tatalakay sa ugnayan ng sining sa Filipino, kababaihan, at komunidad bilang usaping kamalayan. Sa pangangasiwa ng UPD-OICA at sa pamumuno nina Maria Loren Rivera at Frances Anna Bacosa, ang webinar ay gagamit ng Zoom at sabay na mapapanood sa UPD-OICA YouTube channel.

Susundan naman ito ng pambansang kumperensiya na “Bagumbayan: Stories of Place and Identity” (National Conference on the 150th Anniversary of the GomBurZa Execution).

Ang dalawang araw na kumperensiya ay gaganapin sa Marso 9 (9 n.u.-5 n.h.) at Marso 10 (8 n.u.-5 n.h.) gamit ang Zoom at sabay na masasaksihan sa Facebook page ng Folklore Studies Program ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (UP CSSP Folklore Studies Program/@UP Folklore Studies Program).

Gamit ang Bagumbayan bilang buháy at aktibong lugar ng isang pambansang sanaysay, kakasangkapanin ng pambansang kumperensiya ang pagbitay sa GomBurZa sa Bagumbayan upang itala at alamin ang mga lugar na pinanghahawakan ng komunidad sa kanilang kolektibong alaala. Aalamin ang iba pang lugar kung saan ang komunidad ay mayroong mga kwentong patuloy na isinasaysay. Ang pambansang kumperensiya ay mula sa pangangasiwa ng UP Folklore Studies Program sa pangunguna ni Prop. Jesus Federico C. Hernandez.

Ang ikalimang pangunahing aktibidad ay ang photo exhibit na “Dark Memories” sa Marso 15 na masasaksihan sa UPD Academic Oval. Ang photo exhibit na ito ay isang photo documentary ni Rick Rocamora kung saan tinitingnan bilang mga bayani ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng Batas Militar.

Sa Marso 18 naman ay itatampok ang isang malikhaing programang ilulunsad sa ika-6 n.g. sa Oblation Plaza. Nilalayon nitong madalumat ang temang kumakatawan sa Buwan ng Sining 2022. Kaakibat nito ang paglulunsad ng sining instalasyong “Atang.” Ang programa ay magsisimula sa pagtatanghal ng rituwal na “atang” ng mga manlilikha. Ipalalabas din dito ang iba’t ibang anyo ng kamalayan, alay, maláy, at laya. Ang mabubuong programa at mga tampok na bidyo sa proyektong ito ay ilalagak sa isang itinalagang bahagi sa website ng UPD-OICA.

Ang malikhaing programa ay isang hybrid/live, pre-recorded, at ila-livestream. Sa mga darating na araw ay ipababatid sa publiko ang gagamiting bagong media para sa livestream. Ito ay pinamumunuan ni Prop. Josefina Estrella ng Departamento ng Komunikasyong Pasalita at Sining Panteatro ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, at direktor ng UP Theater Complex.

Sa Marso 18 din gagawin ang paglulunsad ng birtuwal na eksibit na “Atang, a Sound Prayer.” Gaganapin sa Oblation Plaza at bahagi ng malikhaing programa, ang sining instalasyong “Atang” ay magtatagal hanggang Abril 18.

Ang “atang” ay isang alay o isang pag-aalay na kadalasang isinasagawa ng mga taong naninirahan sa nayon o bukid. Pinaniniwalaan ng mga sinaunang Filipino na ang “atang” ay nagpapahinahon sa mga anito, nagpapagaling ng may sakit, nagbibigay ng kahilingan, at isang paraan ng pagpapasalamat.

Ang instalasyong “Atang, a Sound Prayer” ay binubuo ng dalawang kawayang estruktura, ang Pagoda Mayor at Pagoda Menor. Ang bawat pagoda ay naglalaman ng dalawang instrumentong lumilikha ng tunog. Ang mga ito ay gawa sa ceramic at awtomatikong pinapatunog ng isang nakaprogramang electronic component.

Ito ay proyekto ng mga fakulti ng Kolehiyo ng Sining Biswal na sina Prop. Maria Rita Gudiño, Prop. Dayang Magdalena Nirvana Yraola, PhD, Prop. Abdul Mari Imao Jr., Stanley Yeyey Ruiz, Michael Shivers, at Wilson Lumbao Jr.

Samantala, magkakaroon naman ng paglulunsad ng eksibit sa Marso 21 sa Asian Center (Sentrong Asyano) Museum gamit ang Zoom, ang “Bulwagan ng mga Bayani: Alay, Alaala, at Pagpupugay sa mga Bayani ng Pilipinas.”

Ito ay ang permanenteng pag-eksibit ng 16 na busts ng mga pambansang bayani, kasama ang GomBurZa, sa Hall of Wisdom ng Sentrong Asyano. Ang mga bust ay lilok ni Graciano Nepomuceno, isang bantog na Filipinong eskultor at santero (icon maker). Ang mga bust ay ipinagkaloob sa Sentrong Asyano noong 1981 nina Apolinaria Masangkay, Soledad Borromeo-Buhler, at iba pang tagapagmana ni Heneral Guillermo Masangkay, isa sa mga orihinal na kasapi ng Katipunan.

Ang birtuwal na eksibit ay matutunghayan sa website ng Sentrong Asyano at ang mga bidyo ukol sa launch at eksibit ay maaari ring mapanood sa kanilang YouTube channel.

Ang proyektong ito ay pinangasiwaan ni Prop. Matthew Santamaria, PhD ng Sentrong Asyano.

Panghuli sa mga pangunahing aktibidad ay ang “HIMIGSIKAN sa Jingle Magazine: Malayang Tipaan at Kuwentuhan” na matutunghayan sa Marso 25, 7 n.g. sa UPD-OICA YouTube channel.

Ang Jingle Magazine ang tanyag na songbook/chord book  noong 1970s at 1980s. Ito rin ang naging plataporma para sa mga sumisibol na mga musikero, mang-aawit, kritiko, manunulat, cartoonist, makata, at music fanatic noong mga panahong iyon.

Pagsasamahin sa virtual concert ang ilan sa mga musikero at mga artistang naimpluwensiyahan ng Jingle Magazine at naging dahilan sa pagsilang ng Original Pinoy Music: Joey Ayala, Noel Cabangon, at Paul Galang. Itatampok din ang panayam sa pamilya Guillermo, ang may-ari ng Jingle Magazine, at ang partisipasyon nina Allen Mercado, kolektor at fan ng Jingle Magazine; Dengcoy Miel, ilustrador ng Jingle Magazine; at Eric Guillermo, kapatid ng yumaong Gilbert Guillermo na siyang nagtatag ng Jingle Magazine.

Itatampok din sa ACF 2022 ang iba pang mga inisyatiba ng mga yunit at mga organisasyon ng mga estudyante.

Sa Marso 7, 2 hanggang 5 n.h., gamit ang Zoom at ang Facebook Live ng UP Kolehiyo ng Arkitektura, magkakaroon ng roundtable discussion na pinamagatang “Living in the Philippines: Realizing Identity from Different Disciplinal Perspectives.” Tatalakayin dito ang buhay sa Pilipinas at bibigyang-pansin ang klima, geological conditions, at geographic locations nito, at aalamin kung paano nabubuo ang pagkakakilanlan o identity. Layunin nitong malaman ang intersections at parallels ng mga interes ng iba’t ibang disiplina upang masimulan ang isang multidisciplinary research agenda.

Sa Marso 17, 2 hanggang 4 n.g., itatampok naman ang “Lexicon Unpacked: Alay, Malay, Laya” ng Departamento ng Linggwistiks. Ito ay matutunghayan sa website ng Departamento ng Linggwistiks at sa kanilang Facebook page.

Ang Lexicon Unpacked ay isang serye ng webinar na nakatuon sa malaliman at malawakang pagtalakay sa mga terminolohiyang itinuturing na mahalaga sa kasaysayan at kultura ng pamayanang gumagamit ng mga ito.

Sa unang bahagi ng Lexicon Unpacked, hihimayin ang konseptong malay, alay, at laya mula sa lente ng iba’t ibang lapit ng linggwistiks.

Ang taunang ACF [p1] ay ambag ng Unibersidad sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining (National Arts Month) tuwing Pebrero na itinakda ng Presidential Proclamation 683 noong 1991. Ito ay isang gawain ng Opisina ng Tsanselor ng UPD sa pangangasiwa ng UPD-OICA.—Kasama ang ulat ng UPD-OICA

  • Share:
Tags: