Notices

UPD-Bulletin-2020-27

UPD-Bulletin-2020-27

Ang Barangay UP Campus ay kasalukuyang may 43 kaso ng COVID-19, kung saan may 15 aktibong kaso, 25 gumaling na at tatlong nasawi.

Sa mga aktibong kaso, dalawa ay kawani ng UPD habang ang tatlo ay mga mag-aaral ng UPD.

Responsibilidad natin na panatilihing ligtas ang bawat isa mula sa COVID-19. Mangyari lamang na sumunod sa mga protokol pangkalusugan sa lahat ng oras. Panatilihin ang distansya sa isa’t isa nang hindi bababa sa isang metro, magsuot ng face mask at kung maaari, pati ng face shield, at palaging maghugas ng kamay nang hindi bababa sa 20 segundo.

Bagama’t nauunawaan namin ang pananabik na makasama ang mga kamag-anak at kaibigan, hinihikayat ang lahat na iwasan muna pansamantala ang pakikilahok sa mga panggrupong aktibidad tulad ng mga picnic, pagdiriwang at videoke session dahil ang mga ito ay napatunayan nang super spreaders (o malakas makahawa) na mga aktibidad. Makabubuti pa rin ang manatili sa loob ng tahanan at panatilihin ang kaligtasan ng lahat kaysa lumabas ng tahanan para sa mga hindi mahalagang aktibidad.

Kung kayo ay may mga sintomas kaugnay sa COVID-19 (tulad ng lagnat, pananakit ng katawan, ubo, sipon, paga na lalamunan at hirap sa paghinga) HUWAG MUNANG PUMASOK SA OPISINA O BUMISITA SA KAMPUS NG UPD. Kaagad na tumawag sa inyong lokal na Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) upang ma-swab at ma-monitor, o kumonsulta sa mga doktor sa pinakamalapit na ospital sa inyo.

Pinaaalalahanan na ang ginawang Post-ECQ Guidelines ng UPD COVID-19 Task Force ay patuloy na ipatutupad hanggang Hul. 18.

Babalitaan namin kayo tungkol sa anumang kaganapan sa kampus na may kinalaman sa COVID-19.

Maging ligtas at panatilihing ligtas ang ating sarili, pamilya at mga kasamahan.