Academe

Tanyag-Likha 2019: Panayam at Paglulunsad

(MAY 2)— Ang pagtangkilik sa pelikulang “Avengers: End Game” ay bahagi ng global na komodipikasyon ng desire o pagnanasang laganap sa industriya ng pelikula, ayon kay Prop. Rolando B. Tolentino, PhD, dating dekano ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon (CMC) at kasalukuyang direktor ng Institute of Creative Writing.

Ito ay mula sa kanyang panayam sa palatuntunang “Tanyag-Likha 2019: Panayam at Paglulunsad” na ginanap sa Ishmael Bernal Gallery ng UP Film Institute noong Abr.26. Tinalakay niya ang ideya ng desire o pagnanasa at kung paano ito matutunghayan sa Hollywood at sa relasyon ng Hollywood sa Asian cinemas sa edad ng neoliberalism.

Kamakailan lang ay ipinalabas sa Pilipinas ang pelikulang “Avengers: End Game” ng Marvel Studios kung saan libo-libong Filipino ang pumila sa mga sinehan upang tangkilikin ang naturang pelikula dahilan upang ito ay kumita ng mahigit P200-milyon sa takilya.

Ginawang halimbawa ni Tolentino ang pelikulang ito upang talakayin ang desire na pinapalaganap ng Hollywood sa mga manonood.

Tolentino

“Ang Hollywood lang ang kaisa-isang puwedeng magproduce ng $400-million na klase ng mga pelikula at kikita. May global distribution networks sila, at sa Pilipinas, katulad ng mga natunghayan natin sa lahat ng cinemaplex ay wala tayong ibang mapapanood kundi itong ‘Avengers: End Game’ na ito, which means na kaya nilang i-demand, or as a kind of requirement ay ipalabas ito,” aniya.

Dagdag pa ni Tolentino, “Fair competition ito para sa US dahil puwede naman talagang magcompete ang small indie film. Ipapalabas siya pero walang manonood dahil all eyes, katulad ng interes ninyo, ay nandito sa global commodification ng desire.”

“Ang nangyayari ngayon sa arts katulad ng pelikula at panitikan, is a kind of politicization. Ibig sabihin, kailangang ma-politicize tayo dahil ginagawa nga tayong mangmang. Ginagawa tayong musmos nitong platforms na ito. Hindi tayo nakaka-see through dito sa mga pelikulang tulad ng ‘Avengers: End Game’ na nag-eenjoy tayo pero hindi natin alam na nai-imbibe natin iyung ideological power ng whiteness dito. So, kailangan natin ng political films at collective media at cinema,” ani Tolentino.

Kabilang si Tolentino sa tatlong propesor ng UP Diliman (UPD) mula sa magkakaibang disiplina na nagbahagi ng kanilang ambag na kaalaman tungkol sa ugnayan ng panitikan sa teatro, pelikula at musika para sa “Tanyag-Likha.”

Ang “Tanyag-Likha” ay inorganisa ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) katuwang ang Sentro ng Wikang Filipino bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan 2019 na may temang “Taliba at Salimbayan.”

Ayon kay Prop. Vladimeir B. Gonzales, tagapangulo ng DFPP, ang panayam at paglulunsad ay isang pagkilala rin at pagpupugay sa mga bagong pananaliksik at produksiyong pampanitikan ng mga guro mula sa DFPP at pagsusulong ng panitikan mula sa iba-ibang disiplina.

“Ang mga panayam na bahagi ng programang ito ay nanggaling din sa proyektong aklat na pag-aalay o pagkilala sa ating Professor Emeritus at National Artist na si Dr. Bienvenido Lumbera,” ani Gonzales sa kanyang pambungad na pananalita.

Ayon naman kay Prop. Galileo Zafra, PhD ng DFPP, ang proyektong aklat na ito ay “Antolohiya ng mga pag-aaral, personal na naratibo, malikhaing akda, sining biswal at musika ng mga kapwa propesor at iskolar, mga estudyante, mga nakatrabaho, mga manggagawang pangkultura at iba pang mga naimpluwensiyahan ng mga ideya, pananaw at paninindigan ni Dr. Lumbera.”

“Umaasa kami na sa pamamagitan ng mga panayam na ito ay mabibigyan tayo ng mga halimbawa ng produksiyon ng karunungan na naglilingkod sa bayan na siyang namang laging idinidiin ni Dr. Lumbera,” dagdag ni Zafra.

Bukod kay Tolentino, ang dalawang panauhing tagapagsalita sa naturang panayam ay sina Professor Emeritus Apolonio B. Chua, PhD ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) na kasalukuyang nagtuturo sa DFPP, at Prop. Raul Navarro, PhD, tagapangulo ng Departamento ng Pagkompas at Konhunto ng Kolehiyo ng Musika (CMu). Sila ay pawang mga iskolar sa panitikan, musika, teatro at sining.

Chua

Ang presentasyon ni Chua ay pinamagatang “Pagsalungguhit sa (Nasyonal) Pambansang Tunog at Hulagway sa Espasyo ng Dulaang Rajah Sulayman, Fort Santiago sa Danas ng Philippine Educational Theater Association (PETA) 1967-2005.”

“Layunin ng kasalukuyang sulatin na panimulang silipin at suriin ang mga piling tunog at hulagway, images, imagery na nabuo sa naturang espasyo bunga ng mga produksiyon ng PETA at salungguhitan ang dalumat at karakter ng pambansa, nasyonal, sa mga ito,” ani Chua.

Bilang paglalagom, sinabi ni Chua na “Naging matibay na dalumat ang bansa upang matimon ng isang kompanya ang kanyang sining at silbi sa kanyang manonood at kalakhang kinapapaloobang lipunan. Sa isang makináng na yugto ng panahon, hindi niya tiniwalag ang kakanyahang dalumat na inilatag ng kanyang tagapagtatag at binalikat ng ilang matatapang na aktibista, artista, administrador, tagatangkilik, manonood.”

“Manapang kamalayan ng pag-iral ng naturang dalumat ng nasyonal ng pagkabansa ang naging bukalang hangganan sa kanyang paglikha sa espasyo ng Dulaang Rajah Sulayman sa mga taong 1967 hanggang 2005. Sa espasyo na ito binigyang puwang ang sektor ng manggagawa, magsasaka, guro, kabataan at artista,” dagdag pa niya.

Navarro

Samantala, tinalakay ni Navarro ang musika sa panahon ng Batas Militar sa Pilipinas. Aniya, noong rehimeng Marcos ay ipinagbabawal ang mga di opisyal na diskurso. Ang bawat sambit umano ay kailangang naaayon sa diskurso ng mga pangyayari. Nagkaroon ng paglilinis o censorship sa medya at “ang maaari lang ipalabas, iparinig, ipabasa at pag-usapan ay iyun lamang opisyal at may basbas ng gobyerno.”

“Ayon sa talambuhay ni Imelda (Marcos), ‘while the President governed, she would inspire. The President would build the body; she would provide the soul. He would put up the house and she would furnish it.’ Sa ganitong kaisipan ay hindi nakapagtataka na kahit ibagsak na nila ang pinamahayan ay tinangkang buuing sa isang pantasya bilang Bagong Lipunan kung saan may kasaganaan at kapayaan daw ang lahat,” ani Navarro.

“Gamit ang musika bilang tagabuo at tagapagpakilala ng kamalayan sa Bagong Lipunan, naging kasangkapan at tagapamagitan ito ng mga manlilikha at kompositor sa pagitan ng hukbo ng buhay ng lipunan at buhay na nilikha sa kamalayan ng lipunan bilang isang Bagong Lipunan,” dagdag pa niya.

Paglulunsad. Sa ikalawang bahagi ng programa ay sabay-sabay na inilunsad sa “Tanyag-Likha” ang mga pag-aaral at akdang nalathala ng kaguruan taong 2018 mula sa tatlong palimbagan: ang Sentro ng Wikang Filipino (SWF), University of the Philippines Press (UP Press) at Ateneo de Manila University Press (Ateneo Press).

Ang mga proyektong publikasyon at timpalak ng DFPP ay ipinakilala ni Prop. Rommel B. Rodriguez, PhD, direktor ng SWF.

Ang mga inilimbag ng Sentro ng “Wikang Filipino ay ang Wika at Pasismo: Politika ng Wika at Araling Wika sa Panahon ng Diktadura” ni Prop. Gonzalo Campoamor II, PhD at “Ang Pilipinong Seaman sa Globalisasyon: Mga Naratibo ng Pagsubok at Pakikibaka” ni Prop. Joanne V. Manzano.

Mula naman sa UP Press ay ang “Kolab” nina Prop. U Eliserio, PhD kasama sina Prop. Maynard Manansala, PhD at Prop. Chuckberry Pascual, PhD; “Lab: Mga Dulang Adaptasyon at Iba pang Laro para sa mga Klaseng Panlaboratoryo” ni Prop. Vladimeir B. Gonzales; “Lorena: Isang Tulambuhay” ni Prop. Pauline Mari Hernando, PhD; “Mga Apoy sa Ilaya at Iba Pang Kuwento” ni Prop. Rommel Rodriguez, PhD; at “Si Maria Makiling at ang Alamat ng Animas Anya” ni Prop. Will Ortiz.

At mula naman sa Ateneo Press ay inilunsad ang aklat na “Mga Osipon ni Ana T. Calixto: Paggigiit ng Sadiring Banwa sa Osipon, Maikling Kathang Bikol, 1950-1956” ni Dr. Raniela E. Barbaza.

Si Deidre Morales, instruktor sa DFPP, ang naging tagapagdaloy ng palatuntunan at ang naghandog ng mga natatanging bilang ay sina Brian Arda, Rence Aviles, Miguel Bongato, Maxine Ignacio, Marynor Madamesila at Jude Matthew Servilla. —Haidee C. Pineda, mga kuha ni Jefferson Villacruz

  • Share:
Tags: