(ABR. 1)—Sa kanyang huling taon ng panunungkulan bilang direktor ng Sentro ng Wikang Filipino UP Diliman (SWF-UPD), iniulat ni Prop. Rommel B. Rodriguez, PhD noong Mar. 29 sa Oblation Lounge, University Hotel ang mga nasimulan, natapos at kasalukuyang tinatapos ng yunit na mga proyekto at gawain sa ilalim ng kanyang termino.
Sinimulan ni Rodriguez ang kanyang ulat sa hamon na kinakaharap ng wikang Filipino at ng panitikan ng Pilipinas dahil na rin sa kalalabas na resolusyon ng Korte Suprema hinggil sa paglift ng Temporary Restraining Order na nagtatanggal ng mga kurso sa wikang Filipino at Panitikan bilang mga kahingiang kurso sa General Education (GE) Program sa kolehiyo.
Aniya, ang isa sa mga naging tugon ng UP sa hamong ito ay ang pagbubuo ng Wika 1 o ang Wika, Kultura at Lipunan na UP System General Education na maaaring makuha sa UP Baguio, Visayas, Iloilo, sa Open University at UP Manila, kung saan nagkaroon dito ng partisipasyon ang SWF-UPD kasama ang iba’t ibang kolehiyo.
Ang bagong sabjek na ito ay bahagi rin ng proyekto na tumutugon sa pagpapalakas sa wikang Filipino sa aspekto ng pagtuturo lalo’t ang isa sa mga prayoridad ng SWF-UPD ay “ang paglikha ng mga batayang sanggunian, partikular sa mga kurso sa GE Program ng UPD,” ani Rodriguez.
Bukod dito, “Sa UP, patuloy ang pagsusumikap ng SWF-UPD para maging opisyal na wika sa komunikasyon ang Filipino sa unibersidad at midyum ng pagtuturo sa di-graduwadong antas. Sa ngayon, kailangang matukoy kung tapos na nga ang panahon ng transisyon upang sabihin na dapat boluntaryo na ang paggamit sa wikang Filipino bilang midyum ng pagtuturo sa UP,” ani Rodriguez.
Dagdag pa rito, aniya ay marapat ding ungkatin kung ano na ang inabot ng wikang Filipino sa usapin ng publikasyon at pananaliksik sa UP at sa aspektong ito umano higit na nakatuon ang kanyang tatlong taong pamamahala.
Sa aspekto ng publikasyon, higit na pinalawak ang sakop ng pananaliksik na maaaring ilathala sa pangunguna ng SWF-UPD at ang isang halimbawa nito ay ang “Bungkalan” na isang manwal sa organikong pagsasaka “kung saan iyung mismong magsasaka sa Hacienda Luisita ang nakatuwang namin sa paglathala at pagbuo ng librong ito,” ani Rodriguez.
Isa rin sa mga binanggit na halimbawa ni Rodriguez na mahalagang batayang sanggunian sa usapin ng pananaliksik na proyekto ng SWF-UPD, katuwang si Prop. Chito Angeles ng University Library, ay ang SOS Grant ng Opisina ng Bise-Tsanselor para sa Saliksik at Pagpapaunlad (OVCRD) kung saan kinalap nila ang tesis at disertasyon sa UP na nakasulat sa Filipino at ginawan ng anotasyon. Ang nabuong aklat mula rito ay inilimbag ng SWF-UPD at libre nilang ipinamahagi.
Bilang ayuda naman sa pagpapatibay at pagpapatupad ng Patakarang Pangwika ng UP noong 1989 na “nagtatakda na Filipino ang maging pangunahing midyum ng pagtuturo,”
isa sa mga naging programa ng SWF-UPD sa ilalim ng pamamahala ni Rodriguez ay ang “Aklatang Bayan.”
Ayon kay Rodriguez, ang Aklatang Bayan at Aklatang Bayan Online (2018) ay binuo “para magsulat at maglimbag sa wikang Filipino ang mga aklat sa iba’t ibang disiplina” na may layuning “magbuo at maglathala ng mga teksbuk sa Filipino, tumugon sa kakulangan ng mga akademikong materyal na nasa Filipino, at makapaglathala ng makabuluhan at mahusay na mga teksbuk at babasahing aklat sa Filipino.”
Ilan sa mga nailunsad na aklat ay ang “Dramatikong Pagsulat sa Radyo: Sanayang Aklat” (2018) ni Perlita G. Manalili ng Departamento ng Brodkasting ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon; “Manwal sa Pamamahala ng Basura” (2018) ni Prop. Armando Basug ng UP Integrated School; “Usapang Kanto: Kolumberso ni Koyang” (2018) ni Jess Santiago ng Concerned Artists of the Philippines, at “Glosari sa Paggawa ng Damit” (2016) nina Kristyn T. Caragay, Maria Josephine T. Lumawig at Maria Monica E. Rayala ng Kolehiyo ng Ekonomiyang Pantahanan.
Samantala, ipinagpatuloy rin ng SWF-UPD ang pagsasagawa ng mga porum, seminar at kumperensiya kung saan sila’y nakipag-ugnayan din sa iba’t ibang akademikong yunit, kolehiyo at institusyon sa loob at labas ng UP tulad ng Save the Children (STC), Save Our Schools, at iba pa.
Ibinahagi rin ni Rodriguez na sa ilalim na kanyang panunungkulan ay ipinakilala niya ang “Talasalitaan” na isang regular na talakayan na isinasagawa ng SWF-UPD na nagtatampok ng iba’t ibang paksa o isyu na may kaugnayan sa wikang Filipino mula sa iba’t ibang disiplina.
Ayon kay Rodriguez, simula 2015 noong siya’y umupo bilang direktor ay nakapagsagawa na ng 14 na Talasalitaan ang SWF-UPD kung saan ang katuwang na tagapagtaguyod nila sa gawaing ito ang iba’t ibang kolehiyo na miyembro ng Komite ng Wika.
Para sa kabuuan ng ulat sa unibersidad ng SWF-UPD sa ilalim ng termino ni Rodriguez, makipag-ugnayan lang sa kanilang tanggapan sa (02) 981-8500 lokal 4583, 426-5838 o magpadala ng email sa swf@upd.edu.ph. Maaari rin itong mabasa sa website ng SWF-UPD sa url na http://sentrofilipino.upd.edu.ph/ulat-sa-unibersidad.
Sa ikalawang bahagi ng palatuntunan, inilunsad ng SWF-UPD ang kanilang mga bagong publikasyon.
Ang mga publikasyong ito ay ang “Sino Siya?” ni Wilma Barola Harfilla ng STC; “Tiktak” ni Laarni C. Espirito; “Ang Bayabas sa Tagaytay at iba pang kuwento mula sa kabataan ng Paaralang Lumad” at “Pangiyak: Kuwento at Panawagan ng mga Bayani ng Mindanao” ng Save Our Schools Network; “Wika at Pasismo: Politika ng Wika at Araling Wika sa Panahon ng Diktadura” ni Prop. Gonzalo A. Campoamor II, PhD ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL), at “Sa Madaling Salita: Kasaysayan at Pag-unlad ng Wikang Pambansa” na inedit ni Rodriguez at Prop. Choy S. Pangilinan ng UP Film Institute. —Teksto at mga kuha ni Haidee C. Pineda