Academe

Salita ng Taon 2018

Salita ng Taon: TOKHANG

Halaw sa pinagtiyap na mga salitang Binisaya na toktok (“katok”) at hangyo (“pakiusap”), Tokhang ang mukha ng giyera kontra-droga ng rehimeng Duterte. 

Ang Oplan Tokhang ay isa sa dalawang kampanyang inilunsad ni Ronald “Bato” dela Rosa habang nagsisilbi bilang pinuno ng Davao City Police Office mula Enero 2012 hanggang Hunyo 2016. 

Gaya ng kaniyang banta, pinalawak ni dela Rosa sa pambansang saklaw ang kampanya nang maupo bilang Hepe ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas (Philippine National Police o PNP). 

Kasama ni dela Rosa ang sampung miyembro ng tinaguriang “Davao Boys” na itinalaga sa Station 6, o Batasan Station, ang estasyon ng pulis sa Quezon City Police District na naging sentro ng patayan, ayon sa ulat ng Reuters noong Disyembre 2017. 

Tunay nga, mahigit 2,500 drug suspects na ang napatay sa unang bugso ng Oplan Tokhang noong 2016. Kasama sa mga napatay ang  54 menor-de-edad. Ilang linggo matapos patayin sina Kian Loyd delos Santos, Carl Angelo Arnaiz, at Reynaldo de Guzman, na dagdag sa dose-dosena pang mga pinaslang, pinahinto ang operasyon noong Oktubre 2017 at ipinasa ang kampanya kontra-droga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Kasingkahulugan ng tokhang ang “pagpatay.” Sinabi mismo ni Direktor Heneral Aaron Aquino, hepe ng PDEA, noong Disyembre 2017, na “ang connotation ng Tokhang sa karamihan ng masa is killing. ‘Gusto mong ma-Tokhang ka?’ Ano ba ang ibig sabihin no’n? ‘Gusto mong mamatay ka?’” 

Hiniling ni Aquino na tanggalin na ang katagang “Tokhang” sa kanilang mga operasyon kontra-droga. Ngunit ipinagkibit-balikat lamang ito ni dela Rosa. Nang ibalik niya ang Oplan Tokhang noong Enero 2018, ipinasok niya ang katagang tokhangers bilang bansag sa mga pulis na kasapi ng mga tokhang team, kasabay ng pangakong hindi na gaanong magiging madugo ang mga operasyon.

Gayunman, nagpatuloy ang karahasan sa anino ng tokhang. Ang sino mang nasa drugs watchlist na natokhang ay hindi binisita para pakiusapang sumuko, kundi pinatay sa buy-bust operation man o summary execution. Sa ngalan ng Oplan Tokhang, nagpatuloy ang mga pagpatay sa mga operasyong “One-Time, Big-Time” sa ilalim ng Oplan Lambat-Sibat ng PNP. Lumutang ang katagang palit-ulo.  Ang EJK (extra-judicial killings) ay hindi na lamang para sa mga kaso ng pagpaslang sa mga aktibista, opisyal ng lokal na gobyerno, at mga alagad ng midya, kundi maging sa mga biktima ng Oplan Tokhang.  Noong Disyembre 2017, pinuna ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Assistant General Manager Jojo Garcia ang mga reporter na naglalabas ng negatibong balita patungkol sa ahensiya. “Nasaan na ‘yung 45 ko? Ipa-tokhang natin ‘yan,” bitaw niya.

Higit pang naging normatibo ang turing sa Tokhang. Tokhangable ang bansag sa mga taong payat na payat, kahit hindi gumagamit ng droga. Noong isang taon, sinabi ng isang senador na tokhang-free ang 2018 national budget. 

Noong nakaraang buwan, binansagang Oplan DogHang ang pagpapasuko ng mga askal sa Barangay Capri, Novaliches, Quezon City. Sa kanilang campaign poster, mababasa ang babalang “Oplan ‘Dog’Hang! Wag nang manlaban, isuko na ang alagang hayop! Upang hindi na makapinsala at makadumi sa kapaligiran.” 

Sa ngalan ng Tokhang, ang walang habas na pagpapawalang-saysay sa karapatan ng taong mabuhay ay naipasa na sa pakikitungo sa mga hayop.

Mark Angeles

Si Mark Angeles ang tanging writer-in-residence na ipinadala ng bansa sa International Writing Program sa University of Iowa, USA noong 2013. Sa kasalukuyan, tinatapos niya ang MA Malikhaing Pagsulat sa University of the Philippines, Diliman. Kolumnista siya ng Pinoy Weekly, literary editor ng bulatlat.com, at kontribyutor sa seksiyong features (arts and culture) ng GMA News Online.

 


Ikalawang gantimpala: FAKE NEWS ni Danilo A. Arao

Ikatlong gantimpala: DENGVAXIA ni Ralph Fonte, MD

Online favorite: FOODIE ni Mykel “Chef Tatung” Sarthou

Pinakamahusay na presentasyon: FAKE NEWS ni Danilo Arao

 

 

  • Share:
Tags: