Walang bansang umuunlad nang walang sariling wika at panitikan.
Nagkakaisa kaming tumitindig at nagpapahayag na dapat manatili – at patuloy na paunlarin – ang Wikang Filipino at Panitikan bilang mga batayang kurso sa General Education Curriculum sa kolehiyo.
Naniniwala kami na napakahalaga ng wikang Filipino at panitikan sa pagpapalalim ng mapanuri, malikhain, malaya, at mapagpalayang kakayahan ng mga mag-aaral at mamamayan, anuman ang kanilang kurso, disiplina at larangan ng pagpapakadalubhasa. Hindi pag-uulit ang pag-aaral ng wika at panitikan sa kolehiyo, bagkus ay pagpapalawig sa teorya, praktika, at silbi nito sa pamantasan, bansa, at buhay.
Mataas ang pagpapahalaga ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) – Diliman sa wikang Filipino at panitikan bilang kapwa mga asignatura at disiplina na humuhubog sa makabayan, makatao, at demokratikong aspirasyon ng pamantasan at bansa. Bahagi ang pagsusulong ng wikang Filipino at panitikan sa mandato ng 1989 Patakarang Pangwika ng UP – ang pagtataguyod at pagsusulong ng wikang Filipino bilang wika ng pagtuturo, pagsasaliksik, at talastasang-bayan.
Naninindigan kami na ang wikang Filipino ay buháy na teorya at praktikang mahalaga sa pagbubuo ng bansa. Naninindigan kaming higit na mapaglilingkuran namin ang mas malawak na mamamayan gamit ang wikang Filipino. Mandato ng UP, bilang pambansang pamantasan, ang paglingkuran ang sambayanan, tulad ng nakasaad sa UP Charter (2008) o Republic Act 9500.
Sa sarili naming bakuran, ang mga sentro at dalubhasaan tulad ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas at ng Sentro ng Wikang Filipino, ay may mahaba at mayamang tradisyon ng pagsusulong ng wikang Filipino at panitikan bilang mga larangan at disiplina ng pagtuturo, pag-aaral, pananaliksik, at pakikipagtalastasang-bayan. Gamit ang wikang Filipino, patuloy na nakikipag-ugnayan ang UP sa iba’t ibang mga akademikong yunit, opisina, institusyon, at ahensiya sa loob at labas ng pamantasan. Nagluluwal ang mga ugnayang ito ng mapanuri, malikhain, makamamamayan, at makabayang programa at proyekto gamit ang wikang Filipino.
Ang wikang Filipino ay ang pambansang wika na itinakda ng Konstitusyon ng Pilipinas. Patuloy itong pinayayabong ng lahat ng mga wikang ginagamit at pinauunlad ng mamamayan. Ang wikang Filipino at panitikan ay mga sandata sa pagtataguyod ng katotohanan at katuwiran, lalo na sa panahon ng kasinungalingan, kawalan ng katarungan, at krisis panlipunan. Kasalanan at kataksilan sa bayan ang pagtanggal ng wikang Filipino at panitikan sa hanay ng mga aralín sa kolehiyo o anumang antas ng paaralan. Mahigpit ang pangangailangang itanghal at ipaglaban nating lahat ang wikang Filipino at panitikan!