Notices

Pahayag ng UPD University Council sa Pagtatanggal ng mga Sinasabing Subersibong Libro mula sa mga Aklatan

Pagtatanggol sa Kalayaang Akademiko

Sinusuportahan ng University Council ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD UC) ang mga pahayag ng UPD School of Library and Information Studies (SLIS), UPD Office of the Chancellor Executive Staff (OCES), at UP System-wide University Library Council na tumututol sa pagtatanggal ng mga libro sa mga aklatan ng tatlong higher education institutions (HEIs).

Sa kaniyang Nobyembre 2 na pahayag, sinabi ni J. Prospero De Vera III, Tagapangulo ng Commission on Higher Education (CHED), na diumano’y “ehersisyo sa kalayaang akademiko (in the exercise of academic freedom)” ang desisyon ng Kalinga State University, Isabela State University, at Aklan State University na tanggalin ang mga libro. Ani pa ni De Vera, hindi dapat makialam rito ang UPD. Ang pahayag ni De Vera, sa esensiya, ay sumusuporta sa Memorandum Blg. 113 (serye ng 2021) ng Direktor ng Cordillera Administrative Region (CHED-CAR) na hinihikayat ang pagtatanggal ng mga “subersibong” materyales at babasahin sa mga aklatang pampamantasan.

Nakadambana ang kalayaang akademiko sa Batas Republika Blg. 9500 (The University of the Philippines Charter of 2008) at sa Batas Republika Blg. 7722 (Higher Education Act of 1994). Nakasaad sa UP Charter na ang “Pambansang Unibersidad ay may karapatan at tungkulin na tuparin at itaguyod ang kalayaang akademiko” (Sek. 5 – Kalayaang Akademiko). Kabilang sa tungkuling ito ang ipagtanggol ang kalayaang akademiko.

Sa kabilang banda, sinusuhayan ng Batas Republika Blg. 7722, na nagtatatag sa CHED, ang nasabing prinsipyo: “Titiyakin, ipagtatanggol, itataguyod at tutuparin ng Estado ang kalayaang akademiko para sa patuloy na intelektuwal na pag-unlad, pagsulong ng pagkatuto at pananaliksik, pag-unlad ng responsible at epektibong pamumuno, pag-aaral ng nakatataas at panggitnang mga propesyonal, at pagyabong ng ating kasaysayan at kultura” (Sek. 2 – Deklarasyon ng Palisiya).

Sa pagsusuri sa pahayag ni De Vera, lumalabas na hindi ipinagtatanggol ng CHED ang kalayaang akademiko dahil ineendorso nito ang hakbang ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na panghimasukan ang mga usaping akademiko, kontrolin ang nilalaman ng mga aklatan, at supilin ang kalayaang akademiko ng mga mag-aaral at guro ng tatlong pamantasan. Ang pagsita niya sa diumano’y “pakikialam” ng UP ay nangangahulugan ng pagsuporta niya sa patuloy na pagtatanggal ng mga radikal na mga babasahin sa iba pang aklatan. Ito’y kataksilan sa kalayaang akademiko na diumano’y pinaniniwalaan niya. Nakapanghihilakbot na bigo ang CHED, sa pamamagitan ng Tagapangulo at ng isang Direktor Pangrehiyon nito, sa mandato nitong ipagtanggol ang dakilang tradisyon ng mga HEI.

Ang “paglilinis” sa mga libro ay pag-atake sa “buhay ng isip” o kaunlarang intelektuwal. Taliwas ito sa layon ng mga pamantasan na linangin ang kritikal na pag-iisip at na ihapag sa mga mag-aaral ang iba’t ibang pananaw. Kataksilan ito sa ubod at buod ng isang pamantasan: kritikal na pag-iisip, malayang talastasan, at kalayaang akademiko.

Nananawagan ang University Council ng UP Diliman na ipagtanggol ang kalayaang akademiko laban sa anomang atake, saanman, at kailanman, at na protektahan ang mga aklatang pampamantasan bilang mga sanktuwaryo laban sa panatisismo at panlalansi. Hinihikayat namin ang Tagapangulo ng CHED na tiyaking kinikilala, iginagalang, at itinataguyod ang kalayaang akademiko sa LAHAT ng institusyon ng lalong mataas na pag-aaral. Naninindigan ang UP Diliman at nakikiisa sa lahat ng HEIs sa pagbibigay-proteksyon sa ating mga aklatan at sa pagtatanggol sa kalayaang akademiko.

 

Ang pahayag na ito ay salin ni Dr. Michael Francis Andrada, direktor ng UP Sentro ng Wikang Filipino.

Ang UP Diliman University Council ay binubuo ng tsanselor (bilang tagapangulo), at mga propesor, kawaksing propesor, at katuwang na propesor.